Araw-araw

35 0 0
                                    

Araw-araw nalang ako laging nakakakita ng gwapo. At may specific na oras pa talaga. Araw-araw ko siyang nakikita, araw-araw ko din siyang pinagmamasdan. Nasabi ko sa sarili ko na mas madali siguro ang buhay gwapo no? Mas mabait ang mga tao sa’yo at mas gustuhin ka kaysa hindi masyadong pinalad ng itsura. Pwede ka sigurong magsinungaling at gumawa ng masama at hindi ka pagdududahan kaysa mga hindi nakakaakit ang mukha na wala pa ngang ginagawa, pinagduduhan na. Hindi rin siguro mahirap sa kanya ang makipagsalamuha sa mga babae dahil sila na mismo ang lumalapit at  binibigay ang mga sarili nila sa kanya. Kung hindi man, konting pacute, smile at bola sa babae, matutuhog niya rin ito. Hindi tulad sa iba na kahit anong papansin ay laging binabalewala at para bang hindi nag-eexist. O kaya’y ang mas masaklap, pinansin ka nga noong nagpakilala ka sa bar na madilim pero nang nagkita muli kayo sa mall (umaga at maliwanag na maliwanag) ay hindi ka lang binalewala, tumalikod pa siya at tumakbo. Halos lahat ng tao gusto makipagkaibigan sa gwapo, kasi mabait, kasi mukhang may alam, kasi baka mayaman. Siguro nga talaga, madali ang buhay nila. Problema? Mga problema lang siguro nila ang mabababaw tulad ng paghahanap kung ano ang susuotin sa susunod na araw, papaano makakaiwas sa mga babaeng laging nakatulala sa kanya at ayaw niya sa kanila dahil hindi niya type, papaano magdelete ng friend requests kasi naabot na ang limit at paano iblock ang mga taong laging nagcha-chat kahit hindi niya kakilala, at kung papaano patatahimikin ang mga taong galit na galit, pero inggit lang pala, kasi alam niya na sila ay insecure lang sa kanya. Oo nga, ganyan lang siguro ang kanilang ang mga bagay na pinag-iisipan kasi mukhang madali lang sa kanila. Pero bakit sa tuwing nagkakasalubong ang aming mga mata ay may nakikita akong iba. May nararamdaman akong sakit at kalungkutan sa mga mata niya. Eh bakit naman siya malulungkot, eh diba ang sarap sarap nga ng buhay niya? At dun ko napagtanto. Napagtanto na tao pa rin siya. Tao pa rin siya tulad natin na nakakaranas ng masasayang pangyayari, at minsan rin, kalungkutan. Kagaya natin, nahihirapan din siya sa mga problema sa buhay. Kung iisipin, baka nga ang kanila pang kagwapuhan ay nagdudulot minsan ng mga problema nila. Ianalyze natin to. Tulad ng sabi ko, mukhang ang dali-dali ng kanilang buhay, at alam kong ganyan rin ang pananaw ng karamihan ng mga tao. At dahil dito, mas madali silang pagbalingan ng mga galit ng tao dahil nga sa pag-iisip na okay lang lahat ng parte ng buhay nila. Tulad ng pagiging highest sa buong section, hindi maiwasang isipin ng kapwa estudyante na kaya siya ang pinakamalaki kasi gusto siya ng teacher. O di kaya’y na promote siya dahil sipsip siya kay boss kasi magaling siya mangbola at alam niya ang kanyang charm. Bawal rin sa kanila ang ipagmalaki ang kanilang mga nagawa kasi lumalabas na mayabang at napakahambog nila. Hindi mo pwedeng ipagsigawan sa buong mundo na nakapasa ka sa board exam na pinaghirapan mong pag-aralan ng apat na taon, minsan nga ay sobra pa, dahil nararamdaman mo na hindi rin naman sincere ang pagbati ng mga tao sa iyo, minsan ay parang nao-offend pa sila. Magiging defensive sila at pagsabihan kang hindi naman talaga achievement ang nagawa mo. Yung iba naman, sa sobrang kagwapuhan, ay minsan, hindi pala minsan, madalas na napagkakamalang bakla dahil walang girlfriend o nilalanding babae. Para bang responsibilidad nilang magkaroon ng syota. Eh paano kung torpe at mahiyain lang talaga? O wala pang babaeng nakakapatibok ng kanilang puso? Alam mo, nakakasakit yan ng ego ng lalaki. Hindi kaya ito ang nagtutulak ng mga playboy sa kanilang mga ginagawa, dahil dito sa hindi naman tamang social prejudice? At ang pinakamasakit pa ay ang pag-iwan ng mga tinuring mong pinakamatalik ng mga kaibagan kasi tumaba/pumangit ka na, wala ka nang silbi, useless, good for nothing. Gusto ko sanang ipagtanggol rin sila kasi tuwing sasabihin nilang may problema sila, o problema rin ang paggiging gwapo, walang maniniwala at makikinig. Pero mahirap din kasi, hindi nga ako kasali sa kanila. Gusto kong baguhin ang pag-iisip ng mga tao, pero mas mahirap iyon, kaya sisimulan ko na lang sa aking sarili. Hindi ko na iju-judge ang mga gwapo at i-assume na madali at okay lang ang kanilang mga buhay kasi hindi naman talaga. Pero ang hindi ko lang maintindihan dito sa gwapong nakikita ko araw-araw ay sa salamin ko lang rin siya nakikita.

Araw-arawHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin