CAPITULO 7 - Speech Delay

Magsimula sa umpisa
                                    


"Sandali!" pigil ko sa kanya. Napakamot ako ng ulo. "Sige, tabi na tayo. Pero 'wag kang magtatangka na kumilos nang masama!"


"Ako pa talaga?" nakakalokong balik niya sabay hagod ng kanyang tingin sa aking katawan.


Napatingin din tuloy ako sa aking katawan. Napanganga ako nang mabistahan ang itsura. Wala pa nga pala akong suot na shorts at dahil nagmamadali ako sa paglabas ng banyo kanina. Sukat ay naitulak ko tuloy siya sa kama.


Padapa siyang bumagsak sa kama. Siguro dahil na rin sa antok kaya wala siyang lakas. Kandamura siya dahil ngudngod sa unan ko ang mukha niya.


Todo hingi naman ako ng pasensiya. "Sorry, sorry! Ikaw kasi! Sandali lang, 'wag ka munang lilingon, aayusin ko lang ang sarili ko!"


Mabuti at hindi naman siya agad bumangon. Hinintay niya ako na makapagbihis muna. Nang makaayos na ako ay saka siya tumihaya sa kama. Nakasimangot siya. "Higa na!"


Ang ending, pumayag na lang tuloy ako na tabi kaming dalawa sa kama ko. Hindi lang ako pumayag na walang mga unan sa pagitan naming dalawa. Mabuti na lang at tatlo ang unan ko. Ang isa ay gamit niya at ang dalawa ay harang namin sa isa't isa. Okay lang naman kahit wala akong gamitin.


Mukhang antok na si Joachim dahil nakatulog na rin agad siya. Para bang pinipigil niya lang kanina ang antok niya. Nang matiyak na tulog na tulog na siya ay saka ako bumangon. Pinagmasdan ko ang natutulog niyang anyo.


Guwapo si Joachim. Mas guwapo sa kapatid niyang sumunod na si Julian. Pero ang klase ng mukha niya ay iyong parang palaging seryoso. Napatitig ako sa mga mata niya na nakapikit. Bahagyang nanlalalim ang mga iyon na simbulo ng ilang gabi niyang hirap sa pagtulog.


Narinig ko na sabi ni Tito Randy noong nakaraan na may problema raw sa pagtulog si Joachim. Ang akala ng papa niya ay dahil nasobrahan siya sa pagti-text sa gabi. Pero sa tingin ko ay dahilan lang ni Joachim ang pagsi-cellphone para ibaling sa iba ang atensyon.


Insomnia.


Saan ba galing ang ganoong sleep disorder? Sa stress? Anxiety? Lifestyle?


Hindi makatulog si Joachim nang maayos palagi siyang nag-iisip. Nitong mga nakaraan ay parang namayat din siya. Nag-aalala na si Tito Randy dahil baka raw katulad ng ibang kabataan, dumadanas ang anak ng depresyon. Posible nga naman iyon.


Pero may alam ako na hindi nila alam.


May nagbabantay kay Joachim. May nambubuyo. May bumubulong para hindi siya mapakali sa gabi. Para mapaisip siya nang mapaisip. Para hindi siya makatulog.


Hindi na rin ako magugulat kung may mga gabing binabangungot siya at nakakaranas na tila may nakadagan sa kanya. Hindi siya makahinga, makakilos, pero gising na siya. Iyong tinatawag na sleep paralysis.


Napatingin ako sa pinto nang makarinig ng dalawang mahihinang katok. Hindi ko sigurado kung imahinasyon lang at dala ng antok. Hindi na ako dumilat. Hindi na rin naulit ang dalawang katok.

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon