PROLOGUE
MGA PANUNTUNAN SA PAGMAMAHAL
Rule No. 1 — The Power of Loving Less
"Sa isang relasyon, mas may kapangyarihan ang taong mas kaunti ang pagmamahal, sapagkat kadalasan, siya ang mas madaling makapagpapasya kung kailan ito magtatapos."
Rule No. 2 — Love Without Shame
"Huwag mong ikahiya ang pag-ibig na hindi kayang tanggapin ng mundo. Ang opinyon ng iba ay hindi sukatan ng katotohanan ng iyong nararamdaman."
Rule No. 3 — The Right to Be Ready
"Huwag mong piliting humarap sa mundong hindi pa kayang harapin ng taong mahal mo. Hindi mo maaaring madaliin ang tapang na kailangan niyang buuin sa sarili niya."
Rule No. 4 — Love Must Be Honest
"Huwag mong hingin ang tiwala ng isang tao kung hindi mo kayang ibigay sa kaniya ang katotohanan."
Rule No. 5 — Love Without Conditions of Change
"Huwag mong hilinging baguhin ng taong mahal mo ang kaniyang pagkatao para lamang maging karapat-dapat sa pagmamahal mo."
Rule No. 6 — Love Is a Choice
"Hindi sapat na mahal mo ang isang tao. Kailangan mo ring piliin siya, lalo na sa mga araw na hindi madaling mahalin ang isa't isa."
Rule No. 7 — Love Cannot Be Forced
"Hindi mo maaaring piliting suklian ka ng isang taong hindi kayang ibigay ang pagmamahal na hinihingi mo, gaano man karami ang kaya mong ialay."
Rule No. 8 — Love Has Its Limits
"Hindi lahat ng kayang patawarin ay dapat kalimutan, at hindi lahat ng kayang tiisin ay dapat manatili."
Rule No. 9 — Love Cannot Be Guaranteed
"Walang pangako, gaano man katapat, ang makatitiyak na mananatili ang isang tao hanggang sa huli."
Rule No. 10 — Never Lose Yourself in Love
"At kung dumating ang araw na kailangan mong mamili sa pagitan ng pagmamahal at ng iyong sarili, piliin mo ang sarili mo. Sapagkat ang pag-ibig na hinihinging talikuran mo ang iyong pagkatao ay hindi dapat maging dahilan upang talikuran mo rin ang sarili mo."
Ito ang mga nakasulat sa unang pahina ng paborito kong notebook.
Ako ang gumawa ng mga panuntunang ito. Kaya kahit nakapikit ako, kaya kong sabihin ang bawat isa. Kabisa ko ang bawat salita, bawat tuldok, bawat dahilan kung bakit ko isinulat ang mga iyon.
Ang sampung panuntunan ng pagmamahal.
Mga bagay na natutuhan ko matapos ang ilang taon ng pagsusulat.
Isa akong ghostwriter.
Trabaho kong isulat ang mga bagay na hindi kayang sabihin ng ibang tao—mga love letter para sa mga pusong duwag umamin, wedding vows para sa mga taong nauubusan ng salita sa harap ng altar, apology letters para sa mga taong hindi marunong humingi ng tawad, breakup messages para sa mga taong walang lakas makipaghiwalay, at mga confession para sa mga taong mas madaling magmahal nang tahimik kaysa magsabi ng totoo.
Magaling akong magsulat ng pag-ibig para sa ibang tao.
Kaya kong hanapan ng tamang salita ang isang damdaming hindi nila maipaliwanag.
Kaya kong gawing maganda ang isang pag-amin.
Kaya kong gawing malumanay ang isang pamamaalam.
Kaya kong sabihin para sa iba ang mga bagay na hindi nila kayang sabihin para sa sarili nila.
Pero may isang bagay na hindi ko kayang isulat.
Ang sarili kong damdamin.
Kapag ako na ang kailangang magsalita, biglang nawawala ang lahat ng salitang buong buhay kong pinagkakakitaan.
Siguro dahil mas madaling magsulat tungkol sa pag-ibig kapag hindi ikaw ang kailangang masaktan.
Mas madaling magbigay ng payo kapag hindi ikaw ang kailangang pumili.
Mas madaling gumawa ng panuntunan kapag hindi ikaw ang sumusubok na sundin ang mga ito.
At akala ko noon, sapat nang alam ko ang tama.
Akala ko kapag kabisado mo ang sampung panuntunan ng pagmamahal, hindi ka na maaaring maligaw.
Akala ko alam ko ang lahat.
Hanggang sa dumating siya.
At sa unang pagkakataon, ang mga panuntunang buong yabang kong isinulat ay naging mga salitang hindi ko kayang sundin.
Isa-isa kong nilabag.
Hindi dahil hindi ko alam ang tama.
Kundi dahil sa pagkakataong iyon, alam ko na ang tama—pero pinili ko pa rin ang pagmamahal.
***********
ESTÁS LEYENDO
Siphayo (Slow-burn BL )
RomanceEion is a ghostwriter who writes the words others are too afraid to say-love letters, confessions, apologies, and wedding vows. But he possesses an unusual gift. Whenever he writes down someone's deepest feelings, he catches a glimpse of how their r...
