Babang-Luksa

2.9K 6 1
                                    

Babang-Luksa salin mula sa Kapampangan ni Olivia P. Dante sa isang "Pabanud" ni Diosdado Macapagal Isang taon ngayon ng iyong pagpanaw Tila kahapon lang nang ika'y lumisan; Subalit sa akin ang tanging naiwan, Mga alaalang di malilimutan. Kung ako'y nasa pook na limit dalawin Naalala ko ang ating paggiliw; Tuwa'y dumadalaw sa aking paningin Kung nagunita kong tayo'y magkapiling. Kung minsan sadya kong dalawin ang bahay Na kung saan una tayo'y nag-ibigan Sa bakura't bahay, sa lahat ng lugar Itong kaluluwa'y hinahanap ikaw. Sa matandang bahay napuno ng saya Sa araw na iyo'y pinagsaluhan ta; Ang biyayang saglit, kung nababalik pa Ang ipapalit ko'y ang aking hininga. Bakit ba, mahal ko, kayagang lumisan At iniwan akong sawing kapalaran Hindi mo ba talos, kab'yak ka ng buhay At sa pagyaon mo'y para ring namatay? Marahil tinubos ka ni Bathala Upang sa isipa'y hindi ka tumanda At ang larawan mo sa puso ko't diwa Ay manatiling maganda at bata Sa paraang ito, kung nagkaedad na Ang puting buhok ko'y di mo makikita At ang larawan kong tandang-tanda mo pa Yaong kabataan taglay na tuwina. At dahil nga rito, ang pagmamahal Ay hanggang matapos ang kabataan Itong alaala ay laging buhay Lalaging sariwa sa kawalang hanggan Kaya, aking mahal sa iyong pagpanaw Tayo'y nagtagumpay sa dupok ng buhay Ang ating pagsintang masidhi't marangal Hindi mamamatay, walang katapusan Ang kaugalian ng ninuno natin Isang taon akong magluluksa mandin Ngunit ang puso ko'y sadyang maninimdim Hanggang kalangitan tayo'y magkapiling.

Grade 10 Filipino ModuleTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon