CAPITULO 18 - Nun

Start from the beginning
                                    


Huminga ako nang malalim at muling nagtanong, "Sister Gelai, iyang nasa picture. Siya po ba si Felicidad na ate niyo?"


Imbes sagutin ako ay iba ang lumabas sa bibig niya. "Hindi ko rin maintindihan noong una kung bakit ang bilis ng pagtanda niya."


Kung ganoon, ang matandang babae na kulubot ang mukha sa picture frame ay ang ate niya nga. Si Felicidad Rubio? Napanganga ako kasabay ng paggapang ng kilabot sa aking katawan.


"Kena..." Hinaplos ni Sister Gelai ang salamin ng picture frame. "Nito ko na lang nalaman ang dahilan. Ang isang tao, kapag gumagamit ng itim na mahika, ang kapalit niyon ay ang sarili nitong kaluluwa. Kada gawa niya, ibinabalik sa kanya. Ibinabawas sa buhay niya. Pero ayaw tumigil ni Ate. Masyado siyang nalulong sa ginagawa niya."


Alam ni Sister Gelai ang ginagawa ng nakatatandang kapatid. Na hindi lang simpleng healer si Felicidad Rubio. Nag-aaral ito ng itim na mahika. Gumagawa ng orasyon, gayuma, at maalam din mambarang o kulam. Ang pinakamalala, sumusubok ito na makipag-usap sa mga yumao na.


"Talking to the dead, the bible considers it as sorcery."


Malungkot na ngumiti si Sister Gelai.


"The practice of communication with the dead is necromancy. A sin. Kahit ang paglapit sa mga medium, basta may kinalaman sa pagtatangka na makipag-ugnayan sa yumao na, kasalanan. Dahil walang ibang daan patungo sa kabilang buhay kundi ang Panginoon lamang. Siya lang ang tanging daan."


"Bakit ginagawa iyon ni Felicidad?" naguguluhang tanong ko. Sa nakikita ko ay maayos naman ang buhay nila, hindi nito kailangang gumawa ng masama para kumita. At nakapag-aral din naman ito at kung nanaisin ay kayang makapagtapos. Kaya nitong makakuha ng magandang career dahil mukhang matalino rin naman ito.


"Bata pa lang si Ate, fascinated na siya sa mga ganoong bagay. Impluwensiya ng lola namin na taga Talalora, Samar."


Taga Samar sila bago lumipat dito sa Bataan?


"Ang nanay ng lola namin ay sikat na barang, pero tumigil na dahil namatay ang asawa at dalawang anak. Ang sabi, karma. Ang bunso na lola namin ay naniwala at hindi na rin sumubok. Lumuwas ito sa Maynila para magtrabaho, at nakita nito na nagiging sibilisado na ang mundo. Kaya lamang, nakakilala ito sa trabaho ng isang Haitian."


Sa Araling Panlipunan ko nalaman na ang mga taga bansang Haiti ay Haitians kung tawagin. Maganda ang lugar nila, pero ang bansa na iyon ang isa sa kinatatakutan din na bansa sa Carribean. Kilala sa voodooism.


"Isang lalaki na ang sabi ay ang ninuno raw ay mula sa isang indigenous na tribo ang nakilala nito. Marunong daw sa salamangkang itim. Muling nabuhay ang kuryosidad at ang interes ng lola namin. Pagbalik nito sa probinsiya, kahit tinanggihan ng kanyang ina, tinuloy nitong manahin ang kaalaman mula sa aming kanunonunuan. Ganoon na rin ang nanay namin. 'Yang kaalaman nila, pasa-pasang karunungan. Ako lang ang tumanggi."


"Pero ang ate mo ay hindi?"


Tumango si Sister Gelai. "Ang pagpasok ko sa kumbento ay hindi para hugasan ang mga kamay ko sa kasalanan, kundi paraan ko para sana tubusin ang kasalanan ng aking pamilya. Pero hindi pala ganoon iyon. Walang makakasagip sa kanila kundi ang sarili mismo nila. Dahil ang mga tao ay indibidwal na pumasok sa mundo at indibidwal din na lalabas dito."

Beware of the Class PresidentWhere stories live. Discover now