Masalimuot nga yata ang buhay. Bata pa lang kasi, namulat na ako kung paano gumalaw ang mundo, kung paano gumagana ang utak ng mga tao, at kung gaano kabigat ang magdala ng mga problema.
Ang hirap nga. Dati, noong bata pa tayo, gusto na nating tumanda kaagad. Kaso ngayon... mas pipiliin ko na lang umiyak kapag hindi ako binibilhan ng gusto kong laruan.
Hindi dahil hindi ko puwedeng tuparin ang mga pangarap na ginawa ko sa buhay.
"Kailan ka ba titigil sa pagkalkal diyan sa kamera? Kung sana ipinambili mo na lang ang inipon mo ng mga gamit mo sa eskwela, baka natulungan mo pa ang mga kapatid mo," saway sa akin ng mapagmahal kong Papa. Siguro nga, dahil sa pagmamahal na 'yon ay kusang lumalayo ang loob ko sa kaniya.
Imbes na sumagot ay nanatili na lang akong tikom ang bibig. Sa sobrang dami ba namang salitang naipon sa utak ko, hindi ko na kayang magsalita.
Nakakapagod rin kasi mag-explain.
Tsaka, para saan naman kung hindi rin nito maaalis ang sakit, 'di ba? Hahayaan ko na lang. Nasasanay na rin naman ako, eh.
Kasi akala ko, 'yon ang dapat. Akala ko, habang-buhay kong sasanayin ang sarili kong kimkimin ang lahat.
"Thank you for choosing me as a stranger..."
Hindi rin pala.
"Huwag ka nang magsinungaling. Halatang-halata sa mga mata mo."
Hindi kasi puwedeng matago ang mga emosyong nasa repleksyon ng mga mata ko.
"Akala ko kasi tapos na, eh... Akala ko, papabor na sa 'kin ang mundo. Pero bakit parang lahat ng plano ko, hindi naman siya sang-ayon?"
Sabi ng mga matatanda, dapat nating igalang ang ating mga magulang. Kasi 'yon yung dapat, 'yon yung tama. Pero bakit hindi nila nire-respeto ang mga desisyong gusto kong piliin para sa sarili ko?
Pare-pareho lang rin naman kaming tao.
"Lintik na passion na 'yan! Noong panahon namin, wala naman kaming ganyan. Mga kabataan ngayon, puro kayo kaartehan!"
Sigaw sa akin ng Papa ko. Hindi ko alam kung saan niya nakukuha ang mga salitang kaniyang binitiwan. Akala ko pa naman, siya ang unang taong susuporta sa akin, kaso hindi pala ganoon lahat ng tatay.
"Anak, puwede bang makinig ka na lang sa Papa mo? Puwede bang itigil mo na lang muna ang pagmamahal mo sa photography? Kailangan kasi talaga natin ng pera, nak," pakiusap sa akin ni Mama.
Tahimik lang akong umiiyak habang hawak-hawak ang basag na lens. Nasayang lang ang ilang buwan kong pagtitipid.
"Pero, Ma, ito kasi 'yung gusto ko. Hindi ko ba talagang puwedeng piliin 'to? Kahit ito na lang sana ibigay n'yo sa akin," balik ko ring pakiusap.
Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit kailangan kong bitawan ang isang bagay na sobra kong minahal.
"Alam mo... katulad ka lang ng tatay mo! Mga walang bisyon sa buhay. Ang gusto n'yo lang, masunod ang mga plano n'yo. Pero kapag pumalpak, ako naman ang magtataguyod. Matuto ka ngang mangarap sa sarili mo!"
Kagaya ni Papa, hindi ko rin nakuha ang suporta na akala ko ay kayang ibigay sa akin ni Mama.
'Di ba dapat ang pamilya ang unang magtitiwala sa 'yo? Pero bakit hindi gano'n ang kinalakihan ko? Bakit lahat ay ako na lang ang magsasakripisyo?
Hindi lang naman kasi basta pindot nang pindot 'yon. Minsan, litrato mismo ang nagsasalaysay sa buhay ng isang tao. Mga emosyong hindi kayang ipahiwatig ng libo-libong salita.
