Pacto con el Diablo

4 4 1
                                    

Isang gabing madilim sa likod ng bahay nila Mang Ambo ay naroon s’ya nakaluhod sa ilalim ng puno ng balete.

“Basta’t tuparin mo ang gusto ko ay ibibigay ko rin ang gusto mo.” Aniya at inilapat nito ang nguso sa lupa kung nasaan ang paa ng demonyo na s’ya lamang ang nakakakita. Isang halik sa paa bilang tanda ng kanilang kasunduan.

                           † • † • † • † • † •

Kinabukasan ay nanalo ang mga numero ni Mang Ambo sa Lotto na kanyang inaasahan.

“Mikko, anak! Magbihis ka at aalis tayo.”

Sumunod ang bente anyos na binata kay Mang Ambo at inilabas niya ito sa mamahaling restawran dahil mamayang gabi ayon sa kasunduan ay papanaw na ang binata. Susunduin si Mikko ng demonyo mamayang gabi sa pagtulog.

                           † • † • † • † • † •

Hindi sumama si Mang Ambo dahil masyado raw s’yang nalulungkot sa sinapit ng binata na isa lamang palusot sa kanyang asawa at ang katotohanan ay abala s’ya sa pagwawaldas ng kanyang napanalunang pera.

Balewala ang buhay ni Mikko para kay Mang Ambo dahil para sa kanya ay anak lang naman ito ng misis niyang si Salve sa unang asawa. Ilang buwang pinagluksaan ni Salve at ng isa pa n’yang anak sa unang asawa na si Camille ang pagkamatay ni Mikko dahil sa bangungot.

Noong magsama sina Mang Ambo at Salve ay malalaki na ang mga anak ng babae. Katakot-takot ang pangungutya ang inabot ni Mang Ambo sa mga walang respetong anak nito dahil sa may kaya ang unang asawa ni Salve habang s’ya naman ay kaunti lang ang kinikita.

Ang kaniyang pagtaya sa lotto ay kanyang naging pag-asang makabangon ngunit kahit anong dasal ang gawin niya sa itaas ay hindi s’ya manalo-nalo kung kaya’t sinubukan niyang magdasal sa kadiliman at ’di niya inaasahang may sasagot sa kanya.

Nagbuhay hari nang walang pagsisisi si Mang Ambo, nabibili lahat ng alak na gusto, nakakakain ng masasarap na pagkain at nakakapag bihis ng mamahaling kasuotan.

Ang pera ay kan’yang ginamit sa maling paraan na ikinalulong niya sa pagsusugal at kung anu-ano pang bisyo.

                          † • † • † • † • † •

Isang gabi, habang abala sa pagsusugal si Mang Ambo sa labas at naiwan si Salve at ang kaniyang anak sa bahay na malungkot na nagmumuni-muni sa pagkawala ni Mikko.

“Nay, may sasabihin ako sa’yo na baka hindi mo paniwalaan,” sabi ni Camille.

Tumingin si Salve sa anak at nagsalita ulit si Camille.
“Noong gabing bago mabangungot si Kuya ay may malaking ahas na nakapulupot sa katawan niya pero biglang nawala nung kumurap ako. Alam kong hindi ako nananaginip.”

Tahimik lang ang nanay niya at niyakap lang si Camille dahil alam niyang nalulungkot lang ang kaniyang anak.

                         † • † • † • † • † •

Pagkalipas ng ilang buwan ay tila hindi kuntento ang lalaki, mayroong mas malaking premyo na dadating sa susunod na linggo. Nais ni Mang Ambo na mapasakamay ang malaking salapi at muli niyang hinamon ang demonyo na pagbigyan ang kanyang hiling.

“Camille, magbihis ka at aalis tayo!” Masayang sabi ng lalaki sa disiotso anyos na dalaga at dinala ito sa mamahaling restawran kung saan n’ya huling dinala si Mikko.

Kumain at magkwentuhan ang dalawa tungkol sa mga pangarap ni Camille.

Bakas sa mukha ni Camille ang kasiyahan dahil sa maliban sa pag-angat sa buhay ay ramdam nya ang unti-unting paglalapit nilang mag-ama kahit hindi sila magkadugo.  Ngunit sa utak ni Mang Ambo ay tandang-tanda pa niya ang mga maaanghang na salita ng dalaga sa kaniya na tila nakalimutan nang magpatawad.

Pacto con el Diablo | One Shot StoryWhere stories live. Discover now