"Hoy, pangit!" tawag ko.
Lumingon sina Iya at Yanyan. May feelings talaga pagkakalingon niya, eh. 'Kala mo naman, tatablan si Hakob.
"Ano?" si Sungit ang nagtanong. Hindi naman siya si Iya.
"Sa'n kayo pupunta?" tanong ko.
"May bibilhin lang sa tindahan, Kuya."
Kuya raw pero kay Hakob nakatingin. Sinulyapan ko si Hakob. Wow. Nakatingin din kay Iya. Nakakaduda.
"Ibili n'yo rin kami ng—"
"May bibilhin din pala 'ko," sabi ni Hakob na biglang tumayo. Natabig pa 'ko sa braso.
"Ano?"
"Mani at softdrinks. Mauubos na softdrinks natin," sabi niya. "Ano'ng ipabibili mo?"
Bumaba ang mata ko sa nasa mesa namin. Nangangalahati na ang softdrinks na isinasabay namin sa alak. Marami pa kaming pritong chicken wings. May adobong adidas din at isaw. Gusto ko ng chips pero hindi naman sila kakain. "Wala, mani lang din dapat at softdrinks. Damihan mo na lang bibilhin mo. Bilisan mo na rin dahil baka maka-quota 'to sa tagay si Doraemon, wala na namang pakinabang 'to. Tutulugan na tayo nito."
Tumango lang siya at lumapit kina Iya. Kinausap niya sandali 'yong dalawa. Pagkatapos, siya na lang ang umalis pa-tindahan.
Dumampot ako ng piniritong pakpak ng manok at ngumata. Nagbubulungan sina Iya at Yanyan habang pabalik sa loob ng bahay.
Nakita ko pang lumingon si Hakob at matagal na tumingin... sa dalawa. O kay Yanyan lang? O kay Iya lang.
Bumagal ang nguya ko sa manok.
'Wag mong sabihing 'yong babaeng may picture sa cell phone niya na gusto niya ngayon ay si Iya?
Napailing ako. Imposible. 'Di siya tatablan kay Pangit. Lumaki kami nang magkakasama sa compound. Tagapunas pa siya ng uhog ni Iya noon.
Imposible.
Pero si Iya nga?
May gumapang na kilabot sa balat ko. Ayokong isipin.
Bumaling ako kay Doraemon at nanlaki ang mata. Susmarya! Tumutungga sa bote ng Bacardi!
"Hoy, Doraemon!" Inagaw ko ang bote sa kamay niya at pinunasan ang nguso niyon gamit ang laylayan ng kamiseta ko. "Laway mo, hoy! Ilang shot lang iinumin mo, nilawayan mo pa."
"Makakarami ako ngayon," boses-lasing na sabi niya.
"Utot mo." Ilang lagok ba ginawa nito sa bote? " 'Yong marami mo, apat o lima lang sigurado. Mas marami pa softdrinks. 'Wag ako."
"Gago."
Aba, lasing na nga. Aba, gago nga.
"Tawagan mo na si Pfifer. Mag-goodnight ka," pambubuyo ko. Sumulyap ako sa bungad ng compound para i-check si Hakob. Kailangan niyang makabalik agad para makita si Doraemon. Baka abutan na naman niyang tulog.
"Sandali. Tawagan ko."
Tumayo si Doraemon mula sa mesa at muntik mapatid sa malalaking paso ng halaman ni Auntie Mona. Nasa tainga na niya ang cell phone.
"May load ka ba?" tanong ko pa.
"Meron. Gago."
"Sabihin mo kay Pfifer, I love you!" gatong ko.
"Gago. Bakit mo sasabihan si Pfifer nang I love you."
"Siraulo! Ikaw ang magsasabi!"
"Kaya nga. Bakit ko sasabihin 'yong ipinapasabi mo? Kay Denise ka mag-I love you!"
Nailing ako. Siraulong Doraemon. Tumayo siya sa tagiliran ng bahay nina Hakob at do'n nakipag-usap. Nang bumubulong na siya, alam kong kausap na niya si Pfifer.
Pagbalik ng mata ko sa bungad, nakabalik na si Hakob. Pero sa bahay namin dumiretso kaysa sa mesa. Pinagbuksan ng pinto ni Pangit. Nag-usap sila sandali. Nag-moment at nagtitigan yata.
Naisara na ni Iya ang pinto, nakatayo pa rin do'n si Hakob.
Gumapang uli ang kilabot sa balat ko.
Hindi nga? Si Iya nga ang gusto ni Hakob?
Pagbalik ni Hakob sa mesa namin, wala naman akong mabasa sa mukha. Hindi naman mukhang galing sa kilig o kung ano.
" 'Yong bagong babae na gusto mo, brader... hindi naman si..."
Matagal tumingin sa 'kin si Hakob. Naghintayan kami ng sasabihin ko.
Susko, hindi ko masabi.
"Wala. Uminom na lang tayo. Matutulog na mamaya si Doraemon," sabi ko na lang at inabot sa kanya ang shot glass na may alak. "Tagay mo na. May laway 'yan ni Doraemon."
Umiling lang si Hakob bago inumin ang ibinigay ko. 'Di pa naniwala. May laway naman talaga ni Doraemon. #
YOU ARE READING
Every Moment, Every Time (Story snippets)
RandomThis is a special book for all the extras and snippets of my stories.
Candy Series | Inuman Session 1: Bacardi
Start from the beginning
