Simula noong ika'y musmos pa lamang
Matatag na pananalig — 'yong nakagisnan
Kapag may suliranin kang kinakaharap
Tila alikabok lamang na 'yong pinapagpag.
Pagdating sa minimithi mong kaalaman
'Di mo alinatana ang kasalukuyang kahirapan
Ilang tasa mang luha ang nagsipatakan
Mga tuhod mo ang iyong sandata sa laban.
Taglay mo ang samot-saring talento
Kung kaya't pinagyabong mo 'to nang husto
Sa mga patimpalak ay 'di ka nagpahuli
Ilang medalya't sertipiko na ang 'yong naiuwi.
Kung gaano kadalas ng 'yong pagwawagi —
Ay ganundin ang puso mo kung ito'y nasawi
Ang mga taong sa iyo ay nakapaligid
'Di mo inakalang magdudulot ng luha't tinik.
Ang unang pagsintang iyong inaasam
Abot-langit ang 'yong galak nang ito'y nakamtan
Ngunit ang wakas ay 'di mo inaasahan
Pagkat taglay nito ay hikbi't kabiguan.
Aking kaibigan, dama ko ang 'yong pagkalumbay
Narito lamang ako, kung nais mo ng karamay.
Sa Diyos, mayroon kang pundasyong matibay
Pagsubok ay lilipas, yayakapin ka ng ligaya't tagumpay.
***
"Ang Panginoon ay kakampi ko; hindi ako matatakot: anong magagawa ng tao sa akin?" - Mga Awit 118:6
Alay kay Highly_FavoreDii
YOU ARE READING
PAYO AT PAPURI
PoetryIto ay kalipunan ng mga tulang handog ko sa aking mga kaibigan. ••• Sapagkat ang buhay ay mayro'ng aral na hatid Nais kong sa mundo-ito'y lubusang mabatid Mula sa mga kaibigan kong may pagpupursigi Alay ko ay ang mga piling payo at papuri.
