Chapter 1: She or He? (09/05/2015)

3.9K 57 17
                                        

Ang Lalaki Sa Likod Ng Bestida.

written by: CDLiNKPh

Genre: Drama, Romance, Psychological, Slice of Life

Theme: Cross Dressing, Weak Guy, Strong Girl

Chapter 1: Bagong Kaibigan.

Takbo nang takbo ang sampung taong gulang na si Julian pero kahit ano'ng takbo niya ay nasusundan siya ng mga batang humahabol sa kanya.

"Juliana, bakla! Juliana, bakla! Iiyak na 'yan! Iiyak na! Ha-ha-ha!" pang-aasar ng salbaheng si Noel. 

Ang pinakamayabang at sigang bata sa lugar nila. Humalakhak ito habang binabato siya nito at ng mga kasama niya.

Napaupo sa lupa si Julian saka napayakap na umiiyak sa sariling tuhod at tinakpan na lang ang tenga para hindi na marinig pa ang sari-saring panunukso ng mga salbaheng batang nakapaligid sa kanya.

"Hoy, Noel! Salbahe ka talaga! Nang-aapi ka na naman ng mas maliit kaysa sa 'yo!" 

Biglang may dumating na isang batang babae na tantiya niya ay kasing edad lang niya. 

Lumapit ito kay Noel saka binatukan ang lalaki.

"Uy, Jamie, huwag ka nang magalit. Naglalaro lang naman kami nito ni Juliana, e. 'Di ba, Juliana?" Parang nagbago ang ihip ng hangin at naging mabait ang tono ni Noel. 

Hindi siya nagsalita. Nakayuko pa rin. Masakit na ang tuhod niya nang dahil sa kakatakbo.

"May naglalaro ba na nagbabatuhan ng bato? Lokohin mo ang lelang mong panot! 'Di na kayo nahiya! Pumapatol kayo sa babae!" mataray na sabi ng batang babae.

Napakamot sa ulo si Noel at umalis na lang saka siya tiningnan ng masama. 

Nagyuko lang siya dahil hanggang ngayon ay nanginginig pa rin siya sa takot.

Lumapit sa kanya ang batang babae. Inabot nito ang kamay sa kanya para tulungan siyang makatayo. Paghawak niya sa kamay nito ay kinabahan siyang bigla kaya naman agad niyang inilayo ang kamay niya rito. 

Bakit gano'n? Parang may kuryente sa kamay nito?

"Ayos ka lang ba?" tanong nito. 

Hindi siya sumagot. Hindi niya alam kung bakit pero namumula ang mukha niya habang tinitingnan ang nakangiting mukha nito. 

"Ang ganda-ganda mo naman pero bakit inaaway ka nila?" muling tanong nito. "At ang pretty naman ng damit mo, parang pang-prinsesa! Saan mo binili 'to?" dugtong nito nang makita ang suot niyang bestida. 

Napalunok siyang lalo nang hawakan nito iyon dahil mas naging malapit ito sa kanya. 

"Ano'ng pangalan mo? Ako si Jamie." Inabot na nito ang kamay sa kanya.

Hindi siya makasagot. Hindi niya maintindihan kung bakit kinakabahan siya sa harapan nito. Parang tumatalbog ang puso niya. At namumula ang mukha niya...

"Hindi ka na makapagsalita. Siguro na-trauma ka na dahil sa mga pinaggagawa nina Noel sa 'yo, 'no? Pero huwag kang mag-alala dahil nandito na ako. Hindi ka na nila maaaway pa." Ngumiti ito uli. "Pwede ba kitang maging kaibigan?

Sina Noel pa lang kasi ang kilala ko rito, e. Kalilipat lang kasi namin. Kaso salbahe naman siya at nang-aapi pa ng ibang bata kaya ayoko na siyang maging friend," dugtong pa nito. "Alam mo, halos wala akong makitang mga babae rito. Lahat sila lalaki at baril-barilan ang nilalaro. Kaya mabuti na lang talaga, nakita kita. Gusto mo, laro tayo ng paper doll?" Patuloy lang sa pagsasalita ang batang babae kahit na halos hindi naman niya ito sinasagot. Hanggang sa namalayan na lang niyang hila-hila na siya ni Jamie at dinala sa bahay nito.  

Maliit lang ang bahay nito, hindi katulad ng sa kanila na malaki.

Kumuha ito ng mga libro at pinagpatong-patong iyon para kunwari ay may bahay ang mga paper doll na ito lang naman ang gumuhit.

"Ang panget naman ng laruan mo. Doon na lang tayo sa bahay namin. Marami akong barbie saka may doll house pa ako!" pagyayabang niya.

"Talaga? Pahihiramin mo ako?" nagningning ang mga mata ni Jamie.

Tumango siya. 

"Sige, sama ako!" Iyon lang at tumayo na sila at agad na pumunta sa kanila.

9. Ang Lalaki Sa Likod Ng BestidaWhere stories live. Discover now