Huwag kang magmadali ni Aimeline Joy B. Dalija

32 9 5
                                    

Kapag landi at kati ng katawan ang pinairal, siguradong tapos ang pag-aaral. Isang kasabihan na kailangan nating isaalang-alang upang hindi tayo madehado sa laban.

Isang mapagpalang araw sa ating lahat. 
Masasabi kong ibang-ibang na ang kasalukuyang panahon kumpara sa aking kinamulatan. Noon, ang mga babae ay sinasabi na parang Maria Clara, ngunit ngayon tila ba kabaligtaran na ang nangyayari.
Pagmulat ko ng aking mga mata ay hindi ako makapaniwala sa mga balitang pumapasok sa aking mga tainga. Laking gulat ko sa aking nalaman sapagkat usap-usapan sa aming lugar na halos lahat na raw ng aking mga naging kaklase sa elementarya ay mayroon ng mga anak. Sa aking mga nababalitaan, hindi ko mapigilang makaramdam ng pagkadismaya sapagkat parang kailan lang noong sabay-sabay pa kaming nangangarap. Kami ay nanumpa sa isa’t isa na kailangan muna naming makapagtapos sa pag-aaral bago pagtuunan ng pansin ang pag-aasawa o pagbuo ng sariling pamilya.
Hindi natin maitatanggi na unti-unti na talagang tumataas ang kaso ng teenage pregnancy sa ating bansa, at kasabay nito ay higit na pagbaba ng edad ng mga nagiging batang ina. Nangangahulugan lamang na mas mapusok na ang mga kabataan sa makabagong henerasyon. Masakit mang isipin ngunit kailangan natin itong tanggapin.

Kung mapapansin natin, ang mga magkasintahan ngayon ay halos lantaran ng naghahalikan sa mga matataong lugar. Kaya kung minsan napagpapasyahan na lamang nilang mamalagi sa kanilang mga tahanan nang sa ganoon ay magawa nila ang kanilang mga nais. Ngunit minsan ay nagiging abusado na sila. Sinusulit nila ang bawat pagkakataon hanggang sa umabot na ito sa pakikipagtatalik.
Iyan ang mali sa mga kagaya naming kabataan sapagkat para bang pakikipagtalik na ang nagsisilbing sukatan ng tunay na pagmamahal. Kailangan na nating imulat ang ating mga mata na hindi kailanman naging pamantayan sa pag-ibig ang pagbibigay ng ating mga katawan sa ating mga minamahal o kasintahan. Dahil kung mahal talaga tayo ng isang tao ay hindi niya hihingiin ang mga bagay na maaaring makasira sa ating buhay.  Bago tayo gumawa ng aksiyon ay kailangan muna nating isipin ang maaaring magiging kahihitnan nito. Huwag natin hayaang palitan ng panandaliang sarap ang ating mga bubuoing pangarap.

Akala rin ng ibang tao noon ay maaga akong mabubuntis sapagkat nagkalat ang mga tsismis sa aming bayan na, “Si Aimeline may kasintahan 'yan baka magaya lamang sa kaniyang ina na mabuntis sa edad na labingwalo.” Hindi ko masisi ang aking sarili kung bakit maagang nabuntis ang aking ina kaya akala rin ng ibang tao ay magagaya ako sa kaniya. Ngunit nagkakamali sila sapagkat ipinangako ko sa aking sarili na puputulin ko kung ano man ang kaniyang nagawang pagkamamali.
Hindi lamang iikot ang aking pagtatalumpati sa mga magkasintahan na dahilan ng maagang pagbubuntis sapagkat nais ko ring bigyan ng katarungan ang mga babaeng hindi ginusto ang pagbubuntis dahil sa panggagahasa ng mga kalalakihan. Gusto kong iparating sa kanila na tigilan na nila ang gawaing ito sapagkat maraming buhay at kinabukasan ang maaari nilang masira.

Bago ko tuluyang iwanan ang entablado ay nais ko munang mag-iwan ng kapupulotan ng aral sa aking mga tagapakinig. Alam kong kagaya ko rin kayo na marami ang mga pangarap na gustong abutin.kaya ang masasabi ko ay maaga pa.huwag dapat tayong magmadali at gusto ko lamang linawin na hindi lahat ng maagang nabuntisan ay sumuko na sa  bakbakan , marami akong kakilalang katulad nila na pinagsasabay ang pag aaral at pag aalaga ng kanilang mga anak.

Kung paano ko sinimulan ang aking talumpati ay ganoon ko rin ito tatapusin. Gusto kong idiin at paulit-ulit na sabihin na kapag landi at kati ng katawan ang pinairal, siguradong tapos ang pag-aaral.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 22, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Huwag kang magmadaliWhere stories live. Discover now