Agawin Mo Ako sa Diyos

Zacznij od początku
                                    

Isang pari si Uncle Pete. Kapatid siya ni Tatay. Siya ang ka-close ko sa mga tiyuhin ko. Kinausap ako ng masinsinan ni Uncle Pete na kulang ng sakristan sa simbahan kaya pumayag na lang ako. Iyon din naman ang sinabi sa akin nina Tatay at Nanay pero ewan ko ba, hindi ko sila magawang sundin.

Hindi ko ka-close ang mga magulang ko, maging ang mga kapatid ko. Pakiramdam ko kasi, iba ang trato nila sa akin. Siguro dahil hindi lahat ng gusto nila ay sinusunod ko. Kapag sinusunod ko naman sila ay marami pa akong sinasabi na kung ano-ano. Marami akong dahilan, marami akong kondisyon. Pero pagdating kay Uncle Pete, hindi ko naman naiisip na magsabi ng kung ano-ano, magdahilan, o magbigay ng kondisyon. Sa hindi ko malamang dahilan, napakagaan ng loob ko kay Uncle Pete. Ngunit pagdating sa usaping pagpapari ko, walang makapipilit sa akin. Pero ewan ko lang kung si Uncle Pete ang kumausap sa akin tungkol doon. Hindi naman kasi namin iyon pinag-uusapan.


HINDI MAGANDA ang ugali ko. Sinusuway ko ang mga magulang ko, hindi ko ginagalang ang mga kapatid ko. Barumbado ako noong high school. Ilang beses nang pinatawag ang mga magulang ko upang humarap sa mga kaso ko sa eskuwelahan.

Alam ng mga kaklase ko noon na magpapari ako balang araw pero dahil ayaw na ayaw ko pa noon ang magpari, naaasar ako kapag tinatawag nila akong "Father Matt." Napipikon ako kapag sinasabi nilang "Mano po, Father." O kaya, "Father, puwedeng mangumpisal?" Napapaaway ako dahil hindi ko gusto ang mga iyon. Kaya naman, ginawa ko ang lahat para mawalan ng gana sina Tatay at Nanay sa pangarap nila para sa akin.

Nakikipag-away ako, laging sumasama sa barkada, naninigarilyo, umiinom. Pero nang malaman iyon ni Uncle Pete, kinausap niya ako at unti-unti ay tumigil ako. Sa tulong na rin ni Angela ay tuluyan na akong tumigil sa mga bisyong iyon.

Sinubukan ko ring magka-girlfriend noon. Niligawan ko si Helga, ang magandang third year na taga-kabilang section. Binasted niya ako dahil magpapari naman daw ako. Kahit sinabi kong ayaw ko namang magpari ay tinanggihan pa rin niya ang pag-ibig ko.

Nang niligawan ko naman ang magandang kaklase ko na si Pauline ay kaagad niya akong sinagot. Matagal na raw kasi siyang may crush sa akin kaya hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa na sagutin ako. Patago ang aming relasyon dahil ayaw niyang malaman ng mga magulang niya ang tungkol sa amin. Napakaistrikto raw ng mga magulang niya. Pumayag din ako na itago ang aming relasyon dahil kapag nalaman din ng mga magulang ko, baka kaagad din kaming paghiwalayin. Kung matutuloy man ako sa pagpapari, gusto ko namang maranasang magkanobya. Ang sarap pala sa pakiramdam. Ang saya.

Naisip ko noon na galawin si Pauline para kapag may anak na kami ay hindi na matutuloy ang pagpapari ko. Pero hindi pumayag si Pauline na may mangyari sa amin. Papatayin daw siya ng Papa niya kapag nagdalang-tao siya. Ayaw nga ng mga magulang niya na magkanobyo siya, ang mabuntis pa kaya? Naisip ko rin naman na mali dahil mga bata pa kami at napakalaking responsibilidad kung sakali. Hindi pa ako handa. Baka hindi ko kayanin. Desperado lang siguro talaga ako noon na huwag matuloy ang pagpapari ko kaya ko naisip ang bagay na iyon.

Hindi nagtagal ang relasyon namin ni Pauline. Naghiwalay kami noong fourth year high school dahil maraming mga bagay na hindi namin mapagkasunduan.

Nagkasakit naman noon si Uncle Pete. At hindi lang basta sakit iyon. Malalang sakit. Pancreatic cancer. Isang terminal disease. Puwede pa naman sanang gumaling iyon pero tumigil sa pag-inom ng gamot si Uncle Pete. Ang sabi niya, iyon na marahil ang parusa sa kanya ng Diyos sa kasalanan niya.

Nasa tabi niya ako noong mga huling sandali ng buhay niya. At sa kauna-unahang pagkakataon, tinawag niya akong "anak." Hindi niya ako tinawag nang ganoon kahit pa na pari siya. "Pamangkin" o hindi kaya ay "Teo"-mula sa pangalan kong "Matteo"-ang tawag niya sa akin kaya naman ay labis ang pagtataka ko. Doon na sinabi ni Tatay na si Uncle Pete, ang nakababata niyang kapatid na isang pari ay ang tunay kong ama.

Mga Alaala sa Paris [at iba pang mga Kuwento]Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz