11

2.6K 171 126
                                    

     “Kamahalan, hindi pwede ang gagawin mo,”

     Hindi pinansin ni Malik ang pagpigil ni Adra. Patuloy siya sa pag-aayos ng mga dadalhin para sa pagsugod sa kuta nila Joseph.

     Dumiin ang hawak niya sa espada.

     Napapikit siya ng mariin ng maalala kung paano saktan ni Joseph si Alisha, kung paano ito napahiga sa lupa at sinipa-sipa.

     Isang araw matapos itong matangay, kaninang umaga lang siya nagkamalay mula sa pinsalang natamo.
At pagmulat pa lang ng mga mata, alam na niyang wala si Alisha. Hindi niya makita ang pisi nilang magkadugtong.

     Hindi niya ito naprotektahan ng mabuti. Bagkus siya pa ang prinotektahan nito.

     Pumasok sa isipan niya ang imahe ng dalaga na may hawak na baril. Isang malaking pala-isipan sa kanya kung paanong marunong itong humawak ng baril. Hindi ito marunong humawak ng espada pero marunong itong humawak ng armas ng mga baligno.

     “Malik!” Napatingin siya kay Adra. “Hindi mo pwedeng gawin ito. May sugat ka.” Tumingin ito sa tagiliran niya. “At mapanganib, hindi mo alam kung ano ang naghihintay sayo doon.”

     “Handa ako, Adra.” Nakita niya ang inis sa mukha ng babae. Naiintindihan niya ito. Alam niyang kaligtasan lang niya ang iniisip nito. Hindi siya nito maintindihan dahil hindi nito alam kung ano sa kanya si Alisha. “Pakiusap, Malik, mag-isip ka muna. Paano kung isa itong patibong? Paano kung kasabwat ang Alisha’ng iyon. Nakita mo, marunong siyang humawak ng armas ng mga baligno maaaring isa siyang kasabwat at pinadala dito para pabagsakin ka.”

     Tinignan niya ng deretso sa mga mata ang babae.
“Ililigtas ko si Alisha,” sabi niya. Nakita nito ang ang kaseryosohan sa mga mata niya.

     “Anong nangyayari, Malik? Bakit ganito? Kapag may nangyari sayo paano ang Sariya? Ang pangako mo kay Lira.”

     Natigilan siya. Ito na ba ang kinakatakutan niya? Ang mahati ang atensyon niya kay Alisha at sa mga dapat niyang gawin?

     Tumiim ang bagang niya. Oo. Ito ang iniiwasan niya.

     “Malik, kailangan ka ng Sariya. Huwag mo sanang ilagay sa peligro ang buhay mo para sa kung sinong babae lang.”

    Marahas siyang tumingin kay Adra. Napaatras ito. Bumakas ang pagtataka sa naging reaksyon niya. Tinitigan siya ng matiim. Hanggang sa unti-unting nawala ang pagkakunot ng noo nito. Nanlaki ang mga mata sa reyalisasyon.

     “Hi-hindi, ang babaeng iyon, siya… siya ang… ang tam-,” hindi nito naituloy ang sinasabi ng pumasok si kira. Tulad ng kambal nito bakas din ang ang pag-aalala sa mukha ng babae. Sa likod nito ay si David na namumutla pa bagamat bakas ang tigas sa mukha. Alam niyang handa ito sa ano mang magiging desisyon niya.

     “Malik,” tawag ni Kira sa kanya. Si Adra ay nawalan na ng imik sa tabi niya. “Sigurado ka ba sa gagawin mo? Susugod ka sa kuta ng mga kalaban ng sugatan?”

     Tumango siya. Nakapagdesisyon na siya. Ililigtas niya si Alisha. Hindi tulad ng kambal nito, hindi bumakas ang pagtutol sa mukha nito bagkus ay tumango ito. “Sasama ako,” Umakto siyang tututol ng matigas itong umiling. “Sasama ako, ako ang manggagamot, sugatan ka, sugatan si David, hindi ako papayag na aalis ka at maiiwan ako. Bukod doon kaibigan ko si Alisha, gusto ko rin siyang mailigtas.”

     Tumango siya. Kilala niya ang babae hindi ito papapigil.

     Dumako ang tingin niya kay Adra. Bakas parin ang pagtutol sa mukha nito ngunit tumango na rin. “Kung hindi na kita talaga mapipigilan, sasama din ako.”

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 02 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

AlishaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon