Saka bumaba ang kanyang kamay para abutin ang kamay ko at hawakan ito ng mahigpit.

"Magtiwala ka sa akin. Magtiwala ka lalong-lalo na sa plano Niya."

Hindi ko alam pero dahil siya na ang nagsabi, tingin ko ay wala nga akong dapat ikatakot. Naisip ko na siguro nga kung siya ang tutulong sa akin, magiging okay din ang lahat. Naisip ko na baka sa pagkakataong ito, si Louie na nga ang sagot na matagal ko nang hinihintay mula sa Diyos.

Napangiti na ako tumango. Kinailangan ko rin ng sandaling katahimikan upang makapag-isip. Ano nga ba talaga ang pinaka-hiling ko bago ako namatay?

Walang anu-ano'y...

'Ate, kapag tapos ng operasyon ko, siguraduhin mong matutuloy na ang plano ah.'

Dumagundong sa isipan ko ang mga salitang iyon na sinabi ko kay Ate Giselle bago ang huling operasyon ko.

'Hayaan mo, Adele. Si Ate mo na ang bahalang mag-plano ng lahat!' 'Yun naman ang ipinangako niya sa akin.

Isang pangakong akala ko ay nakalimutan ko na, pero ngayon ay muling sumasariwa sa aking alaala.

"Louie..." napatingin ako sa kanya, "Naalala ko na yata." At kahit medyo nag-aalangan pa rin, lakas-loob kong ipinagtapat sa kanya. "Dream date."

"Dream date?"

"Hindi ba nasabi ko sa 'yo noon na dahil palaging nasa bahay at ospital lang naman ako, hindi ako nagkaroon ng oras para makipag-kaibigan at lalong hindi ako nakaranas na makipag-date. Noong bago ako sumailalim sa huling operasyon ko, nangako ako sa sarili ko na dapat matupad ang dream date ko."

Sandaling natigilan si Louie. Nag-isip. Natahimik.

"Tingin mo matutulungan mo akong isagawa 'yun?" tanong ko sa kanya.

"Oo naman. Iisip tayo ng paraan." sagot niya sa akin. "Sino nga ba ang crush mo noong buhay ka pa? 'Yung taong gusto mong maka-dream date?"

Napaisip ako. Sino nga ba? "Si ano... si Lee Min Ho. 'Yung sa Boys Over Flowers."

"Ano ba naman, Adele!"

"Local ba dapat? E 'di si John Lloyd or Paulo Avelino na lang."

"Maghanda ka nang maging kaluluwang-ligaw!" napipikon nang bulalas nito.

"Tinatanong mo ako. Sinasagot lang kita!"

"Dapat 'yung realistic naman kasi. Wala ka bang naging crush na ordinaryong tao naman?"

Bigla akong napatitig sa kanya pero hindi ko rin kinaya dahil bigla na namang kumabog ang dibdib ko. Wala sa isip ko na napatanong na lang ako, "Crush? Buhay o patay?"

"Ha?"

"I mean-ano pala... si Xian na lang siguro."

Biglang napakunot ang noo niya, "Bakit naman si Kuya?"

"Well, siya lang naman talaga ang crush kong buhay."

Hindi ko maipinta ang itsura ni Louie. Naningkit pa ang mga mata niyang nakatingin sa akin habang nakapamewang pa. Pero wala rin siyang nagawa, "Psh! Fine. Mabuti pa puntahan na natin si Kuya. May 24 hours lang ako para gawin ito."

"24 hours? Bakit mabilisan naman?"

"Ay... hindi ko pala nasabi sa 'yo. Noong pumayag si Lord na bumalik ako rito, 'yun lang ang palugit na ibinigay Niya sa akin."

"What? May limited time challenge pa? Lord, bakit naman po?"

"Kasi alam Niyang kaya nating gawin 'to within 24 hours! Kaya tara na! Bumalik na tayo sa bahay namin para walang masayang na oras!"

"Teka, teka! Actually, nandito si Xian sa sementeryo ngayon. Mag-isa niyang binabalik ang bangkay ko doon sa puntod ko. Feeling ko, nandoon pa siya"

* * *

Agad na naming tinungo ang puntod ko. Ngunit pagdating namin doon, natagpuan namin siyang hindi na lamang nag-iisa. May umaaway kay Xian na isang babae.

"Sino 'yung kaaway ni Kuya Xian?"

Napatulala naman ako at hindi makapaniwala, "Ang Ate Giselle ko."

"Anong ginagawa niya rito?"

Obviously, "Dinadalaw ako..." pero sakto naman ang pagdating ng mga pulis at dinampot ng mga ito si Xian, "At pinapahuli si Xian."

Naabutan pala ni Ate Giselle ang aktong pagbabalik na ni Xian ng bangkay ko sa aking puntod. Dahil doon kaya nagwala ito at agad na nagtawag ng pulis.

Nagkatinginan na nga lang kami ni Louie at sabay na napasabing, "Patay!" Panibagong gulo na naman ito.




Match Made After Life ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon