KABANATA 8 (Mystical Unwonderland's stories: Ang nakasisilaw na silahis)

Start from the beginning
                                    

"'Lang hiya! Sumindi ka! Sindi naaaa!" nanginginig ang kamay, sinubukan niya ang iba pang palito. Kiskis sa silabang-liha. Kiskis. Pudpod. Kiskis uli. Ba't ayaw mong sumindi putang posporo kang walang silbi! Haaay! Paulit-ulit na kiskis, at muling pagkapudpod ng ulo ng palito ay tumulo na nga ang luha ni Fe, ngunit ayaw paring sumindi ng kahit na isa man lang sa mga palito ng pusporo. Sa inis, inihagis niya ito, at akmang ihahagis din ang sigarilyong hindi naman masindihan nang bigla niyang natapakan ang basong kapehang nalaglag sa sahig. Nadulas siya. Nawalan ng balanse hanggang sa matumba. Humampas ang ulo sa baso. Umagos ang dugo. Umaagos din ang luha sa kanyang mga mata. Dahilan ng panlalabo ng kanyang nakikita. Maliwanag ang buwan, pero unti-unti nawawala na ito sa kanyang paningin. Nawalan siya ng malay-tao. Kaya't sayang, hindi niya na naabutan ang mas maliwanag na silahis na mabilis kumakalat sa buong paligid. Hindi na nasaksihan ang biglang paglitaw ng nakasisilaw na silahis.

Stories # 4: Litson De Letche
Alog. Tunog. Silip sa butas ng hulugan ng kayamanang bilog. Tunog. Baryang bilog. Bilog na baryang ihinulog sa loob. Kutob. Aaah! Yugyog. Alog. Walang tunog? Mahina ang tunog dahil maraming laman. Tiniis kulo ng tiyan. Pinalipas recess sa eskwelahan. Pinagtiisan. Hulog. Tunog. Alog. Kayamanang natutulog sa loob. Natutulog sa loob ng alkansyang pabilog. Bilog na kulay asul. Ang alkansya ni buboy -baboy. Si Buboy hindi baboy. Payat siya. Yung alkansiya ang baboy. Hitsurang baboy ang alkansya ni Buboy. Kaya noong natulog si Buboy katabi ang kanyang baboy, nang nagpakita ang silahis- ang nakasisilaw na silahis ay biglang naging lechon ang baboy. Kasama si Buboy na hindi baboy. Payat siya. Pero ngayon patay na. Wala na. Walang abog. Mayroong tunog. Tunog ng palahaw na mayroong pagsinok. Inalog. Wala na yung tunog. Nawalang lahat nang sila ay natupok.

Stories # 5: Jess..

Kinabahan ako sa ikinikilos ni Jessica nang tumayo siya't lumabas ng kwarto. Waring may bumabagabag sa kanyang isip mula pang kaninang pinagsasaluhan namin ang paboritong leche plan. Kahit anong tamis sa bibig ay may kung anong pait sa pakiramdam. Nababasa ko sa kanyang mga mata. Umuulan sa labas. Bagamat hindi malakas. Naroong lumalagos ang mga patak sa mukha ni Jessica na di ko alam kung paano patitilain.
Sinundan ko siya. Balak kong magkwento sa kanya ng mga nakatatawa o biro. Yung may green humors. Yung nakaaalis ng kanyang lungkot ngayon. Hindi ako sanay na ganoon siya. Alam ko, kahit hindi niya pa sabihin sakin. Kabisado ko na siya. Ang lahat sa kanya: kung ilan ang hibla ng buhok niya sa ilong, ilang beses siya maligo sa loob ng isang linggo; ilang baso ng tubig ang naiinom sa maghapon; kailan siya badtrip, kailan siya masaya, kailan siya mayroon at kung kailan pwede na...


Pero kanina, naghinala na ko nang sabihin niyang pwede na. Tiningnan ko agad ang kalendaryo. Petsa atrese. Linggo. Napakunot ako pero hindi na ko nag-usisa. Naisip ko na lang na siguro naisip niyang ang linggo ay para sa araw ng pahinga. Pahinga para sa mabibigat at nakapapagod na gawain sa pangingisda. Para sa ikagagaan ng pakiramdam ko at niya na rin marahil. Kaya sino ako para magkait at tumanggi sa muling pagbaba ng langit sa aming munting dampa.

