Agape

490 25 15
                                    

Agape

------

The love of Jesus, sweet and marvelous

The love of Jesus, sweet and marvelous

The love of Jesus, sweet and marvelous

Oh, oh! Wonderful love!

Naaala ko pa dati na kinakanta namin iyan ng mga kababata ko sa simbahan namin. Masayang-masaya ako habang umaawit kami niyan: nakikipag-ngitian sa mga kasama ko habang umiindak kami sa saliw nito. Sa Sunday School kami binabasahan ng mga kwento ng matatapat na lingkod ng Diyos mula sa Bibliya at tinuturuan ng mga kanta na para sa Kanya. Marami kaming teachers doon at napakababait nilang lahat. Nakikipaglaro din sila sa aming mga bata. Doon ko masasabing napakaganda ng kabataan ko.

Ang mga magulang ko ay Kristiyano na bago pa man ako isilang sa mundong ito. Nagpapasalamat nga ako dahil hindi sila malupit at maramot na mga magulang sa akin, hindi katulad ng mga ibang batang nakikita ko sa lansangan. Pinabayaan na lang sila doong mamalimos, magnakaw, walang tirahan. Pinakamamahal ako nina Nanay at Tatay. Tinuro din nila sa akin ang tamang asal kaya lumaki akong magalang. Tinuruan din nila ako na unahin sa aking buhay ang Panginoon. Siya dapat lagi ang purihin at sambahin, pakamahalin nang lubos at pasalamatan sa bawat biyayang natatanggap ko. Tama nga, napakabuti Niya sa aming buhay. Dapat ko Siyang pagsilbihan. Dapat kong palaganapin ang Salita Niya.

Lumaki akong isang konserbatibong dalaga – mahaba ang bestidang aking sinusuot, hindi ko ipinanglalabas ang sando at shorts ko, piling mga mabubuting salita lang ang aking sinasabi sa mga nakakausap ko, umuuwi ako nang maaga pagkatapos ng aming klase at hindi na naglalakwatsa pa at hindi ako tumatanggap ng manliligaw. Sabi ni Nanay, magtapos muna ako ng pag-aaral bago ako makipag-nobyo. Inaamin ko, naiinggit ako sa mga kaklase ko. May mga naghahatid sa kanila pauwi, mga nagbibigay ng regalo, mga kangitian at kalambingan. Katulad ng sinabi ni Nanay, sinabi din ng aming Pastor na matutong maghintay sa tamang panahon.  Gamitin daw namin ang aming kabataan para sa Diyos. Ipakita daw namin sa ibang mga kabataan na naiiba kami, na kailangan naming maging isang modelo para sa kanila. Dahil doon, nagtiwala na lang ako sa plano ng Diyos para sa akin. True love waits, ika nga.

Naging worship leader ako sa aming simbahan. Ang talento ko sa pag-awit ay naging kapaki-pakinabang sa harapan ng Diyos. Maraming mga tao ang humanga sa akin. Pero hindi ko iyon tinanggap bilang kagalingan ko; ang aking tinig ay para sa Kanya. Hindi ako ang natataas kundi ang pangalan Niya.  Lalo pa nila akong hinangaan dahil daw sa kababaan ko ng loob. Ganoon naman talaga dapat ang isang Kristiyano, di ba?

Noong bata pa ako, lagi kong sinasagot sa mga nagtatanong sa akin kung ano daw ang gusto kong maging paglaki ko. Buong puso’t isip kong sinasabi sa kanila na nais kong maging isang doktor. Gusto kong makatulong sa mga taong maysakit. Gusto kong makatulong. Bilang isang doktor, makakapagsilbi ako sa mga kababayan ko, pati na rin sa Panginoon. Natuwa ang mga kapitbahay at kasamahan ko sa simbahan. Ako daw kasi ang magiging unang doktor sa lugar namin.

Labag man sa kalooban ko ang malayo sa mga magulang ko at sa simbahan namin, tinupad ko ang pangarap ko. Sa Maynila ko pinagpasyahang mag-aral dahil walang inaalok na kursong medisina ang kolehiyo sa aming bayan.  Maraming nalungkot sa pag-alis ko. Gayon din naman ako, napakahirap para sa akin ang iwan sila. Ngunit pinagbaon nila ako ng mga magagandang salitang nagpalakas ng loob ko. Mabilis lang daw ang halos isang dekada, babalik naman daw akong isa nang doktor. Huwag daw akong panghinaan ng loob. Magpakatatag daw ako at laging sundin ang kalooban ng Panginoon. Sa gayon, hindi ako mapapahamak. Baon-baon ko ang lahat ng payo nila sa puso ko. Umalis ako na may ngiti sa mga labi. Umalis ako na panatag ang loob. Sa Diyos ako magtitiwala, buong puso at pag-iisip.

AgapeWhere stories live. Discover now