Isang Liham

11 5 3
                                        

Isang Liham

Aking Agostina,

Nitong mga nakaraang araw, aking napapansin ang pagkalampag ng pinggan sa'ming kusina. Ramdam ko rin ang pagyanig ng sahig at pagpitik ng ilaw sa tuwing nagpapaputok ng armas ang mga pangkat ng sundalo sa hilagang-kanluran ng bayan.

Ang sabi ng aking ama, matatapang ang mga sundalo ng ating hukbong sandatahan. Handa silang ialay ang kanilang lakas at pananalig, maging ang kanilang mga buhay, para makamit ang kalayaan ng ating bansa.

Hindi man ako isa sa kanila, Agostina, ngunit sabi ng aking ina, hindi dapat ito maging hadlang upang hindi kami makatulong sa kanilang layunin. Dahil sa huli, tayo-tayo rin dapat ang magkakapanalig.

Kaya sa umaga, tumutulong kami kina Inang Faustina sa pagluluto ng agahan para sa mga sundalo. Sa dakong hapon, kape at ensaymada naman ang inihahanda sa mga pagkakataong nakapagme-merienda ang mga heneral.

Kapag may sugatang ibinabalik sa himpilan upang magamot, tumutulong din kami sa mga mediko upang pigilan ang pag-agos ng dugo at siguraduhing hindi mawawalan ng malay ang pasyente.

Sa mga paraang ito ako humuhugot ng lakas, Agostina, habang tayo'y malayo pa sa isa't isa. Napagisip-isip ko na anim na buwan na rin noong huli tayong nagsama.

Naaalala ko kung gaano ako kasaya nang ipahayag ng Señor Presidente ang ukol sa salusalo upang ipagdiwang ang kalayaan natin mula sa España. Sapagkat ibig sabihin din nito ay ika'y aking masisilayan. Bihira ka mang palabasin ng iyong mga magulang, ngunit alam kong sa pagkakataong ito, ikaw ay kanilang papayagan.

Lagi kitang hinahanap at lagi akong sabik sa pagkakataon na pupuwede tayong magkasama. Sa bawat maghapong lumilipas, pinagmamasdan ko nang may ngiti sa labi ang paglubog ng araw sa kanluran dahil hudyat ito ng pagtatapos ng aking paghihintay. Inaabang-abangan ko ang gabi dahil sa tulong ng kaniyang kadiliman, nagiging posible ang mayroon tayong dalawa.

Ngunit nang sumapit na ang araw ng pagdiriwang at ako'y malaya mong hinagkan sa ilalim ng sikat ng araw, iba pa rin pala ang hatid nitong ligaya. Iba pa rin pala ang pakiramdam nang isukbit mo ang braso mo sa akin sa harap ng napakaraming mga bisita. At iba pala ang dalang kapanatagan ng iyong mga yapos at halik kapag ikaw ay malinaw kong nakikita, taliwas sa mga gabing ating nakasanayan na tanging hubog ng iyong mukha ang nagsisilbing pagkilala ko sa iyo.

Nang lumaya ang ating bansa sa mga Español, aking Agostina, inisip ko na ring tayo ay nakalaya, kahit sa sandaling panahon lamang.

At bagama't mga Amerikano naman ang pumalit sa'ting mananakop, inaasam ko pa rin ang pagbabalik ng araw na iyon.

Maaari kong subukang ilarawan ang pangungulila ko sa iyo, aking minamahal, ngunit alam kong walang salita sa diksyunaryonang sasapat upang maipabatid ang nararamdaman kong pighati. Sa simpleng salita, ako'y nangungulila sa iyo.

Sana ika'y nangungulila rin sa akin.

Habambuhay na sa iyo lamang,
Juana

Juana AgostinaStories to obsess over. Discover now