Sabi nila, ang amoy ng langis at gasolina, kapag humalo sa amoy ng dugo, hindi mo na kailanman malilimutan.
Bago naging Foxglove ang lugar na 'to, mayroon lang akong isang abandonado at amoy-kalawang na talyer sa tabi ng ilog sa Pasig.
Bente-singko anyos lang ako noon. Kakamatay lang ni Tatay, at iniwan niya sa akin ang tatlong bagay: ang lumang toolkit niya, itong talyer at ang napakalaking utang sa mga maliliit na pating sa kalye. Dito ako nakatira, nag-aayos ng mga sirang kotse gabi-gabi para lang may may pambili ng instant noodles at pandesal.
Isang madaling-araw, maulan at sobrang lamig. Nakahiga ako sa ilalim ng isang lumang Sedan habang nagpapalit ng transmission nang biglang kumalampag ang bakal na pinto ng talyer.
Nang sumilip ako mula sa ilalim ng sasakyan, nakita ko pumasok ang isang babae
Naknang! Dugu-dugo ang mukha niya, basag ang labi, at may hawak siyang duguang kutsilyo.
"'Wag kang sisigaw," mahinang utos sa akin ng babae habang nakasandal sa salansan ng mga lumang gulong. "Kailangan ko lang ng lugar para magtago."
Tinitigan ko ang sugat niya, sabay tingin sa hawak niyang kutsilyo.
"Seryoso ka ba? Talyer 'to, hindi ospital. At mas lalong hindi 'to hideout."
"Hindi ako nagtatanong," hingal niyang sagot, sabay higpit ng hawak sa kutsilyo. "Isang oras lang. Pagkatapos, aalis na ako."
Bago pa man ako makapagmura o makapagtanong ulit, pumasok na ang tatlong lalaking naghahabol sa kaniya. May mga hawak silang baril at bakal na tubo.
"Valeri, lalabas ka ba nang kusa, o susunugin namin ang talyer na 'to kasama ang babaeng 'yan?" sigaw ng may balbas na mukhang mabantot na lalaki.
Hindi ako bayani. Pero teritoryo ko ang talyer na 'to, at ayaw kong may nanggugulo sa trabaho ko.
"Aba, hoy! Bago 'yang pintuan na 'yan, mga tsong!" sigaw ko sa kanila.
Mabilis kong dinampot ang pinakamabigat kong tire iron sa tabi ko at buong lakas na itinama sa mukha ng unang lalaki. Bagsak agad. Si Valeri naman, kahit sugatan, parang kidlat na gumalaw. Gamit ang malalakas na sipa at hand-to-hand combat, pinatumba niya ang dalawa pa sa loob lang ng dalawang minuto.
Nakatayo lang ako sa gilid habang tinitingnan ang hinihingal na si Valeri, bagsak sa ibabaw ng mga kalaban.
Nalaman ko kalaunan na katatapos lang niyang takasan ang isang ilegal na underground fighting ring sa Binondo matapos siyang traydurin ng employer niya. Sinundan siya ng tatlong armadong hitman hanggang dito sa talyer.
Maya-maya, may huminto na isang itim na lumang military van sa labas. Bigla kaming naging alerto ni Valeri, siya hawak ang kutsilyo niya at dinampot ko naman ang nabitawang tire iron.
Pumasok si Martina, may bitbit na malaking canvas bag at nakatutok ang baril sa pinto.
Nang makita niyang tumba na ang mga kalaban, ibinaba ni Martina ang baril at napangisi. "Do you guys need help with these goons? And I think you need an upgraded defense weapon rather than just a knife and tire iron."
Tiningnan ko siya nang masama habang nakahawak pa rin sa duguan kong tire iron.
"Sino ka naman? Nakapila ba ang mga naghahanap ng gulo ngayong gabi?" balik tanong ko sa maarteng 'to.
"Martina. I just happen to see the chaos outside kaya pumasok ako." kalmadong sagot ni Martina sabay lagay ng kaniyang canvas bag sa ibabaw ng aking workbench.
"At base sa nakikita ko, bukas na bukas din ay babalikan kayo ng buong grupo ng mga 'yan kung hindi niyo lilinisin ang lugar na 'to."
Marunong naman pala 'to mag-Tagalog. Naknang! Bago pa ako makapag-react, biglang dumilim ang paligid, nawalan pa kami ng kuryente. Pucha naman oh!
ESTÁS LEYENDO
Project Foxglove
AcciónSa ibabaw: Isang simpleng talyer lang sa Pasig. Sa ilalim: Isang malupit na underground tactical fortress. Nang mawalan ng pamilya si Monika Delgado, nakahanap siya ng bago sa piling ng Foxglove Squad. Mula sa paghihiganti at pagbuwag sa Iron Syndi...
