CAPITULO 19 - Luggage

Start from the beginning
                                    


Nakaupo ako sa gilid ng hinihigaan niya. Hindi niya pa rin binibitiwan ang pulso ko, hindi ko rin naman iyong hinihila para bawiin sa kanya. Nang lumuwag-luwag ang pagkakahawak niya sa akin ay doon ko natiyak na natalo na siya ng antok na kanyang pinipigilan. Nakatulog na siya nang tuluyan.


Maingat na inalis ko ang pagkakahawak niya sa akin. Hindi na siya malamig. Hindi na rin mainit. Sakto na ang temperatura ng katawan niya. Nakakapagtaka lang iyong sobrang lamig niya kanina, pero pawisan siya.


Iniwan ko muna si El dahil ako naman ang nauuhaw. Init na init ako. Iyon para bang may nakadikit sa akin na katawan kaya ako naiinitan. Ang alinsangan sa pakiramdam.


Pagkainom sa kusina ay pumunta ako sa sala. Si Ekoy ay busy pa rin sa pakikinig ng mga drama sa TV. Naroon ay matawa ito, maluha, at mapasigaw sa inis o gulat. Nang matapos ang sinusubaybayan ay saka lang ako nito kinausap.


"O saan kayo pupunta?" tanong nito na palipat-lipat ng baling sa dalawang direksyon. Akala yata ay may kasama ako.


"Ako lang ito, Ekoy. Nasa kuwarto si El." Akala ko ba ay malakas ang pakiramdam nito? Bakit hindi nito alam na mag-isa lang ako?


"Ah, ganoon ba? Eh, kumusta na ang syota mo?"


"Ayun, tulog ulit ang syota ko."


Ang kulit kasi ni Ekoy, kaya hinahayaan ko na lang ito sa tawag nito sa amin ni El. Mukha namang nang-aasar na lang ito.


Napabungisngis ang binatilyong bulag. "Ikaw, Kena, ha?! Maloko ka pala! Akala mo, matatakot mo ako, ah!"


Nagtaka naman ako. Anong ginawa ko?


"Sus!" Lalo itong bumungisngis at dumi-quatro sa pagkakaupo. "O di ba kanina, kung kailan nasa magandang tagpo na ang pinanonood ko, bigla mong pinatay ang TV!"


Ano? Ngayon lang naman ako pumunta ulit dito sa sala?


"Hmp! 'Di ko tuloy narinig kung sino iyong pumatay roon sa isang character. Kung di pa ako um-acting na naiiyak, hindi mo pa ibabato sa akin pabalik ang remote."


Napailing ako kahit hindi nito nakikita. "Ekoy, hindi ko pinatay ang TV. Bakit ko naman gagawin iyon? Mas lalong hindi ko kinuha ang remote at ibinalik pabato sa 'yo. Mula nang umalis si Sister Gelai, naroon na lang ako kasama ni El sa kuwarto."


Ngingisi-ngisi pa rin naman ang bulag na binatilyo. Ano ba? Pinagti-trip-an ba ako nito?



ALAS DOS nang hapon. Bumalik si Sister Gelai mula sa saglit na paglabas. May bitbit na ang madre na mga noodles, isang tray ng itlog, at ilang delata. Tinulungan ko itong mag-ayos ng stocks sa kusina bago ko binalikan si El sa kuwarto namin. Pagpasok ko ay naligpit na ang higaan.


Gising na si El. Ewan kung gaano katagal na. Nakatayo siya sa gitna ng kuwarto. Walang kakilos-kilos. Nakatingin sa iisang direksyon ang blangkong mga mata. Ang kanyang school uniform pagdating namin dito, ang slacks, shirt, polo, at maging ang medyas sa ibaba, ay suot niya na ngayon.

Beware of the Class PresidentWhere stories live. Discover now