“Promise po Mimi ha kasi nahihirapan po ako tumingin sa dinodrawing ko tsaka natatakot po ako sa dilim. Sabi ni ate bawal daw akong kumilos kasi baka masipa ko si Sadako pag naglakad ako sa madilim.”

“Promise baby. Tsaka iyan talaga si ate, pwede ka namang kumilos eh…wala si Sadako dito sa bahay natin. Takot lang nun kay Mimi.”…

Nang magtulugan ang mga bata ay tahimik na bumaba si Lena. Naupo siya sa mesa bitbit ang bag. Naglabas siya ng ballpen at papel. Kinuha niya sa bag ang isang envelope na may lamang pera. Kahit papaano ay nakatanggap siya ng separation pay kaya’t may panggastos pa sila habang naghahanap siya ng bagong trabaho.

Kinuwenta niya kung hanggang kailan tatagal ang perang natanggap. Napahawak siya sa noo nang matantiyang sapat lamang ito para sa panggastos nila ng isa’t kalahating buwan. Hindi pa kasama dito ang mga utang niya sa renta ng bahay. Humugot siya ng isang malalim na buntong-hininga. Kailangan bukas na bukas din ay magsimula na siyang maghanap ng maaaplayan.

“Ate bakit kasi hindi ka maghanap ng jowaerz? Para naman hindi ka home alone sa pag-iintindi sa mga junakis na yan. Bonggalo naman yang fezlak mo. Madali ka naman sigurong mabebetan ng mga mincalo.”, komento ni Monica nang bumaba ito para uminom ng tubig at napansin na namomroblema na naman ang dalaga.

“Magsalita ka nga ng naiintindihan ng mga tao, Manolito.”

“Eeeew, ano beh, huwag niyo nga akong tawaging sa namesuk na iyan!....Ang sabi ko bakit hindi na lang kayo maghanap ng boyfriend. Maganda naman kayo at siguradong marami pa rin namang nagkakagusto sa inyong mga lalaki. Para naman may nakakatulong kayo sa pagpapalaki ng mga bata. Hindi yung solong-solo niyo ang responsibilidad.”

Ngumisi sa kanyang isipan si Lena. Boyfriend? Sinong matinong lalaki ang matutuwang pumatol sa isang babaeng magkakaroon siya ng tatlong instant na palakihing mga anak? May mga nanligaw na sa kanya subalit lahat ng mga ito ay umatras matapos malaman ang totoong kalagayan niya. Kung kaya’t ang ginagawa niya, kapag may bagong nagpaparamdam ay kaagad niyang binobroadcast na may tatlo siyang anak para hindi na ito matuloy pa sa panliligaw.

“Huwag mo nga akong bigyan ng mga walang kuwentang ideya Monica. Sumasakit na nga ang ulo ko sainyo pa lang, gusto mo pang dagdagan. Basta bukas na bukas din bumili ka ng mga diyaryo sa kanto ha tulungan mo akong maghanap ng mapapasukan.”

You Gave Me A ReasonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon