Ngumiwi ako. "Si Mama puma-punchline, di bagay magjoke prinsipal po kayo pinapaalala ko lang... Pahiram ho sasagutin ko lang."

Inilayo niya ulit sa akin ang telepono. "Ako na ang magtitext. Anong sasabihin mo?"

"Pati ba naman ho yan?!" protesta ko.

"Eh mabuti na yung nasasala ko ang mga sasabihin mo!"

"Sige na nga.. Eto na-" Inipit ko ang buhok ko sa aking tenga at kiming ngumiti. "Ingat ka. Text ka ulit pag nasa Maynila ka na. Tintin to," mahinhing sabi ko na dahilan para manlaki na naman ang mga butas ng ilong ni Mama.

Tumabi akong maiigi sa kanya at dinungawan ang cellphone habang nagtitext siya. "Ayan okay na. Walang sobra, walang kulang."

Naupo ako sa hapag-kainan at nakataas ang isang paa na nagkape.

"Alam mo bilib din ako sa Atty. Perez na yan..." ani Mama. "Ang lakas ng disiplina sa sarili. Akalain mong sa kabila ng kalasingan kagabi nagawa pa ring gumising ng pagkaaga-aga. Bumangon ako ng alas trey y medya ng madaling araw aba'y naabutan kong naghahanda ng umalis. Siya pa nga itong gumising sa driver niya na pinatulog ko na rin dito sa sala."

"Masipag talaga yan si labs... attorney!" buong pagmamalaking sabi ko.

"Di na ako magtataka kung bakit ang mga mayayamang kagaya niya ay lalo pang yumayaman."

"Ay Ma, mali kayo!" napapailing na wika ko. "Hindi nagsisipag ng sobra-sobra si attorney dahil lamang sa pera. Mahal na mahal niya lang talaga ang trabaho niya. Hindi niya pinababayaan ang mga obligasyon at responsibilidad niya. Ayaw na ayaw niya ng nasisira siya sa mga commitments niya." Bigla akong nalungkot. "Kaya nga nakokonsensiya ako sapagkat nang dahil sa akin ay may nakakansel siyang mga appointments," napapabuntong-hiningang pahayag ko.

"Ganun talaga... minsan dumarating sa buhay ng tao na kailangan magsakripisyo para makuha ang mga bagay na mas importante para sa atin... Pero tama ka dun! Sa tingin ko nga si Lance ang tipo ng taong marunong tumupad sa salita niya."

Namilog ang aking mga mata after sensing an air of admiration from my mother. Lumapit ako sa kanya at marahan siyang siniko sa braso. "Ma aminin nyo, boto na kayo kay attorney ano?" tanong ko nang may ngiting panalo.

Natawa si Mama sabay nagpalinga-linga sa paligid. "Pinuri ko lang ng kaunti boto na agad. Ang hilig mo ring magmadaling bata ka no?" pabulong na sabi niya na halatang iniiwasang marinig ng iba.

Ngingiti-ngiting siniko ko ulit siya. "Sus Ma, aminin niyo na! Huwag na kayong pabebe halatang-halata naman sa tono niyo kanina."

"Hoy Kristina dadalawang araw ko pa lang nakikilala ang lalaking yun, ang sinabi ko lang masipag maliban dun malay ko ba sa ibang ugali niya!" Tinaasan niya ako ng kilay. "Mabuti pa gisingin mo na ang Kuya mo't tawagin mo na ang Papa mo nang makapag-almusal na tayo. Maggagayak pa ako papasok."

Masiglang nagtungo ako sa sala. Itinapat ko ang aking bunganga sa tenga ng natutulog kong kapatid.

"LIIIIIIIINDOOOOOL, LUMILINDOOOOOL!!!"

Biglang napabalikwas ng bangon si Kuya Paul nang may nanlalaking mga mata. "SAAN? ASAN?! MALAKAS BA?!"

Humahagikhik na lumayo agad ako sa kanya. Mahirap na baka bigla akong masapak, bagong gising pa naman. Bumalik agad ako sa kusina at agad na nagbusy-busyhan sa paglalagay ng mga pinggan sa hapag kainan. Napapakamot sa ulong lumapit sa mesa si kuya. Pupungay-pungay pa ang mga mata nito.

"Hoy Tintin. Magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa may hangover!" aniya nang pinanlalakihan ako ng mga mata. "Pahinging tubig!"

Nakangusong ikinuha ko siya ng malamig na tubig. Dire-diretsong ininom niya ito nang animong uhaw na uhaw. Pagkaubos ay nilagyan ko ulit ng tubig ang baso. Sa hitsura niya parang nararamdaman ko rin ang pananakit ng ulo niya.

She Loves Me MoreWhere stories live. Discover now