Candy Series | Inuman Session 2: Jack Daniel

Magsimula sa umpisa
                                        

Jesuah Hernandez:
Oo. Puntahan natin sa susunod na Linggo
tong bahay. Para makita mo.

D.C. Hernandez:
Sige. Matutulog na ko ~
Sleep well. Don't drink too much.
I love you ~

Naks. Ang tamis ni Misis. Nakakawala ng kalasingan.

Jesuah Hernandez:
Goodnight. I love you.

Nang ibulsa ko ang cell phone ko, wala na sa mesa si Doraemon. Si Hakob, tinutungga na ang alak mula sa bote. Susmarya. Laway naman ngayon ni Hakob ang iinumin ko?

"Nasa'n si Doraemon, Nobita?" tanong ko.

Nagturo si Hakob sa bahay ni Ivan na ipinagagawa. Papasok nga si Ivan sa hamba ng pintuan. Hindi ko masyadong makita pero parang may bitbit.

"Ano'ng gagawin niya ro'n? Gabi na para mag-tiles," ani ko.

Tunog-lasing na ang boses ni Hakob. "Gigibain daw bahay nila ni Pfi."

Napatayo agad ako. Siraulong Doraemon. Ilang taon niyang pinag-iipunan 'yong bahay, gigibain niya?

"Dito ka lang, ah. Puntahan ko si Doraemon."

Tumango si Hakob pero tumayo.

"Dito ka lang," ulit ko.

Umiling.

Susmaryang mga lasing. Lakad-takbo ang ginawa ko papunta sa bahay nina Ivan at Pfifer. Ihahampas na ni Ivan ang hawak na maso sa dingding ng bahay niya. Buti, napigil ko pa sa kamay. Si Hakob naman, hinatak sa kamiseta si Ivan.

"Hoy, Ivan! Ano'ng balak mong gawin, ha? Baliw ka ba? Bakit mo pagdidiskitahan 'tong bahay mo?!" sigaw ko.

Pumipiglas ang gago. Pilit kong inalis sa kamay niya ang maso at ibinagsak sa sahig.

" 'Wag kang malikot, Doraemon. Nahihilo ako," reklamo ni Hakob na nakahawak pa rin sa kamiseta niya.

"Bitiwan mo 'ko, ah. Upakan ko kayo ni Jepoy."

Wow naman pala. Na-broken lang, tumapang na. Hinatak ko siya sa braso nang subukang umabot sa maso.

"Hoy! Umayos ka, Doraemon! 'Di pa bayad 'tong ipinangsemento rito sa bahay mo. May utang ka pa sa 'kin at kay Hakob!" paalala ko.

"Pakialam ko sa utang ko. Bitawan n'yo 'ko!"

Pumipiglas siya. Halos yakapin na namin ni Hakob. Panay kami, "Hoy, Doraemon!"

"Tara na. Uminom na lang tayo hanggang makatulog ka," sabi ko.

"Ayoko..."

"Oo nga. Ayaw niya," gatong ni Hakob.

"Hoy, Nobita, umayos ka rin," banta ko.

"Por que masaya ka, ah... May ka-text ka, ah..." sabi ni Hakob.

'Tang ina nito ni Hakob. Baka ako buntunan ni Ivan at imaso.

"Hawakan mong mabuti si Ivan. Bumalik tayo sa labas. Do'n tayo uminom."

" 'Sus. Kahit dito na, eh," sabi ni Hakob at umupo sa sahig ng bahay, hila sa kamiseta si Ivan. Muntik silang masubsob sa isa't isa. Nakaalalay lang ako agad. "Dala ko naman bote."

Iwinasiwas ni Hakob ang may laman pang bote sa hangin.

"Inom ka, brader," sabi niyang iniabot kay Ivan ang bote.

Kinuha ni Ivan kahit matalas pa rin ang tingin sa maso.

"Hoy, Ivan! 'Wag mo nang pag-interesan ang maso. Iinom mo na lang 'yan."

"Oo nga," sunod ni Hakob. Nagtanggal siya ng kamiseta. Iniinitan na siguro. "Inom, brader. Para makatulog ka."

" 'Tang ina, eh. Kahit matulog ako..." Naggitgitan ang ngipin ni Ivan. Humigpit din ang hawak sa bote. "Ikakasal pa rin siya, eh."

Natahimik kami sa madilim na bahay.

"Ikakasal pa rin siya..." ulit ni Ivan.

Naupo na rin ako kasama nila sa sahig. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Lalo na nang sunod-sunod na lumagok si Ivan sa bote at yumuko. Tahimik na tahimik siya, pero ramdam namin ang tensyon sa katawan niya. Ramdam ko ang sama ng loob.

Kinuha ni Hakob ang bote kay Ivan at tumungga.

"Ayaw na yata sa 'kin..." mahinang sabi niya. "Ang gago ko rin kasi. Gago kasi 'to si Jepoy."

Ako naman ang umagaw ng bote. "Anong ako?"

"Sabi mo, bigyan ko siya ng time sa pangarap niya, eh."

"Sinabi ko nga."

"Sabi naman nina Tita, 'wag kong i-distract sa pag-aaral."

Hindi ako nakaimik.

"Ang daming effort... ang daming tsansang nawala... Ngayong puwede nang bawiin... ayaw na yata sa 'kin."

Ako naman ang tumungga sa bote. Salo-salong laway na 'to. Bahala na.

" 'Tang ina, ba't gano'n, 'no?" mabigat ang boses na sabi ni Ivan.

Tatlo kaming tumungo sa 'tang ina, ba't gano'n. Kasi nga naman... ba't gano'n? Laging parang tama ang desisyon, bago malamang mali pala. Laging akala mo, may tiyempo, biglang wala pala. Laging sa isip mo, may panahon ka pa para bawiin ang dapat ibawi... biglang tapos na pala.

Si Hakob, sigurado akong mahal pa ni Iya. Pero kung sigurado na si Iya na ayaw na niya kay Hakob kahit mahal niya, hindi ako sigurado. May gano'n, eh. Kahit mahal mo... 'pag ayaw mo na, 'pag suko ka na, hindi ka na magbibigay ng tsansa.

At si Doraemon... parang mahal ni Pfifer. Pero kahit dati, parang mahal naman nila ang isa't isa. Kailangan nila ng kasiguruhan. Ako, tamang miron lang. Tamang taga-kantiyaw. Kung ano ang nararamdaman nila... wala akong alam.

Kaya, 'tang ina, ba't gano'n?

Nang marinig kong maggitgitan ang ngipin ni Ivan at marinig kong lumunok si Hakob; nang makita kong pareho na silang nakatungo na siguradong umiiyak... wala akong ibang magawa kundi tumapik sa balikat nila.

Buti na lang, lasing na silang dalawa para mawala na sa isip nilang magtago. #

Every Moment, Every Time (Story snippets)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon