02

7 1 0
                                    

"And when you don't belong to anything, not bound to anyone, or anywhere, is it really freedom or loneliness?"

- The Invisible life of Addie Larue, V.E Schwab

Nagising siya sa ingay ng mga manok sa hindi kalayuan. Pagtingin sa kaniyang cellphone ay alas singko y medya na ng umaga. Masyado pang maaga para sa kagaya niyang tinatanghali nang gising minsan. Hindi siya nagreklamo kasi sa unang pagkakataon, wala siyang narinig kundi ingay lang ng mga hayop. Hindi boses ng Mama niya.

Maaga din naman siyang nakatulog kagabi. Naglinis siya kahapon ng bahay at kumain ng hapunan mag-isa. May grocery na sa ref na binayaran niya kay Mang Jorge kaya pinagluto niya na lang ang sarili. Nagpasabi siya dito bago umuwi. Hindi rin siya makalabas ng bahay kahapon dahil sa ulan.

May narinig siyang bumukas ng gate. Nang sinilip ay si Mang Jorge ang nakita. Niligpit niya ang higaan at nagdesisyong maghilamos muna. Nang matapos ay sa kusina dumiretso. Kumuha ng malamig na tubig at dinala sa labas ng bahay nila.

"Magandang umaga Remy, " bati ng matanda sa kaniya. Pinanuod niya itong magwalis sa harap.

"Good morning Mang Jorge. Ang aga mo naman po yata."

"Talagang maaga pa ako lagi dito iha. Bago ako dumiretso sa palayan sa baba ay naglilinis muna ako rito, " sagot sa kaniya ng matanda.

"Ang sipag niyo naman po, " ani niya dito. Bumuntong hininga ang matanda, tumigil at humawak sa bewang nito saka siya tiningnan.

"Kailangan. May pamilya akong binubuhay," sagot nito sa kaniya. Mapait siyang ngumiti dito.

Parang naging tunog mapakla ang tanong na binato niya rito. Ang kasipagan paminsan-minsan ay naiiba para sa iba. Masipag sila dahil kailangan. Ayaw niya itong husgahan. Nanahimik na lang siya at pinanuod ang tanawin sa harap niya.

Kung sa lungsod ay maingay na ang mga sasakyan, dito ay walang kahit anong ingay nito. Nakabukas ang ilaw sa mga bahay, ang ibang tao ay nagsisimula nang bumaba sa bukid. Meron nang nanghahabas ng damo sa palayan. At doon niya lang napagtanto na kahit pala ito ang buhay na gusto niya, ay pareho lamang siyang isang batang nangangarap ng mala prinsesang buhay na pinagsisilbihan sa isang palasyo. Pakiramdam niya ay nahiya siya bigla sa mga tao rito. Parang kahit dito ay hindi siya nababagay. Kasi sa paningin ng iba, andito lamang siya para pagbigyan ang sarili. Iba ang buhay nila. Nabubuhay sila nang may dahilan, taliwas sa ginagawa niya rito.

Kinulang pala siya sa plano. Pinagplanuhan niyang pumunta rito ng ilang buwan, pero ngayong nandito na siya ay hindi niya na alam ang gagawin. Parang mas napagod siya sa ideyang wala siyang gagawin. O baka nasanay lang siya na maraming ginagawa.

Pinigilan niyang huwag masyadong pahirapan ang sarili. Hindi naman nauubos ang mga araw, siguro ay pwede pa siyang magplano. Nang tumingin siya sa gilid ng mababang gate nila ay may naisip siya agad.

"Dadalhin mo ba sa lungsod ang mga ito Remy?" tanong ng matanda sa kaniya nang makabalik ito ng magtanghali. Kaninang umaga ay umalis agad ito, nanghingi siya ng mga buto na maari niyang itanim lang kung saan. Binigyan siya nito ng sili. Dinalhan din siya ng lupang pataba.

