1

209 10 21
                                    

Taong Dalawanglibo't Tatlo

Pikit pa ang mga mata ng pamilya ni Emong nang lumabas siya ng bahay. Kung bahay nga bang matatawag ang masikip at tagpi-tagping kuwarto na nakakapit sa ilalim ng tulay na nasa ibabaw ng estero na araw-araw na nagsasaboy ng masangsang na amoy; na mga taong wala nang pagpipilian na gaya niya lang ang makatatagal. Bitbit niya ang natitira pa niyang pag-asa at mga papeles na kailangan sa pagpasok sa trabaho. Kinapa nya sa bulsa ang ilang barya na magsisilbing pamasahe at pangmiryenda niya sa maghapon na namang pagbabakasakaling makakita ng mapapasukan. Ilang linggo na rin ang binilang ng kanyang nakapapatid ng hiningang paghahanap.

"Susubukan ko sa Ortigas. Marami raw itinatayong building ngayon doon." Bulong niya sa sarili habang binabaybay ang eskinitang kahoy na nasa ibabaw ng estero papunta sa sakayan.

Kataka-takang di siya makakuha ng trabaho gayong "multi-skilled" siya ayon na rin sa pananaya niya sa kanyang sarili. Naging magsasaka siya sa kanilang probinsiya, kargador sa piyer, tagahalo ng semento, tagapadyak ng pedicab at iba pang trabaho na pinagsunugan niya ng balat bago natutunan noong kabataan at kalakasan pa niya. Sagana naman siya sa sipag at tiyaga ngunit bakit hindi siya umaasenso gayong iyon daw ang kailangan para umangat sa buhay ayon sa pagkakasabi ng isang politiko.

Maliwanag na ang paligid nang marating ni Emong ang Ortigas. Totoo nga na may mga itinatayong gusali. Sumigla ang kanyang mga hakbang na binubuhat ng kanyang sapatos na humihingi na ng awa sa kanyang amo na ipahinga na siya sa kadahilanang katiting na sinulid na lang ang nagbubuo upang matawag pang sapatos. Inayos ni Emong ang kanyang suot na kupas na t-shirt at maong na pantalon na taon na ang binilang na mapagkakamalang basahan kung hindi rin lang suot niya.

"Simulan ko dito paikot sa kabilang kalye hanggang pabalik para lalakarin ko na lang pauwi sa amin." Kausap ang sarili ng pobreng nag-almusal lang ng kapeng barako na wala ng kulay sa kapapakulo.

Narating niya ang una sa mga itinatayong gusali. Mapalad na rin si Emong na marunong siyang magbasa at maintindihan ang naglalakihang titik na nagsasabing "WALANG BAKANTE". Nilampasan niya para makita ang katabing gusaling nasa estado rin ng pagtatayo upang makita lang na gayon din ang nakasulat sa karatulang nasa labas. Hanggang nakailang gusaling ginagawa na siya na palayo nang palayo ang pagitan sa isa't isa ay pare-pareho ang nakalagay sa labas. Iisang mga salita na unti-unting gumugunaw sa kanyang kukurap-kurap na pag-asa. "WALANG BAKANTE". Ilang ulit na mga ba niyang nakita ang mga titik na ito sa kanyang paulit-ulit na tangkang magkaroon ng kahit na anong trabaho na abot ng kanyang kakayahan?

"Napagkaisahan yata ako." Nailing na sambit ni Emong. "Kailangang magkatrabaho ako." Pumasok sa isip niya ang kanyang pamilya na binubuhay niya sa "noodles" na masustansiya raw ayon sa "commercial" sa radyo at diyaryo na hiram sa kapitbahay.

Maraming oras na rin ang lumipas sa araw na iyon sa paglalakad niya at paghahanap ng trabaho ngunit uuwi na naman yata siyang bigo gaya ng dati. Subalit hindi ang katulad ni Emong ang basta na lang susuko, patuloy pa rin siyang aasa alang-alang sa kanyang pamilya. Pagasa na siyang sumusuhay sa kanya upang patuloy na mabuhay sa mundo na mistulang inalisan na siya ng karapatan sa angkin nitong yaman.

Natanaw niya ang dalawa pang gusali sa dakong kanan. Halos patakbo niyang pinuntahan ang una upang salubungin lamang ng karatula na para siyang kinukutya. Dangan nga lamang at parang umaasenso na si Emong. Burgis na ang dating ng nakasulat,"NO VACANCY". Ingles na salitang nagpapamukha sa kanyang hindi siya kailangan. Lumatag ang kalungkutan sa mukha ni Emong. Laylay ang balikat at tagaktak ang pawis dahil sa nakapapasong init ng araw na patuloy na nagsasabog ng liwanag sa konkretong gubat na kanyang kinatatayuan. Iisa na lang ang gusaling itinatayo na kanyang natatanaw.

"Sana naman, may bakante doon." anas ng magiting na anak-dalita.

Mabigat ang kanyang mga paa na tinalunton ang daang patungo sa huling gusali. Mabuti na lamang at kahit paano ay presko ang kanyang mga paa dahil sa butas at nakangangang suwelas ng kaniyang martir na sapatos. Pati na rin ang kanyang katawan na bagama't basa sa pawis ay nahahanginan namang maigi dahil sa t-shirt niyang parang kulambo na sa kanipisan.

Limang Pisong BuhayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon