Pagkatapos niyon ay nagpaalam na kami kila Justin dahil gabi na rin, baka pagalitan na ako ni mama at babatukan ko pa itong mga kaibigan ko.

"Justin, ihatid mo na sila," utos ni Tito Bernard, papa ni Justin.

"Huwag na po, tito. Nakakahiya. Birthday po ni Justin kaya dapat po hindi na namin siya inaabala," sabi ko.

"Hindi iha, obligasyon ng matinong manliligaw ang ihatid ang nililigawan niya sa bahay nila."

Sa huli, wala na akong nagawa. Kasabay rin naming lumabas sa YakiMix yung kuya ni Justin. Habang naglalakad tumitingin ako sa labas. Napansin ko ang magandang garden na ngayon ko lang nakita.

"Gusto mong pumunta sa Garden?" tanong ni Justin pero umiling agad ako. Baka gabihin kami kapag dumaan pa kami roon at mas mapagod si Justin. Baka abutan din kami ng traffic.

"Justin, samahan mo na si Ange. Maglalaro rin kami ng mga kaibigan mo sa Timezoned," sabi ni Kuya Jeremy at pinangalawahan naman ng mga magagaling kong kaibigan.

"Tara?" tanong ni Justin at tumango na lang ako.

Lumabas kami at inikot yung garden. Hindi ako mapakali dahil pakiramdam ko, may binabalak na naman yung mga kaibigan ko na hindi maganda. Kinasabwat pa nila si Kuya Jeremy.

"Nagkakilala pala kayo ni Kuya sa Arbor?" tanong niya sa akin.

"Oo. May humahabol kasi sa akin doon na mga aso," Kahit tao, para sa akin mga mukha silang aso dahil pinamumunuan sila ni Cheska. "Tapos hinila ako ng Kuya mo sa taguan niya. Nasuntok ko nga rin siya noon kasi lakas mang-inis katulad mo," sabi ko at natawa na lang siya.

Tumahimik ulit yung paligid at pakiramdam ko mababaliw ako. Hindi ako sanay na ako lang ang nagtatanong pero alang-alang sa mga kasagutang kailangan ko, isasantabi ko muna yung ugali kong iyon.

"Ikaw, paano mo ako nakilala kung hindi ikaw si Kuya Jeremy?" tanong ko.

"Nakita kitang nagbibisikleta noon, kasama mo si Maddie at kinalaunan, nalaman ko na pinsan ka ni Kuya Leo."

"Kilala mo si Kuya Leo?" tanong ko dahil hindi ko pa siya nakikitang kasama siya nito. Tumango siya.

"Ewan ko ba, na-love at first sight yata ako sa iyo noon." Yumuko ako dahil nararamdaman ko na naman yung pag-init ng mukha ko. "Huwag ka ngang yumuko. Ang cute mo kaya kapag namumula, lalo na kapag ako ang dahilan."

"Ewan ko sa iyo," sabi ko.

Nang medyo humupa yung kilig na nararamdaman ko, nagtanong ulit ako. Mahirap kasi magtanong kapag kinikilig, mauutal-utal lang ako. Inisin pa ako lalo niyan.

"Ikaw ba yung nagtanong sa kapatid ko kung saan ako nakatira at nag-aaral?" tanong ko sa kanya at halatang nahiya siya bigla. Napansin ko ring medyo namula siya kaya napangiti ako.

"Oo. Ang kulit din niya. May pinagmanahan." Tiningnan ko siya nang masama pero binalewala niya lang iyon. "Muntik niya pa akong ipahamak. Sabihin ba naman na boyfriend mo na ako agad sa mama mo, hindi pa nga ako nanliligaw."

Yung naniningkit kong mata kanina biglang lumaki dahil sa gulat. Lagot sa akin si Potie mamaya. Kakatayin ko yung teddy bear niya. Biglang tumawa si Justin na parang mauubusan na ng hininga. Hindi ko alam pero may kung anong kapangyarihan yung tawa ni Justin na tumutunaw sa puso ko.

"Tumigil ka na nga diyan. Nagmumukha ka nang baliw," sabi ko dahil baka tuluyan nang maging liquid form yung puso ko.

Makaraan ang ilang sandali, tumigil na rin siya kakatawa. Nakaramdam na siguro na pinagtitinginan na kami ng mga tao, lalo na ng mga lalaki. Inayos niya yung sarili niya at mas lumapit sa akin.

#11Where stories live. Discover now