Numero Dos

28 1 0
                                    

Nagising na lang ako ng dahil sa mga naririnig kong ingay sa labas ng aming bahay. Mga kabataan ito na nag-uusap usap.

"Ano sama ba kayo mamaya?" tanong ng isang lalaki na may garalgal na boses.

"Syempre oo" wika ng isa pang lalaki.

"Hindi pa ako sigurado pero pag sumama si Trisha sasama na rin ako," wika naman ng isang babae.

Pamilyar ang boses ng babaeng yun. Kung hindi ako nagkakamali, si Brenda ang nagsalita na yun.

Nakakairita..., umagang umaga naririnig ko ang boses niya. Hindi ko talaga siya gusto. Para siyang demonyong nagsasalita. Hindi ko pa rin makalimutan ang mga pang-aaping ginawa niya sa 'kin noon. At ngayon sinusubukan niya pang kunin sa 'kin ang nag-iisa kong kaibigan.

Tinapon ko na lang ang aking unan ng dahil sa inis. Napunta ito sa ilalim ng higaan nila tatay.

Wala akong ibang nagawa kundi ang kunin ito dahil wala naman ibang gagawa nun.

Naglakad ako papunta sa kanilang higaan at sinubukang abutin ang unan. Bago ko maabot ang unan may nakapa akong isang matigas na bagay. Kinuha ko yun at pinagmasdan.

Ito ang regalo sa akin ni tatay nang bata pa ako. Isa itong maliit na kahon na may mga salitang nakaukit.

Kahon ng mga alaala
-Lora Angeles-

Ang sabi niya sa akin noon. Dito ko raw ilagay ang mga importanteng bagay, lalo na yung mga bagay na magpapaalala sa akin sa isang tao

Alam kong nilagay ko dun yung mga litrato namin nila nanay, kaya hindi ko na lang binuksan. Ibinalik ko na lang ang kahon sa kinuhanan ko nito.

Kinuha ko na ang unan at ibinalik yun sa aking higaan.

Hindi na ako makapaghintay na puntahan si Trisha. Gusto kong pigilan siya na sumama kay Brenda. Baka ano lang ang mangyari sa kanya pagkasama niya yun.

Naghilamos na ako at aakma na sanang lumabas ng bahay subalit naalala ko yung pinggan nila na nandito pa sa 'min. Kinuha ko na yun at dali-daling tinahak ang bahay nila Trisha.

Kakatok na sana ako sa kanilang pinto pero bigla itong bumukas. Bumungad sa akin si Aling Corazon at ngumiti ito sa akin ng matamis. Napansin ko rin na may dala-dala siyang pagkain. Marahil papunta na sana siya sa aming bahay.

"Magandang umaga po Aling Corazon," saad ko.

"Magandang umaga rin hija. Halika pasok ka." Binuksan niya ng malawak ang pinto. "Papunta na sana ako sa bahay ninyo pero mabuti na lang naparito ka. Sabayan mo na kami kumain. Nandun sa kusina si Trisha."

"Si-sige po." Nahihiya man ako pero agad akong tumalima. Naglakad ako patungo sa kanilang kusina at nakita ko doon si Trisha na kumakain.

"Lora mabuti na lang naparito ka. Samahan mo ako mamaya, may pupuntahan tayo," wika nito na para bang hindi na makapaghintay sa gagawin niya mamaya. "Kumain muna tayo."

"Sige" yun na lamang ang nasabi ko. Umupo na ako sa tabi ni Trisha. Ginamit ko na rin yung dala kong pinggan na isasauli ko sa kanila.

"Saan na naman kayo pupunta?" wika ni Aling Corazon habang naglalakad ito patungo sa mesa. Narinig niya pala ang sinabi ni Trisha.

"Ah... diyan lang po nay sa tabi-tabi," sagot ni Trisha. Halatang-halata sa kanyang mukha na medyo kinakabahan siya.

"Baka kung saan na naman kayo pumunta. Mapanganib ang lugar na ito lalo na kung sasapit ang dilim," bakas sa boses ni Aling Corazon ang pag-aalala at makikita mo rin ang takot sa kanyang mukha.

Tama si Aling Corazon, mapanganib nga sa lugar na ito. Baka makasalubong pa namin sa daan ang mga nakaitim na talukbong.

"Hindi naman po kami lalayo nay at pangako po uuwi kami ng maaga," saad ni Trisha habang nakataas ang kanang kamay nito na nagpapahiwatig ng salitang pangako.

Huminga ng malalim si Aling Corazon bago nagsalita. "Oh sya! kumain na tayo." Umupo na siya sa tabi ni Trisha at nagsimula na kaming kumain.

