CAPITULO 22 - Crushed

Start from the beginning
                                    


Tumingin ako roon pero hindi ko pinagbuksan. Bakit? Dahil kung may nakalimutan man si Tito Randy, hindi na ito para kumatok pa. At kung doktor man o nurse ang nasa likod ng pinto, basta na lamang din iyong papasok. Hindi naman pribado ang kuwartong ito.


Tumingin ulit ako kay Mama. Napabuga ako ng hangin. Hindi talaga ito dapat maiwan na mag-isa. Pero siguro... hindi rin ako ang dapat nitong kasama.


Naupo ako sa plastic na upuang nasa tabi. Ano ba ang dapat kong gawin sa ganitong sandali? Magdasal? Pero may makikinig ba sa dasal ko? At meron bang mangyayari?


Mahigit apat na oras na akong walang kakilos-kilos. Wala pa akong kain o kahit inom ng tubig. Wala na rin akong mailuha dahil siguro ay natuyo na. Ang vibrate ng phone ko sa bulsa ang nagpapitlag sa akin.


Walang lakas na kinuha ko iyon at tiningnan. Nagparamdam ulit iyong babaeng estudyante na na-wrongsend sa akin na taga-Cavite. Naka-save na sa phonebook ko bilang 'F' ang number niya.


F:

Msta mama m?


Hindi ko sinagot ang tanong niya, sa halip tinanong ko kung kumusta na rin ba siya. Puro hangin na ang utak ko, kailangan ko ng kausap.


Me:

Ikw kmusta? Ok k n b tlaga?


F:

Oo. Pwd k call? Wla ko kausap. Naka-Unli call ako sa Sun. :)


Tumingin ako sa oras, 11:30 p.m na. Kumakalam na ang tiyan ko. Puwede siguro para makalimot sa gutom at bigat ng pakiramdam. Hindi ko pa ito nare-reply-an ay tumatawag na.


[ Hello! ] Babae nga ito ayon sa boses. Tunog din na tunay na bata pa. Pang-high school student. [ May unli kasi sa Sun ngayon. Tuwing gabi lang kaya sinusulit ko. Ang mahal kasi, one hundred plus! ]


Madaldal ang babaeng estudyante. Wala raw talaga siyang pang-load. Meron daw siyang raket sa school, isa roon ang pagdo-drawing. Iyong huli raw na nagpa-drawing sa kanya ay walang pambayad, kaya load ang ibinayad. Kupit lang daw sa tindahan ng nanay.


Sinusulit talaga niya ang load. Nakuwento niya na hindi pala iyon ang unang beses na nagkasakit siya. Bata pa lang, sakitin na raw siya.


[ Palagi akong nagkakasakit kahit dati pa. UTI, amoeba, ear pain, skin infection. Di napapagaling ng mga doktor. Kahit sabi ni Dr. Brosas, gagaling na raw ako. Kilala mo iyon? ]


Sa Makati raw ang clinic ng doktor.


[ Iyong huling sakit ko bago ito, ang nakapagpagaling sa akin ay taga Cavite, City. Meron doong church tuwing Biyernes ng gabi. May mga matatanda na sinasapian, tapos nakakagamot sila. Subukan niyo. Di ko lang sigurado kung nandoon pa. ]


Binanggit niya ang lugar kung saan sa Cavite, City. Sa may San Antonio raw, malapit na sa P.N. Dalahican. Mga miyembro ng simbahan, pero kaunti lang daw ang nakakaalam.

Beware of the Class PresidentWhere stories live. Discover now