Disclaimer:
This is a work of fiction. Unless otherwise indicated, all the names, characters, businesses, places, events and incidents in this book are either the product of the author's imagination or used in a fictitious manner.
This story contains mature themes and may not be suitable for all readers. Reader's discretion is advised.
This story is published subject to the condition that it shall not be reproduced or retransmitted in whole or in part, in any manner, without the written consent of the copyright holder, and any infringement of this is a violation of copyright law.
Syngraféas© All Rights Reserved 2025
"Salamat, umabot pa ako," bulong ko sa sarili habang pasakay sa huling tren ng MRT.
Ako nga pala si Theodore o Theo para sa mas maikli. Bente singko anyos, nagtatrabaho bilang Sales Manager sa isang high end na mall sa Makati. Araw-araw akong bumibiyahe mula Cavite, sakay ng van pa-Pasay Rotonda, tapos MRT papuntang opisina. Kalbaryo kung tutuusin, pero may dahilan kung bakit hindi ko na masyadong iniinda ang pagod.
Araw-araw kong inaabangan ang paghinto ng tren sa Magallanes. Doon kasi sumasakay ang babaeng matagal ko nang crush. Hindi ko alam ang pangalan niya. Pero kilala ko ang logo sa uniporme niya, kaya may ideya ako kung saan siya nagtatrabaho. Mas nauna akong sumasakay sa kanya, kaya ako rin ang unang bumababa. Hindi kami nag-uusap, pero tuwing papasok siya sa tren, binibigyan niya ako ng isang ngiti. Palitan lang kami ng ngiti. Pero para sa akin, sapat na 'yon para sumaya ang araw ko.
Kapag may upuan ako, ibinibigay ko agad sa kan'ya. Okay lang na tumayo ako, basta malapit sa kan'ya. At kapag ngumiti siya naku, parang nawawala lahat ng stress ko.
Balang araw, sabi ko sa sarili ko, kakayanin ko rin siyang kausapin.
Hanggang isang araw, dumating na nga ang pagkakataon.
Maaga pa rin ako, gaya ng dati. Sumakay siya sa Magallanes, pero ngayon, pareho kaming nakatayo. Hindi ko naunahan ang mga naupo. Lumapit siya malapit sa akin. Nagulat ako nang marinig ko siyang nagrereklamo.
"Ano ba naman? Bakit ngayon pa?" bulong niya habang nakatingin sa cellphone.
Hindi ko naman sinadyang makinig, pero dahil sobrang lapit namin, narinig ko ang usapan niya sa telepono.
"Sis, madami na bang dumating?" tanong niya.
"Pakisabi kay Ma'am Tess, medyo male-late ako. Tumirik na naman ang MRT."
"Thanks, sis. Magse-send ako ng photo para proof na nandito talaga ako. Bawi ako. Lunch tayo, promise!" sabay tawa niya.
Nagkunwari akong abala sa cellphone habang may earphones. Pero sa totoo lang, ilang beses na akong natalo sa laro ko. Hindi talaga ako maka-focus. Pero hindi rin halata na nakikinig ako. Kunwari chill lang.
"Ang init! Nakakabanas," reklamo niya habang pinapaypayan ang sarili gamit ang kamay.
Dahan-dahan kong tinanggal ang earphones at isinuksok ang cellphone. Kinuha ko ang folder sa bag at ginamit na pamaypay. Lumapit ako ng kaunti para umabot sa kan'ya ang hangin.
"Ang init talaga," sabi ko. "Gusto mong maki-share?"
Ngumiti siya. "Thank you!"
"Wag ka munang mag thank you. Baka bawiin ko pa," biro ko, sabay ngiting kaba.
"Ah gano'n? Okay lang. Pero pag nahimatay ako, hindi mo pa rin ba ishi-share 'yan?" sabay turo sa folder kong halos masira na sa kakapaypay.
"Hehe. Joke lang! Hindi ko kayang pabayaan ka. Sabi ng nanay ko, good boy daw ako."
