Ikalawang Kabanata

10 1 0
                                    

 ARAW ng paligsahan, kasisikat palang halos ng araw ay umiinit na agad ang ulo ni Jonathan. Paano ba naman ay maglalabinlimang minuto na siyang naghihintay sa labas ng bahay nina Ara, binalak niya pang bilangin ang hanay ng mga langgam sa poste dahil sa inip, tapos hindi pa rin tapos ang dalaga sa pag-aayos.

           "Akala mo naman lalabas para mamili ng kung anu-anong kapararakan," bulong niya. Pumangalumbaba siya at tinapik-tapik ng paa sa semento.

           Pagkabukas ng pinto ay tumayo na siya at humarap sa bahay. Nagpamewang siya at nagsabing, "Ang bilis, a."

           "Hehe! Sorry!" Itinaas niya ang kanang kamay kung saan dalawang daliri – hintuturo at gitnang daliri – lang ang nakataas.

           Umiling nalang si Jonathan. "Tara na nga."

           Habang tinatahak sila ang pababang daan, binato siya ni Ara ng sunod-sunod na tanong.

           "Tingin mo mananalo ka na ngayon?"

           "Nag-practice ako," sagot niya.

           "Wow. Medyo ang lapit ng sagot mo, friend." Umirap si Ara.

           Siniringan siya ni Jonathan at sumagot, "Ano ba'ng magagawa ko? Ako ba yung judge?"

           Tinaas ni Ara ang parehong kamay, "Easy, boy! Galit ka pa rin kasi ang tagal ko."

           Napabuntong-hininga lang si Jonathan.

           "Kamusta na pala si Allie?" tanong ni Ara na sumeryoso na ang tono ng pananalita.

           Ilang segundo bago sumagot ang binata. "Napapadalas ang pagsakit ng mga mata niya."

           "Bakit kaya? Pagkawala lang ng paningin ang sumpa sa kanya, hindi ba? Anim na taon na'ng lumipas pero ngayon-ngayon lang yata 'yan nagsimula?" usisa ni Ara. Tumango si Jonathan.

           "Kaya sobrang determinado ka ngayon kasi gusto mo na talagang kaharapin si Madam?" dagdag ni Ara. Tumango lang ulit ang binata. "Handa ka na ba?" tanong muli ng dalaga.

           Matagal bago makasagot si Jonathan. "Sana."

           Pinalo siya ni Ara. "Aray ko!"

           "Hindi pwedeng 'sana' lang! Dapat sure ka!"

           Hinimas-himas ni Jonathan ang brasong napalo. Sa isip niya ay wala siyang magagawa kung mas gumaling na ang mga makakalaban niya sa taon na iyon.

           "Kung makikita ka lang ng tatay niyo ngayon..." panimula ni Ara pero napatigil siya nang tumigil sa paglalakad si Jonathan.

           "Oops," naibulong ni Ara sa sarili sabay takip sa bibig. Nakapaglakad siya sa lupang may bomba sa ilalim.

           Kumamot sa ulo si Jonathan bago magpatuloy sa paglalakad. Sinundan lang siya ni Ara.

           "Sorry, Tan," bulong ni Ara. Tumigil ulit si Jonathan at hinarap si Ara. Tumingin siya ng masama sa dalaga.

           "Hala! Sorry na nga, e!" Pumikit si Ara, naghihintay ng kung anumang pisil sa bilbil o sa ilong o mahinang hampas sa ulo pero walang dumating kaya dumilat muli siya at nakitang umiling lang si Jonathan.

           "Nakakailan ka na," nasabi ng binata.

           "Ha?"

           Namula ang mukha pati ang tenga ng binata. "Yung nickname!" pilit niyang sinabi.

Mahika ng PagtitiwalaWhere stories live. Discover now