"Dito ko po iyan itatanim sa bakuran," seryosong sagot niya dito. Nakalagay sa maliit na supot ng plastic ang mga buto ng siling ibinigay sa kaniya. Inilagay niya muna ito sa isang maliit na box at ipinasok sa bahay nila. Binalikan niya ang matanda at nagpasalamat.

"Maraming salamat sa sili Mang Jorge. Ako na pong bahala dito." Tinanguan siya ng matanda saka ito nagpaalam.

"Oh siya sige at mauuna na ako, Remy." Tagaktak na ang pawis nito. Naawa siya bigla. Galing ito sa trabaho at pagkatapos ng maghapong ulan kahapon ay bumawi naman ang init ng araw ngayon.

Tinanaw niya ito sa kalayuan at pumasok nang hindi na makita. Pinagsaing niya ang sarili at nagluto ng ulam niya. Maingay ang laptop niya habang nakikinig siya sa paborito niyang channel sa youtube. Illneas, the kid with a camera.

Nakaupo siya at nakataas ang paa sa dulo ng mesa.Hinihintay niyang kumulo ang nilutong tinolang manok. Kung andito ang nanay niya ay pinagalitan na siya nito. Mayamaya ay tumunog ang cellphone niya.

Emerson is calling...

Nilapit niya sa tenga ang cellphone nang sagutin. "At anong sabi kong tumawag kapag nakarating ka na, Remy?" Halata ang inis sa boses nito. Ipinagsawalang bahala niya lang.

"Ayos lang ako rito. Sabihin mo kay Mama pinanuod kong maghabas ng damo ang mga tao rito buong umaga. Parang hindi na ako uuwi diyan." Nagbibiro lamang siya. Narinig niyang tumawa ang Kuya niya sa background.

"Pasaway ka talaga kahit kailan. Tingnan mo mamaya at si Mang Jorge ang tatawagan non. Alam mo naman iyang si Mama. Nag-aalala lang iyon na pupunta ka diyan mag-isa," ani ng Kuya niya.

"Sinasabi mo lang iyan para huwag kong isipin ang pressure. Hindi naman ako kagaya niyo ni Eli, Kuya eh. Si Papa kaya lang naman siya tahimik pagdating sa akin kasi wala naman sa plano niyang babae ang anak niya. Aminin man natin o hindi, kayong dalawa ang paborito noon." Kinuha niya na ang pagkakataon para magreklamo sa Kuya. Hindi niya magagawa ito kung magkaharap sila.

Narinig niyang bumuntong hininga ito. Tumahimik siya. Ayaw nang dagdagan ang sinabi.

"Gusto lang ni Mama na seryosohin mo na ang buhay mo Remy. Naiintindihan kita at ang concept mo ng seryoso at alam ko kung gaano mo kagustong umalis sa puder nila, pero naiintindihan ko rin si Mama eh. Hindi naman kasi para sa kaniya ang gusto niyang mangyari. Gusto niya lang na magdecide ka na sa plano mo sa buhay. Temporaryo lang iyang meron ka ngayon, andito ang totoong buhay mo sa lungsod."

"Hindi naman pagbabake ang buhay na gusto ko Kuya," halata na rin sa boses niya ang pagkairita.

"Kaya nga magdecide ka na. Ipakita mo kina Mama na kung hindi pagbabake ang gusto mong gawin, at least show her something right? Like a stable job, just something na magpapatahimik sa kaniya," sagot ng Kuya niya sa kabilang linya. Hahaba lang ang usapan kaya nagpaalam na agad siya dito.

"Nasusunog na ang niluluto ko Kuya. Ibababa ko na ang tawag," pgdadahilan niya at pinatay agad ito.
Gusto niya lang ng oras. Ng kunting panahon pa. Halos hindi na siya makahinga sa lahat. Na para bang isang karera ang buhay, pagod siya at gusto niyang magpahinga pero ang gusto ng lahat ay tumakbo pa siya kailangan niyang manalo. Hindi naman niya alam kung kaninong laban pa ba ang pinapanalo niya.

Ang buhay niya, o ang desisyon ng ibang tao para sa kaniya?

Naguguluhan lang siya at nasasakal.

Summer CharmTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon