Title: BETWEEN HEARTBEATS AND PROMISES
Author: Moonlight04
Wattpad: jenryl04
PROLOGUE
THAN
“Than!” tawag ni Kuya Korn sa aking pangalan.
Dali-dali kong kinuha ang aking bag at saka lumabas ng kuwarto.
“Nandiyan na, Kuya.” sabi ko habang mabilis na tinungo ang kusina para inumin ang gatas na inihanda ni Mama.
“Dahan-dahan lang.” saway sa akin ni Mama nang makita ako nitong tuloy-tuloy ang ginawa kong pag-inom.
“Bye, Ma.” paalam ko pagkatapos at sabay halik sa pisngi ni Mama. Mabilis ang mga hakbang ko papuntang gate kung saan naghihintay si Kuya.
“Teka lang!” si Kuya nang makita ako. Nilapitan niya ako at inayos ang kuwelyo ng aking uniporme. “Gaya ka pa rin ng dati.” sabi pa nito habang pailing-iling.
Bahagya naman akong napasimangot dahil nakuha ko ang nais nitong tukuyin. Lagi na lang kasi niyang sinasabi na hindi na ako bata at matuto na sana akong mag-ayos.
Paano naman kasi, lagi siyang nagmamadali tuwing papasok kami. Kaya minsan, hindi ko na magawang ayusin ang aking uniporme.
Maya-maya lamang ay may dumating na taxi. Nang tumigil ito sa aming harapan ay agad na binuksan ni Kuya ang pinto nito at pinauna niya akong pinapasok. Ganito mag-alaga si Kuya Korn. Minsan, di ko rin masisisi ang aking sarili kung bakit dependent ako masyado sa kaniya. Pinaparamdam din kasi nito sa akin na lagi akong espesyal. Kaya minsan nasanay na rin akong nariyan siya lagi na handang umalalay.
Pagdating namin sa harap ng aming eskwelahan ay agad akong bumaba.
“Bye, Kuya.” Wika ko nang sumilip ako sa bintana ng taxi.
Magkaiba kasi ang eskwelahan naming dalawa. Nasa ikalawang taon na ng kolehiyo si Kuya samantalang nasa huling taon naman ako ng senior high school.
“Bye. Ingat ka sa pag-uwi mamaya.” si Kuya at bahagyang ngumiti.
“Ummm.” Simpleng sagot ko.
Pumasok ako ng gate diretso sa aming silid-aralan. Papasok na sana ako nang biglang may tumawag.
“Than!” sambit sa aking pangalan.
Nilingon ko ang pinagmulan ng nasabing tinig. Si Yuri at nakangiting lumapit sa akin.
“Mayroon ka na bang partner sa research natin?” tanong niya paglapit.
Umiling ako. Kahapon kasi sinabi ng aming guro na maghahanap kami ng kapareha sa gagawin naming research. Si Yuri sana ang gusto kong makasama ngunit di rin puwedeng lalaki at babae ang magkapares. Wala rin akong masaydong close sa mga lalaki naming kaklase kaya nahirapan akong maghanap ng kapareha.
“Sayang! Kung puwede lang sana tayo na lang dalawa ang magkasama.” nakanguso nitong wika.
“Kaya nga.”
Maya-maya lamang ay napatigil kami nang makita naming paparating ang mga lalaki naming kaklase. Napatingin kaming dalawa ni Yuri sa kanila dahil isa nga sa mga iyon ay si Liam. Ang ultimate crush ni Yuri.
Umatras ako ng bahagya para makaraan sila.
“Hi, Liam.” bati ni Yuri sa pinalambing na tinig.
Tumigil si Liam sa paglakad. Ngumiti ito kay Yuri at pagkuway agad na inilipat sa akin ang kaniyang mga mata.
Bigla akong kinabahan nang magkasalubungan ang aming mga paningin. Hindi ko mawari kung bakit, ngunit para bang biglang bumilis ang tibok ng aking puso. Napalunok na lamang ako nang bahagyang gumuhit ang simple nitong ngiti.
Napayuko ako ngunit nang iangat kong muli ang aking mga mata ay dumiretso na sina Liam sa loob ng aming silid-aralan.
Ngayong taon ko lang din siya naging kaklase. Dati kasi, magkaiba ang aming section. Kaya di ko siya masyadong kilala. Ngunit batid kong mabait siya sa kabila ng pagiging masayahin nito, at pagiging open minded.
Matagal ko na ring naririnig ang kaniyang pangalan. Laging bukambibig ng mga kababaihan ang pangalan niyang Liam. Palibhasa’y napakaguwapo niya at anak ng isang mayaman.
Tinungo namin ni Yuri ang aming upuan. Nasa unahang bahagi kami nakaupo samantalang nasa huling bahagi naman nakaupo si Liam at ang kaniyang mga kaibigan.
“Napakaguwapo talaga ni Liam.” turan ni Yuri na animo’y kinilig nang muling sinulyapan si Liam sa likuran.
Bahagya lamang akong ngumiti. Hindi ko rin naman masisisi itong aking kaibigan. Isa lamang siya sa daan-daang humahanga kay Liam.
Nang dumating ang aming guro ay agad kaming tumayo.
“Good morning, teacher.” bati namin kay Miss Pimpichaya.
“Good morning, students.” tugon nito. “Sinabi ko na kahapon sa inyo na maghanap kayo ng inyong kapares para sa gagawin ninyong research. Ang tanong ay, may nahanap na ba kayo?”
Marami ang sumagot ng “Oo”. Samantalang tahimik lamang ako.
“Puwede niyo ba akong bigyan ng inyong mga pangalan kasama ng inyong kapareha?”
Mabilis na kumuha ng papel at ballpen ang aming mga kaklase at nagsulat. Samantalang ako ay di na sumulat dahil wala rin naman akong kapares.
“Oh, Mr. Chaiyaporn, bakit hindi ka sumusulat?” tanong sa akin ng aming guro nang mapansin ako nito.
“Wala rin kasi akong kapares, Maam.” mahina kong sagot.
“Ganoon ba? Sino pala sa inyo rito ang walang kapareha?”
Tumaas ng kamay si Liam. “Ako, Maam.” anito na ikinagulat ko.
“Oh, si Mr. Sukhumvit ang walang kapareha. Kayong dalawa na lang ang mag pares.”
Napatingin ako kay Liam. Tinitigan ko ang kaniyang mukha ngunit hindi ko siya nakitaan ng kahit anong pagtutol. Sa halip ay napansin ko ang bahagyang pagngiti nito.
Napayuko ako at nagtatanong ang aking isipan. “Okay lang sa kaniya na kapares niya ako?”
To be continued…………………………………..
#cttophotonotmine
YOU ARE READING
BETWEEN HEARTBEATS AND PROMISES
RomanceTitle: BETWEEN HEARTBEATS AND PROMISES Author: Moonlight04 Wattpad: jenryl04 Synopsis: Tahimik at maingat mamuhay si Than. Para sa kanya, marupok ang mga pangako-mas mabuting hindi na lang binibigkas. Si Liam naman ay kabaligtaran: palangiti, malaya...