Pagkatapos naming kumain, niyaya na ako ni Trisha na lumabas. Tinatanong ko siya kaninang paglabas namin sa bahay nila kung saan kami mamamasyal, pero ngiti lang ang natanggap ko na tugon mula sa kanya.

Ilang beses ko rin siya pinilit na sa tabing ilog na lang kami mamamasyal pero ayaw niya. Mas maganda raw ang pupuntahan namin.

Iba talaga ang pakiramdam ko rito.

"TRISHA!!!", sigaw ng isang babae. Paglingon ko nakita ko si Brenda. Tumatakbo ito patungo sa direksyon namin. May kasama siyang dalawang lalaki. Naiirita ako sa tuwing makikita ko ang pagmumukha ng babaeng 'to at mas lalong nairita ako nang yumakap siya ng mahigpit sa aking kaibigan, na para bang puro ang intensyon niya na makipagkaibigan kay Trisha.

Alam kong panganib lang ang dala niya sa amin.

Nakita niya ako at biglang inirapan, kaya syempre ganun din ang ginawa ko sa kanya. Hindi na ako tulad ng dati na magpapatalo lang sa kanya.

"Ano sasama ka na?" saad ni Brenda.

"Syempre sasama talaga ako," sabi naman ni Trisha.

Para namang baliw na tumalon-talon si Brenda. "YES! YES! YES!," sabi niya sabay yakap ulit kay Trisha.

"Isasama ko nga pala si Lora," turo ni Trisha sa akin.

"Sige pwede naman," sarkastikong pakakasabi ni Brenda sabay na pilit na ngumiti. Nababakas ko sa kanyang mukha na naiirita siya subalit napalitan agad ito ng kakaibang ekspresyon na para bang may masama itong binabalak. "Mamayang hapon pa naman tayo pupunta sa gubat kaya–"

"Ano? Gubat?" sabat ko kay Brenda.

"Oo bakit?" saad nito saka sarkastikong ngumiti.

Hinila ko si Trisha palayo sa kanila at kinausap ito. "Trisha, anong pumapasok sa isip mo? Alam mong mapanganib ang gubat. Maaari tayong mapahamak doon."

"Oo alam ko Lora... pero... gusto ko lang naman maranasan ito. Hindi ko pa napupuntahan ang gubat. Sana maintindihan mo ako."

"Pero Trisha..."

"Sasama pa rin ako Lora... Kung ayaw mong sumama ayos lang sa akin." Bumitaw siya sa pagkakahawak ko at naglakad pabalik kila Brenda.

Naglakad din ako papunta doon at hinarap si Trisha. "Sasamahan kita," saad ko kahit mahahalata ang takot sa aking boses. Ayokong mapahamak siya. Kung may masama mang mangyari, handa akong protektahan ang aking kaibigan.

Ngumiti siya at niyakap ako. "Maraming salamat Lora kasi naiintindihan mo ako."

"Bakit magsasama pa tayo ng baliw?" tanong ng lalaking medyo kulot ang buhok. Siya yung lalaking may garalgal na boses na narinig ko sa labas ng bahay.

Sino bang tinutukoy niya na baliw? Baka sarili niya kasi mukha naman siyang baliw o di kaya naman si Brenda kasi parang baliw siya kanina.

Nagtawanan silang tatlo.

Alam kong ako ang pinagtatawanan nila. Hahayaan ko na lang sana sila sa pag insulto sa akin pero magmumukha akong kawawa pag ginawa ko yun. Kaya sinabayan ko na lang sila sa pagtawa habang hinahampas ko sa balikat yung lalaking may katangkaran.

"Bakit nga pala kayo pupunta sa gubat?" tanong ko sa kanila upang maputol ang tawanan.

Sinagot ako ng lalaking may katangkaran. "Pupunta kami sa gubat para kumuha ng mga magagandang halaman at pagkatapos ibebenta namin sa mga mayayaman." May kinang sa kanyang mga mata nang banggitin niya ang salitang ibebenta.

"Magkita-kita na lang tayo mamayang hapon doon sa may malaking puno ng mangga," pagpuputol sa usapan ng lalaking garalgal ang boses. Itinuro niya ang malaking puno ng mangga na medyo may kalapitan sa aming tahanan.

"Mauna na ako," saad ni Brenda. Bago siya tuluyang umalis tumingin muna siya sa akin at ngumiti na parang merong masamang binabalak.

Sumunod na ring umalis yung dalawang lalaki at niyaya ko na si Trisha na umalis sa lugar na yun.

|| End of chapter 2

Anino ng Kamatayan Where stories live. Discover now