Friend
"Nak, naka-ready na lahat ng gamit mo. Kung may free time ka, huwag mong kalimutang umuwi dito," tugon ni Mama.
"Asus, itong si Mama naman. Sibalom lang naman yung pupuntahan ko, akala mo malayo talaga," sagot ko na may ngiti sa aking labi.
Hi, I'm Allen! Isang first-year college student na kumukuha ng engineering sa Unibersidad ng Antique (UA). Bilang isang estudyanteng engineering, napakahirap ng buhay ko. Lalo na't ang kahinaan ko ay math, at hindi ko alam kung kakayanin ko ba ang ganitong kurso. Pero wala na akong magagawa; sinimulan ko na ito, kaya tatapusin ko na lang. Nakatira ako sa isang barangay na tinaguriang Pis-anan, medyo malayo sa paaralang pinapasukan ko ngayon. Kaya't nagdesisyon akong maghanap ng boarding house na malapit sa paaralan.
Sa kabutihang-palad, may kaibigan si Mama na nagmamay-ari ng isang malaking boarding house na hindi rin kalayuan sa campus. Ngayong araw din ang alis ko para lumipat doon; halos kalahati na ng mga damit ko ang inimpake ni Mama. Pambihira, ayaw na ata akong pauwiin, eh! Hahaha.
Pagkatapos naming mag-usap, nagpaalam na rin ako kay Papa at sa aking nakababatang kapatid. Lumakad na ako papuntang crossing para doon maghintay ng tricycle. Dito kasi sa probinsya, kapag aalis ka ng barangay ninyo, dapat sa tricycle ka sumakay, lalo na kung marami kang dala. Katulad ko, may dalawang maleta, rice cooker, electric fan, at iba pa. Nagmukha tuloy akong pinalayas.
Matapos ang ilang oras, sa wakas, nakababa na ako sa tricycle. Tinulungan na rin ako ng driver sa pagbubuhat ng mga gamit ko para ibaba at ipasok sa loob ng gate. Mabuti na lang at mabait si Kuya. Kahit hindi ako nagpatulong, kusa na lang niyang kinuha ang mga bag ko at ipinasok sa loob. Yung iba kasi, kapag nakababa na, hindi man lang tumutulong sa mga pasaherong may mabibigat na dala. Hihintayin ka lang na makuha mo na lahat ng gamit mo sa tricycle nila, tapos aalis din. Nagpasalamat na lang ako sa kanya, iniabot ang bayad, at pagkatapos ay pumasok na rin sa gate at kumatok sa pinto.
Toktoktok... "Tao po!!..." Nakailang katok na ako pero wala pa ring sumasagot, kaya sinubukan ko ulit kumatok, pero sa pagkakataong ito, lalakasan ko na talaga. Akma na sanang katukin ulit ang pinto nang biglang...
"Ay, jusko! Hiyo, kanina ka pa diyan? Pasensya na, lumabas kasi ako kaya walang tao sa loob," tugon ng babae habang papasok ng gate.
"Hello po, hehe. Akala ko kasi may tao," nahihiya kong sagot.
Lumapit sa akin ang babae at humingi ng paumanhin dahil nakalimutan niyang buksan ang pinto ng boarding house. Umalis kasi siya at pumunta sa palengke; may binili raw siyang gamot. Sinabi ko na lang na okay lang, at gusto ko nang pumunta sa kuwartong inihanda ni Mama para sa akin. Agad naman niya akong inanyayahan na pumasok na sa loob.
Dibale, may kalakihan din yung bahay. May second floor at may tig-tatlong kuwarto bawat palapag. Nasa ikalawang palapag yung akin, kaya medyo nahirapan din ako sa pagbubuhat ng mga dala kong gamit. Iniwan ko na yung iba sa baba; babalikan ko na lang mamaya. Pagdating doon, tinuro sa akin ng matanda na yung gitnang kuwarto raw ang napili ni Mama. Yung magkabilang kuwarto naman ay may nagmamay-ari na.
"Hmm," medyo okay na rin 'yon. Ang importante, hindi lang ako mag-isa ditong naninirahan sa taas. Nakakatakot naman kung ako lang. Baka may multo pa dito, heee. Nakakainis.
"Salamat ho. Okay na po ako dito; medyo malawak naman yung espasyo sa loob," tugon ko.
"Gano'n ba? Oh, sige, itong susi. Kung may kailangan ka, bumaba ka lang at pumunta sa akin." Pagkatapos noon, kinuha ko ang susi at nagpasalamat ulit. Mukhang mabait naman siya. Mabuti na ngayon para hindi na ako mahihirapan sa paglabas-pasok ng boarding house.
Nang makaalis na ang matanda, pumasok na ako sa loob. Malaki nga talaga yung espasyo kaya marami akong mapaglalagyan ng mga gamit ko. May foam at malaking katre, maliit na lamesa, CR, kusina, at maliit na balkoni sa gilid. Ipinatong ko yung dalawang maleta ko sa sahig dahil balak kong kunin pa yung mga gamit kong naiwan sa baba.
