Capitulo 13 - Let's Go

Start from the beginning
                                    


"Kena, bakit nandito ka pa?" Sumulpot si Tito Randy sa harapan ko. "Nagsipasok na ang mga kapatid mo. Pumasok ka na rin dahil baka mahuli ka sa klase mo."


Bantulot ako na nagsalita. "Puwede po ba na wag akong pumasok? Nag-aalala po ako kay Mama. Gusto ko na bantayan siya." Kung dadalhin man si Mama sa ospital, gusto ko ring sumama.

Umiling ito. "'Wag mo nang alalahanin ang mama mo. Hindi rin naman 'yan matutuwa kapag nalaman na um-absent ka dahil sa kanya. Saka dadalhin ko siya sa ospital pagdating ng pera nina Joachim mamayang tanghali. Ang isipin mo na lang ay ang pag-aaral mo. Magti-text naman ako sa inyo kung ano ang mga mangyayari."


Hindi na ako nakapagpumilit dahil tinalikuran na ako ni Tito Randy para bumalik sa kuwarto. Napalamukos na lang ako nang mahigpit sa aking palda. 


Pagbukas ni Tito Randy ng pinto ng kuwarto ay naulinigan ko na naman ang mga ungol ni Mama. Narinig ko rin ang boses ni Aling Melina. "Randy, naku, lalong namamaga ang pasa ni Karen. Ayoko nang hilutin, kasi kahit magaan ay nasasaktan pa rin siya."


May mga narinig pa ako sa pinag-usapan ng mga ito sa kuwarto. Ang pagmumungkahi ni Aling Melina na sumubok sa albularyo, pero sinaway ito ni Tito Randy. Mahirap na raw dahil namemera lang ang karamihan sa mga ganoon. Ang kailangan daw ay madala na sa ospital si Mama sa lalong madaling panahon.


Paglabas ng bahay ay napatigil ako nang makitang nasa labas pa ng gate si Joachim. Nakatayo siya roon at hindi pa umaalis. Nakapamulsa siya sa suot na school pants. Nang makita ako ay binuksan niya ang gate para sa akin.


"May baon ka ba?" tanong niya paglabas ko sa gate.


Hindi pa ako nakakasagot ng maglabas siya ng buong fifty pesos mula sa wallet niya. Pinatalikod niya ako at inilagay niya sa bulsa ng suot kong backpack ang pera.


Ang pamimilog ng aking mga mata ay hindi dahil sa pagbibigay sa akin ni Joachim ng fifty pesos, kundi dahil sa natatanaw ko sa mga sandaling ito. Nakatalikod ako kay Joachim at nakaharap sa pinto ng bahay namin. Sa pinto. Sa pinto ay nakatayo roon si Mama!


Si Mama na nakangiti habang nakatingin sa amin ni Joachim!


Doon kung saan ang kanyang likod ay ang madilim na sala. Si Mama ang itsura maging ang suot na damit. Nakapaa lang. Hindi mukhang nanghihina. Hindi mukhang may nararamdaman. At nakangiti. Ngiti na hindi umaabot sa blangkong mga mata. Ang ekspresyon na ang bigat-bigat sa dibdib tingnan.


Ang pagngiti ng babaeng nakikita ko ay naghatid ng kakaibang lamig sa bawat himaymay ng aking katawan. Naninigas ako at hindi magawang makakilos. Nang tumalikod na ang babae at pumasok na sa bahay ay siya namang pagharap sa akin ni Joachim.


"Kena, pumasok ka na. Mag-pedicab ka." Patalikod na siya para umalis at iwan ako nang bigla ko siyang pigilan sa pulso.


Nagtataka na napalingon naman siya sa akin. "Kena?"


Lumunok ako at nag-ipon ng lakas ng loob bago magsalita, "Dagdagan mo ang baon ko."


Umawang ang mapupula niyang mga labi. Nabigla siya pero saglit lang ay bigla siyang napangiti. "Kulang ba? May pagagamitan ka?"

Beware of the Class PresidentWhere stories live. Discover now