First fret,” turo naman niya at dahil hindi ko maposisyon nang maayos ‘yung mga daliri ko, siya na mismo ang nag-puwesto ng mga daliri ko sa tamang string at fret.  “’Yung simpleng strumming muna ang gawin mo. Down-down, up-up-up-down.”

 

Edi ginawa ko naman. At dahil naadik ako sa paggigitara, halos naubos niya ‘yung mga pagkain namin. “Antakaw mo naman! Penge ako! Pera ko pinambili natin niyan ah!” angal ko at inilahad ko ‘yung kamay ko para ibigay niya sa’kin ‘yung plastic cup.

 

“Ayaw mo kasing bitawan ‘yung gitara ko eh. Eto,” sabi niya at tumuhog ng isang piraso ng pishbol na lumalangoy sa pinaghalong maanghang at matamis na sauce na may suka.

“Dagdagan mo pa ng dalawa. Hanggang ngala-ngala ko lang ‘yan,” utos ko at tumawa naman siyang nagtusok pa ng pishbol bago ako sinubuan. “Penge ng gulaman,” utos ko ulit at inabutan niya rin ako nung isang baso.

Itutuloy ko na sana ‘yung pagtugtog ko nung biglang naramdaman ko ‘yung daliri niyang nasa gilid ng labi ko. “Ang dugyot mo namang kumain,” reklamo niya at pinahid ‘yung sauce sa bibig ko bago ipinunas sa pantalon niya ‘yung kamay niya at ngumiti sa’kin.

Magtatanong sana ako pero may umeksena.

“CHARLIE!” sigaw ni Krystal at padabog na lumapit sa’kin. Tapos, tinulak niya si Nile na muntik malaglag sa upuan.

“O-oy!” nabiglang sambit ni Nile.

Agad kong binaba ‘yung gitara at pumagitna sa kanilang dalawa. “Krystal! Ano ba?!” galit kong bungad sa kanya.

“Siya ba ‘yung sinasabi ni Basti na crush mo?” nanginginig ang boses niyang nagtanong sa’kin.

Namilog ‘yung mga mata ko at hindi nakasagot agad habang damang-dama kong uminit ang mukha ko. Sabi ko noon, humanda si Chan-Chan sa’kin pag nagkita kami.

Inirapan ako ni Krystal at akmang susugurin sana ulit si Nile pero hinarang ko ulit siya. “Ano bang problema mo? Inaano ka ba nung tao?”

“Wag kang magtitiwala diyan, Charlie. Sasaktan ka lang niyan,” pag-aakusa niya.

Nilingon ko si Nile na mukhang gulat pa rin habang hawak na ‘yung gitara niya. “A-ano… alis na ‘ko ah.” Nung tumango siya, hinila ko na palayo si Krystal. Nung sigurado na akong wala nang makakarinig sa’min, saka ko siya kinompronta. “Bakit mo naman nasabing sasaktan ako ni Nile? Kilala mo ba siya?”

Naluluha na siyang sumagot. “Sabi ni Mama, lahat ng lalaki, nananakit ng babae. Kaya pinalayas ni Mama si Papa kasi lagi siyang pinapaiyak ni Papa. Kaya sabi ko sa sarili ko, hindi ako magkakagusto sa lalaki. Mas maganda nang sa babae, kasi siguradong hindi ako masasaktan.”

Nung narinig ko ‘yun, nalungkot ako para sa kanya. Buti na lang, mababait sila Papa tsaka sila Kuya. Kahit nasasaktan ako ng mga kapatid ko paminsan-minsan, alam ko namang hindi nila sinasadya dahil madalas naglalaro kami ‘pag ganun.

At dahil wala akong masabi, niyakap ko na lang siya at hinintay matapos umiyak. Nung okay na siya, saktong dumating naman ‘yung Nanay niya para sunduin siya.

Bumalik na rin ako sa High School Department at saktong palabas na ‘yung dalawa. Natawa pa’ko kasi putok ‘yung labi ni Louie. ‘Yun pala, sinaktan siya ni Ally-parot.

Tapos napunta ‘yung usapan namin sa Miss Intramurals. Naghahanap daw sila Chan-Chan ng pwedeng pambato ng mga freshmen. Nung binalita niya sa’ming si Ally-parot ang ilalaban ng mga seniors, nagdeklara si Louie na sumali. Tingin ko noon, gusto lang niya talagang makaganti eh. Pero ayos lang naman. Maganda naman si Louie lalo na kung mahaba ang buhok niya. Pero niloko ko si Chan-Chan at sinabing mas magandang siya na lang ang sumali dahil maganda rin siya, hahaha.

Naalala ko bigla ‘yung sinabi sa’kin ni Krystal. Pa’no na si Chan-Chan niyan? Wala na siyang pag-asa?


Habang pauwi kami, tahimik akong nag-isip kung pa’no ko gagawan ng paraan para mapatunayan ko kay Krystal na hindi lahat ng lalaki, kayang manakit ng babae. Tulad na lang ni Chan-Chan.

Bigla akong napangiti nang malapad nung malapit na kami sa bahay namin. “Ano, Chan-Chan… gusto mo, tulungan kita kay Krystal?”

Agad ding nagliwanag ang itsura niya na parang mapupunit ang mukha sa sobrang ngiti. “Talaga?!” excited na sagot niya.

Inakbayan ko siya. “Oo naman! Bespren kita diba? Basta, gagawin mo lahat ng ipapagawa ko sa’yo? Siguradong epektib yon!”

Ilang beses din siyang tumango bago kami naghiwalay.

Pero pinagmasdan ko siyang mag-skippity-hop papunta sa bahay nila.

Siguro naman, kasya kay Chan-Chan ‘yung uniform ko, hehe.

HATBABE?! Season1Where stories live. Discover now