KALAM

3 0 0
                                    

Siksik ang laman ng tinapay ang nabili ko sa panaderya.
Maiinit at mabango.
Hindi ko pa man nakain pero alam kong masarap.
"Gusto ko ng kagatin," udyok ng isip ko.

"Kuya enge," kalbit sa akin ng gusgusin bata.

Marungis ang mukha at may kwintas na libag sa leeg.
Nakasahod ang maliit na kamay at nang lilimahid sa dumi.
Tumutulo din ang sipon papunta sa bibig.
Maya-maya pinahid niya ito ng braso.

"Enge kuya," sabi niya ulit.
Walang kakurap-kurap ang mata.

Nadiri ako.

Ayoko sa maduming tao pero hindi naman ako suplado, para sabihin umalis s'ya sa tabi ko.
Binigay ko ang tinapay na gusto kong kagatin.
Pagkatanggap, sabay takbo.

Habol-tingin ako kung saan s'ya pupunta.
Nakipagpatentero sa mga sasakyan,
sa gitna ng mainit na kalsada.
Naiwan pa nito ang kabiyak na tsinelas na butas.

Pagdating sa kabilang kalye pinagsaluhan ang tinapay, kasama ang mas maliit na bata.
Kahit malayo nakita ko ang kanilang ngiti sa labi.
Ngumuya-nguya.

Napangiti ako.

Ang tinapay na mainit at mabango, napunta sa dalawang kaluluwang kumakalam ang tiyan.
Kung kinain ko, malamang naibsan ang tiyan kong walang laman.
Dalawang araw na akong nagpapalakad-lakad sa kalyeng walang katapusan.
Hindi ko matandaan ang pabalik na daan.
Sanay tulad din ako ng gusgusin bata na may babalikan.

pedxing

KALAMWhere stories live. Discover now