Natigilan si Tracy nang makita niyang lumipad saglit ang kortina at humaplos sa kanyang mukha ang malamig na hangin. At lalo pa siyang nagulat nang may maramdaman siyang kaluskos mula sa labas ng kuwarto. Marahan siyang naglakad palapit sa pinto, at marahan ring hinawakan ang doorknob para pihitin. Pagbukas nito, napanganga siya sa kanyang nakita. "Moymoy..?" Nang mabatid niyang si Moymoy nga ang kaharap, bigla siyang napasigaw. "Moymooooyyyy!!!" Bigla niyang niyakap ang kanyang anak.

"Sabi ko na nga ba. Sabi ko na nga ba, darating ka e." Tuwang-tuwang sabi ni Tracy.

"Talaga Ma?" Matamis na ngumiti si Moymoy.

Muli, malugod na niyakap ni Tracy si Moymoy. Napapapikit siya habang yakap niya ang matagal na niyang itinuring na anak. Nang buksan niya ang kanyang mga mata ay nagulat siya sa kanyang nakita. Sa likuran ni Moymoy ay ang tatlong pamilyar na mga mukha.

"Alangkaw! Montar! Hasmin! Nasaan ang iba pang ka-tropa?"

"Ma," marahang hinarap ni Moymoy si Tracy. "Ma, naparito kami kasi gusto lang kitang makita, aalis din kami kaagad."

"Ha? Bakit? Ganyan ba talaga ang mga superhero, iniiwan ang mga nanay? Kailangan ko na ba talagang ihanda ang sarili ko nang bongga, bebe ko."

"Ma—huwag mo na kasi akong tawaging bebe, malaki na 'ko."

"E, iyon ang nakasanayan. Okay, Moymoy—aalis ka na naman?"

Inaya ni Tracy na umupo sina Moymoy may komedor ng bahay. "Siya nga pala Moymoy,

"Moymoy, pasensiya ka na at iniwan kita doon sa Gabun. Kasi naman medyo shocking ang lugar na 'yon. Dito nga kapag nagkukuwneto ako sa mga kaibigan ko, ayaw nilang maniwala. Kahit na 'yung kinuha ko sa cell phone ayaw nilang maniwala na may lugar kagaya ng Gabun. Pinoto-shop ko lang daw.

Pero, Moymoy, ngayon alam ko na," pagpapatuloy ni Tracy, "Matagal na pala akong nagpunta roon e. Ipinakita sa akin ni Liliw—'yung tunay mong nanay."

Nagulat si Moymoy. "Nagkita kayo?"

Tumango si Tracy. "Oo, yung nanay niyo ni Alangkaw na si Diyosang Liliw. Matagal na pala akong nakarating sa Gabun. Dinukot ako nina Buhawan noon kaya lang tinanggal nilang lahat sa alaala ko."

Natigilan si Montar. "Paano mo nalaman?"

"Sinabi sa akin ni Diyosang Liliw. Sa pamamagitan ng batis na nagpapalimot."

"Sa Batis ng Alaala," pakli ni Montar.

"Oo, iyon nga," sagot ni Tracy.

At nagsalaysay si Tracy.

"ANG BATIS NG ALAALA ay mahalagang lugar dito sa buong Gabun. Hindi lahat ng mga tibaro ay nalalaman ang lugar na ito," malumanay na sabi ni Liliw.

Natagpuan ni Tracy na nakatayo siya sa tabi ng isang batis. Isa itong naiibang batis. Nasa loob sila ng isang yungib pero ang ipinagtataka niya, kulay puti at napakaliwanag ng paligid. Sa gitna nito ay isang napakalinis na batis at sa paligid nito ay may talon na may malinis ding tubig na malayang bumabagsak at umaagos sa batis. Tulad nang una niyang reaksiyon pagkakita pa lamang niya sa Gabun, isa itong lugar na mahirap ilarawan dahil bukod sa hindi ito maihahambing sa nakita na niyang batis at talon, kakaibang-kakaiba ito.

"Bakit mo ako dinala rito...?" tanong ni Tracy.

"Gaya ng sinabi ko, nakarating ka na rito sa Gabun noon pa man. Isinalaysay na sa iyo noon pa lahat ang buong pagkatao ni Moymoy—ang lahat-lahat ng tungkol sa mga tibaro, ng Gabun, tungkol kay Buhawan, ang sumpa, at ang tungkol sa akin bilang tunay na ina ni Moymoy. Dito sa lugar na ito, malilimutan mo ang gusto mong kalimutan. At dito sa lugar na ito, maaalala mo rin ang dapat mong maalala."

Moymoy Lulumboy Book 2  Ang Nawawalang Birtud (COMPLETED)Место, где живут истории. Откройте их для себя