"Congrats, Ms. Sanchez! You are actually one of the greatest psychiatrists here in our country. I'm also glad to know about the program you proposed in our community. It's really helpful in understanding how generations work today," bati sa akin ng isang veteran doctor.
Buti na lang at hindi huminto ang mundo ko sa mga oras na akala ko ay huli ko na.
Kagaya ng pagmamahal ko sa pagkuha ng larawan, minahal ko rin ang Sikolohiya. Isa ito sa mga bagay na tumulong sa akin para mapatawad ang sarili ko. Patawarin ang sarili sa mga kasalanang hindi ko naman nagawa.
Mga patawad na hindi ko kailanman narinig mula sa mga taong hindi sumubok na hingin ang aking kapatawaran.
Siguro, ayos lang rin 'yon. Taon na rin naman ang lumipas. Kaso, may mga tampo na hindi talaga nabaon sa kahapon, 'no?
"I'm beyond words for you, Mariah," tipid na sabi nito sa akin. Pero kahit na gano'n ay alam ko naman kung gaano siya ka-proud sa mga narating ko sa buhay.
"Akala ko hindi na ulit kita makikita. Akala ko hindi na kita mayayabangan pa," hindi makapaniwalang sabi ko.
"I told you, what's meant for you will always find you," biro pa nito sa akin. "Too bad, I have to leave you again..."
Sa bawat pagkakataong pinagtatagpo kami ng oras, gano'n rin katipid kung gaano katagal ko siya puwedeng makasama. Hindi ko rin naman masisi ang tadhana. Dahil may mga bagay na kailangan muna naming ayusin bago kami tuluyang sumugal sa isang bagay.
"Uso pa ba 'yang pagmamahal na 'yan? At sa lagay natin ngayon, may oras pa ba tayo para diyan? Kasi sa tingin ko, mas pipiliin ko na lang mag-spend time sa mga reviewer ko," takang tanong ko sa kasamahan kong si Dianne. Pilit niya kasi akong pinapakilala sa mga lalaki.
Ilang beses ko na siyang pinigilan, pero siya pa rin itong mapilit. Kung kaya naman pala niya, edi sana siya na lang ang nakikipag-date.
Idadamay niya pa ako sa mga ganitong kalokohan.
Sayang lang sa oras.
"By the way, teh, may schedule ka raw tomorrow sa clinic ni Doc. Zamora," paalala nito sa akin. "Hindi raw kasi siya available kaya sa 'yo pinapa-assist 'yung patient. Grabe, lakas mo talaga," pagpupuri pa nito kaya biro ko siyang hinampas.
"Ayan ka na naman, eh. Uutoin mo lang ako. Gusto mo lang ako samahan kasi may gusto ka sa isa sa mga psychometrician doon. Halata ka," saway ko naman sa kaniya, pero nag-peace sign lang siya.
Mamaya, baka siya na lang gawin kong patient. Nakakabaliw nga siguro mag-aral ng psychology.
Habang tahimik na humihigop ako ng kape, nakarinig ako ng pagkatok sa pinto. Kasalukuyan akong nakaupo sa isang office chair habang nasa loob ng clinic ko. Inutusan ko naman ang tao sa labas na pumasok na.
Tumayo ako para magbigay ng respeto.
Ang kaso... akala ko ay isang normal na pasyente lang. Hindi pala ito magiging bago sa akin.
"I was here to consult myself, Doc. Sanchez. As of now, I'm not currently in a good state of mind. I guess there is something bothering me."
Minuto pa ang lumipas bago ako makapagsalita.
"B-Bakit ka andito? Akala ko..."
Naputol ang pagsasalita ko nang madako ang tingin ko sa mga mata niya. He was almost about to cry.
"Someone told me ranting to a stranger was a good idea to feel comfortable about sharing your struggles. Mind if I can also have you as that stranger?"
He painfully smiled while waiting for my response.
"Of course. Our secret was always safe with each other."
YOU ARE READING
Hidden Captures
RomancePagtago. Siguro 'yon lang ata ang alam kong tama. Kailangan ko kasing gawin 'yon eh. Mas gugustuhin ko pang damdamin ang lahat kesa makasakit ng tao. Hindi naman ako totally people pleaser, masyado ko lang yatang nililihim ang mga emosyon ko. Akal...
