Prologue

37 2 0
                                        

NANG hawakan ng ina ni Jexy ang kanyang mga kamay ay tumulo ang masaganang luha niya. Alam niya at nadarama niya na kaunting oras na lang ang nalalabi rito.

"Ikaw na lang ang pag-asa ng mga kapatid mo. Alam mo na ang kailangan mong gawin-lahat, para yumaman tayo. Kailangan ng mga kapatid mo ang tulong mo. Ikaw na lang ang puwede nilang kunan ng suporta."

Tumango siya. Alam niya iyon. Noon pa mang bata siya ay iyon na ang parating sinasabi nito sa kanya. Noon ay dalawa lang sila ng kapatid niyang si Alma, ngunit nagkaroon ng isa pang asawa ang kanyang ina noong trese anyos siya. Isang mestisong Intsik iyon na ang akala ng kanyang ina ay mayaman. Nagkahiwalay ang dalawa nang malaman ng kanyang ina na tatlo na pala ang pinakasalan ng lalaki bago ito. Naloko lang ang kanyang ina dahil ni singkong duling ay wala ang lalaki.

Nagkaroon ng anak ang kanyang ina sa huling asawa nito, si Maria. Napakagandang bata ni Maria, hanggang ngayon na disisais anyos na ito. Bagay na sa bagay rito ang pangalan nito sapagkat kamukha ito ng Mahal na Birheng Maria. Noon pa mang isilang si Maria ay pangarap na ng kanyang ina na mapasok sa kumbento ang kapatid niya.

Ang sabi nito, si Maria ang siyang tutubos sa kaluluwa nito. Naniniwala kasi itong masyadong maraming kasalanan ito. Iyon ay dahil na rin hindi masasabing malinis ang naging trabaho nito. Fixer ito sa LTO. Kasama siya nito ngayon sa trabaho, ngunit heto nga at mukhang iiwan na sila nito. Malala na ang sakit nito sa baga bago pa man nito malaman iyon. Hindi kayang magamot iyon. Nahihirapan na ito sa dami ng gamot. Hindi na kaya ng katawan nito.

"Binabasa ko ito, anak." Ipinakita nito sa kanya ang isang pamphlet.

"Hanggang dito po ba, iyan pa rin ang binabasa ninyo?" Matagal na nitong nakuha ang pamphlet na iyon mula sa isang kumbento. Doon nito balak na ipasok ang kapatid niya.

"Kailangan. Alam mo ang nabasa ko? Heto, babasahin ko sa 'yo: 'You will be married to Jesus.' Biruin mo iyon, anak, ang Diyos ang pakakasalan ng kapatid mo. Ano pa ang hihilingin niya? Wala na. Kaysa sa mauwi siya sa kung sino, mas maganda nang pumasok siya sa kumbento."

Napatango siya. Noon pa sinasabi ng kanyang ina kay Maria na ipapasok ito sa kumbento at ni minsan ay hindi ito tumanggi. Mabait na bata si Maria. Parang isinilang talaga upang makarating sa kumbento. Wala silang reklamo ni Alma rito. Sadyang masunurin at masipag ito. Tahimik lang ito. Tuwing ngingiti ito sa kanila ay para na silang nabiyayaan.

"Sasamahan mo ang kapatid mo rito kapag nakapagtapos na siya."

"Opo."

"Bueno, tawagin mo na siya at kakausapin ko."

Tumalima kaagad siya. Nasa labas lang sila ng silid ni Alma, kapwa umiiyak. Ang kapatid niyang si Alma ay nag-aaral. Fourth year college na ito. Dalawang taon na itong fourth year dahil parating nagloloko ito. Napipikon na siya rito ngunit wala siyang magawa. Ito ang isa sa mga nakikita niyang pag-asa nila.

Kapag nakapagtapos si Alma ng pag-aaral ay siya naman ang pag-aaralin nito. Hindi kasi siya nakapagtapos ng college dahil sa pagtulong sa bahay. Noong nakaraang taon ay ang lola naman niya ang pumanaw pero bago iyon ay ilang taon din itong pinahirapan ng sakit.

"Ate, pagbubutihin ko na ang pag-aaral ko. Tatapusin ko nang dalawang taon lang ang pag-aaral ko."

"Punyeta ka! Ibig mong sabihin, nagsinungaling ka lang noong sinabi mong matatapos ka na ngayong taon na ito?"

Lalong umiyak ito at maging siya ay naiyak na rin. Dalawang taon pa pala ang bubunuin niya sa mag-aaralang ito. Ngunit nang mga oras na iyon ay hindi na mahalaga iyon. Ang mas mahalaga ay ang kanyang ina.

Mayamaya ay tinawag na sila ni Maria kaya pumasok na sila sa loob ng silid. Tinawag niya ang doktor nang sabihin ng kanyang ina na nahihirapan daw itong huminga. Pero bago pa man makarating ang doktor ay namatay na ang kanyang ina. Sinubukan man ng doktor na i-revive ang buhay nito ay wala na itong nagawa.

Pagkalipas ng mahigit isang linggo ay inihatid nila sa huling hantungan ang kanilang nanay, ang pinakamamahal niyang nanay na nagturo sa kanya na ang mahalaga sa mundo ay pera. Hindi man iyon ang pinakamahalagang bagay ay isa iyon sa mga nangunguna. Ang parating sinasabi nito noon, ang mahihirap ay namamatay nang dilat ang mga mata.

At gaya ng ipinangako niya rito ay gagawin niya ang lahat upang maiahon niya sa hirap ang mga kapatid niya. Iyon ang responsibilidad na iniatang sa kanya ng nanay niya kaya iyon ang gagawin niya. Kanya-kanya sila ng responsibilidad sa pamilya, ang lahat ay pinaglaanan ng kanyang ina ng gagawin. At dahil labis nilang mahal ito ay batid niyang hindi nila ito bibiguin.

My Enemy My Fiancee.Stories to obsess over. Discover now