"'Di rin namin kilala. Sino ba 'yan? Maganda ka pa, Joyce." Kung mag-usap ang mga ito ay parang hindi ako kasabay sa hagdan.


"Anong nagustuhan ni Kit diyan? Saka di ba ikaw iyong liligawan dapat ni Kit? Nagandahan siya sa 'yo noong nakasabay mo siya sa canteen last time? Kaya bakit may ganyan?"


"Excuse me. Paraan..." mahinang sabi ko at nakisiksik sa kumpulan ng mga estudyante na pababa ng hagdan. Gusto ko nang makalampas sa mga babaeng estudyante na lantaran akong pinag-uusapan.


"Natakot yata sa 'yo, Joyce." Kasunod noon ay hagikhikan.


Nakalampas na ako sa mga ito ay naririnig ko pa ang palitan nila ng sinasabi. Wala lang naman iyon sa akin. Bata pa lang ako, sanay na ako na pinag-uusapan nang palihim man o harapan. Hindi rin ako palakaibigan. Kung wala nga lang Bhing na nagtatiyaga sa akin, malamang na wala ako kahit na ka-close dito.


Malapit na ako sa labasan ng building nang makita ang matangkad na lalaki na nakatayo roon. Nakasuot siya ng bag na itim na mukha namang walang laman, habang chill na nakasandal sa pader at ang mga kamay ay nakapamulsa sa suot na school pants. Ang dulo ng suot na white sneakers ay kinukoskos niya sa sahig na parang mannerism sa tuwing naiinip.


Nagsalubong ang mga kilay ko. Anong ginagawa roon ni Kristian Vergara? Sa ilang beses ko siyang hindi sinasadyang makita noon tuwing uwian, hindi naman niya ugaling tumambay sa ngayo'y kinapupuwestuhan. At nasaan ang mga barkada niya? Bakit siya nag-iisa? May hinihintay ba siya?


Ang itsura niya ay parang naiinip at napipikon na. May dinukot siya sa kanyang bulsa, isang bilog na salamin na halata namang hindi kanya. Parang in-arbor niya lang kung kaninong kakilala. Tumingin siya sa salamin at inayos ng mahahabang daliri ang bahagya nang humahabang buhok. Ngumisi pa siya sa sariling repleksyon na parang nagpapa-cute.


Nagsalubong ang mga kilay ko. Ayaw kong isipin ang dahilan kung bakit siya nandoon. Binilisan ko na ang mga lakad para lampasan siya. Sumabay ako sa buhos ng maraming estudyante na palabas sa dinaanan kong classroom. Nakayuko na ako kaya hindi ko na inaasahan na mapapansin niya. Kaya lang—


"Baby!"


Napapikit ako nang mariin at nagpatuloy sa paglalakad. Wala akong panahong makipag-gaguhan ngayon sa kanya dahil kailangan ko nang makauwi. May sakit si Mama.


Ang kaso lang talaga, may tagas talaga sa ulo ang lalaki. Humabol siya sa akin. "Baby ko!" sigaw pa niya na parang gusto niya yata ang buong school ay marinig siya.


Ang ibang estudyante sa paligid namin ay mga napahinto na. Hinahanap kung sino ang tinatawag na 'baby' ni Kristian Vergara. Lalo akong nagmadali sa paghakbang, kaya lang ay sa haba ng biyas niya, naabutan niya rin ako agad.


Humarang siya sa daan ko. Ang mabangong men's cologne niya ay nanuot agad sa pang-amoy ko. Maaliwalas ang itsura niya habang pilit sinisilip ang aking mukha sa pagkakayuko. "Baby, galit ka pa?" malambing na tanong niya.


Napapiksi ako sa inis. "Ano bang problema mo?! Bakit ba pinagti-trip-an mo ako?!" Mahina pero gigil ang boses ko.

Beware of the Class PresidentМесто, где живут истории. Откройте их для себя