Lumabas ako. Inabutan ko siya sa baybay-dagat. Naroon siyang nakatanaw sa malayo, sa may laot, sa malawak na karagatan o maaaring sa nakaraan. Lumapit ako. "Anong bumabagabag sayo?" Agad kong tanong kay Jessica. "Kanina ka pang walang imik a, may maitutulong ba ko?" At lumingon siya pagkatapos kong masambit ang kataga, na waring nabuhayan ng loob. "Malaki ang matutulong mo." Nakatitig siya sa mga mata ko na waring hinahanap sa kung saan ang katapatang maisusukli sa kanyang kahilingan. "Iligtas mo ang dagat tabang.. Ang mga baklad na nabuwal." Kumunot-noo ako sa sinabi niya. "Kailangan mo kong tulungang papagtibayin ang sangkwaryo, ang mga talaksan. Para sa sangkaragatan."
Hindi ko maintindihan ang ipinapakiusap niya. Bakit niya inaalala ang sankaragatan? Inaalala mo ba ang mga isda? Mga hayop sa dagat? Lumapit ako't agad siyang niyakap. Dama kong mabigat ngang pag-aalala niya sa mga nilalang na nabubuhay sa karagatan. Inalo ko siya. Niyakap. Oo, huwag ka nang mag-alala, maaayos din ang lahat. Ngunit humilagpos siya sa pagkakayakap ko sa kanya. Humakbang palayo sakin.


Mukhang di niya nagustuhan ang naisagot ko. "Kung ayaw mo kong tulungan, ako na lang." Nag-iba ang timbre ng boses niya -sa tonong may pagtatampo. "Malakas ang palahaw ng puso ng karagatan at di na ko makatitiis na magsawalang kibo na lang ?"
"Kaya anong gagawin mo?" Tanong ko.


"Ang marapat!! At matagal ko na dapat ginawa! At lalo pa't tinatawag na nila ko."
Napapakunot pang lalo ang nuo ko sa mga sinasabi niya pero mukhang seryoso naman siya. "Jessica ano ba?! H-hindi kita maintindihan!" Ang nasabi ko na lang dahil sa pagkalito.


"Hindi mo nga kailanman maiintindihan!"

"Saglit nga Jess! Bak-" naudlot ako. Bigla nagtanggal siya ng kanyang damit. Lumantad sakin ang hubad niyang katawan. Ang kanyang kabuuan. Wala na siyang anumang suot na mas lalong nakapagpalito sa akin. Naguguluhan ako. "P-para san yan? Bakit ba? Nababaliw ka na b-" lumusong siya sa tubig. Ni hindi siya lumingon, ni bumanggit ng anumang salita, ni hindi pinansin ang sinasabi ko, bagay na nagpalala pang lalo sa isiping napapaano na nga ba si Jessica. Sinundan ko siya. Lumusong rin sa tubig. Subalit nabigla ako nang nakita ko...
Buntot ng isang malaking isda. Makulay na buntot na nakadugtong kay Jess.. Si jess? I-isa syang sirena?? Taong isda.. S-sirena!

  "Jessicaaa!" Pero ni hindi man lang niya ko nilingon, malayo na ang kanyang nalalangoy. Malakas na ang alon. Kaya napa atras ako. Gulong-gulo parin at manghang-mangha sa nakikita. Totoo ba to? Nananaginip ata ako. Kinurot ko ang pisngi ko. Masakit. Ibig sabihin, totoo nga. Si Jessica... At nawala na siya sa paningin ko. Wala na siya. Wala na. Wala.



"kuya! Kuya gising! Gising dali me sunog!!" at napabalikwas ako sa tawag na iyon ng kapatid kong si Ayang. Nakasisilaw ang silahis na bumungad sa pagmulat ng aking mga mata. Totoong panaginip. Hindi. Totoo 'to. Hindi isang panaginip. Ang panaginip, nagkatotoo? Totoo.

***

DAIGDIG NG TAG-INIT (Completed)Where stories live. Discover now