Perfect family.
Iyan ang palaging bukambibig ng mga tao sa tuwing nakikita ang family picture namin na nakasabit sa sala. Si mama, papa, ate, kuya, ako at ang bunso kong kapatid. Nakaupo sina mama sa gitna kasama si Geoff, bunso naming kapatid. Samantalang nakatayo kami sa likod nila, si ate Gianna, ako at si Kuya Geov. Kung titingnan mo naman talaga ang litrato namin ay tila isa kaming masayang pamilya. Matatamis na ngiti sa mga labi na wari mo'y hindi namromroblema.
"Congratulations Engr. Geov!!" Malakas na sigaw ng pamilya ko at ng mga kamag-anak namin sa pagbukas ng pinto at pagpasok ni Kuya Geov.
Isang malaking ngiti ang ganti ni Kuya sabay yakap sa mga magulang at kapatid namin. Isa isa niyang niyakap ang bawat miyembro ng pamilya namin at pati narin ang ibang kamag-anak na kasalukuyang nakiki-celebrate sa isang malaking achievement ng pamilya namin. Iniintay ko na lumapit si kuya sa akin at yakapin rin ako. Nanatili lang akong nakaupo sa isang gilid at pinapanuod ang bawat kaganapan sa paligid. Maya maya pa ay nakita kong nakatingin si kuya sa akin. Ilang segundo lamang siyang tumingin sa akin ng hindi man lang ngumingiti. Binalik niya ang atensyon niya sa mga kamag-anak namin.
Tama kayo. Isa sana kaming perfect at masayang pamilya kung siguro ay hindi ako pinanganak. Minsan nga hiniling ko na sana hindi nalang. Simula ng nagkaisip ako ay namulat ako na lagi akong hinuhuli. Wala akong boses sa pamilyang ito. Grade school, walang magulang na pumupunta para sa school meetings at mahahalagang school activity. Sa private pumasok ang mga kapatid ko samantalang sa public ako.
Wala akong masarap na baon sa school. Kung sina kuya, ate at Geoff ay napakaraming masarap na pagkain at inumin, sa akin ay kabaliktaran. Kung anong matira nilang pagkain ay yun lamang ang babaunin ko kung minsan pa ay wala. Wala akong magagarbong damit ng tulad kay ate Gianna. Halos mabibilang ko ang mga damit ko na puro t-shirts at short. Wala akong mamahaling laruan. At sa tuwing family day ay naiiwan ako kay Manang Cely. Wala si mama sa tabi ko tuwing nagkakasakit ako. Walang ate at kuya na nagsasabing okay lang yan kapag nadadapa ako. Walang ama na nagsasabing proud ako sayo kapag may mga achievements ako.
"Nandiyan ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap." Si mama.
Tumingin ako sa kaniya at tumayo.
"Pumunta ka sa kusina at tulungan mo si Manang Mely maghugas ng plato. Marami pang bisitang darating." Walang emosyon niyang sabi sabay ng pagtalikod sa akin.
Kagat ko ang labi ko habang naglalakad patungong sa kusina. Unti unti kong nararamdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ko sa isiping akala ko ay aayain niya akong kumain sa hapagkainan dahil halos lahat sila ay naruon na. Dahan dahan akong naglalakad at sa bawat hakbang ko ay naririnig ko ang bawat papuri ng mga tao hindi lamang para sa kuya ko pati narin sa mga kapatid ko.
Pinigilan ko ang luha ko at nagpatuloy lamang sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa kusina. Naabutan ko si Papa na kumukuha ng pagkain. Saglit lang siyang sumulyap sa akin at ng matapos siya sa pagkuha ng pagkain ay nilampasan na lamang ako at wala ni isang salita Napatingin ako kay Manang Mely na kanina pang nakatingin sa akin. Simula bata ako ay si Manang Mely lang ang nakakaintindi sa akin. Halos siya na ang ituring kong ina.
Kitang kita ko ang awa sa mga mata niya kaya pinilit kong ngumiti sa harap at lumapit sa kinatatayuan niya.
"Kumain na po ba kayo?" Tanong ko.
