Chapter 4 - Friends

Start from the beginning
                                    

Mukhang napansin din niya ang presensya ko sa loob ng karinderya, kaagad niya akong kinawayan.

"Tara, dito ka na!" aniya.

Kaagad akong naupo sa tabi ni Kylie. Nag-aalangan akong makipag-usap sa kanya dahil hindi pa naman niya ako gano'n kakilala.

"Dito ka rin pala kumakain?" tanong sa akin ni Kylie. Nakasuot siya ng kulay pink na spaghetti strap sando at puting shorts. Mas lumitaw tuloy ang kaputian ng mga legs niya. May ilang customer ng karinderya ang naaagaw ang pansin sa presensya niya.

"Oo. Hindi pa kasi ako nakakabili ng kalan. Baka sa unang sahod ko pa." Malapad na ngiti ang iginanti niya sa sinabi ko.

"Hay naku! Mabuti ka pa at sanay kang magluto. Ako may gas range sa unit ko pero wala talaga akong alam sa pagluluto. Iyong boyfriend ko lang ang madalas magluto pag binibisita ako." Natatawa niyang sabi.

Bigla akong nakaramdam ng pagkailang sa harapan niya nang mabanggit niya 'yong tungkol kay Kieran. Hindi naman niya siguro mahahalata na may crush ako sa boyfriend niya.

Nilapag na ng waitress 'yong mga inorder ko sa aking tapat. Nagsimula na akong kumain. Medyo nag-aalangan pa ako kung ike-kwento ko ba sa kanya na sa unit niya natulog si Kieran kagabi.

"Kuha ka ng pandesal, binili ko 'yan doon sa kabilang kanto," pag-aalok pa ni Kylie sa akin. Kumuha naman ako roon sa brown paper bag na nasa tabi niya. Sumimsim muna siya ng kape mula sa tangan niyang tasa bago nagpatuloy.

"Kung gusto mo, magluto ka muna sa bahay habang hindi ka pa nakakabili ng kalan. Baka mas makatipid ka kasi kung magluluto na lang tayo. Iyong matitira ay ilagay na lang natin sa loob ng ref ko. Pagkatapos sa gabi kapag nagutom ka katukin mo lang ako sa unit ko."

Napaawang ang labi ko sa sinabi na iyon ni Kylie. Mas makakatipid nga ako sa suhestiyon niya pero hindi ko pa rin mapigilan na makaramdam ng hiya. Kakakilala pa lang kasi namin.

Napatikhim ako. "Okay lang, sa darating na sahod naman makakabili na ako ng mga gamit para sa unit ko," kimi kong sabi. She smirked.

"Ay sus! Ito naman. Huwag ka ng mahiya. Kapag nakabili ka na lang, pero sa ngayon doon ka muna sa bahay magluto. Para makatikim na rin ako ng luto mo. Wala talaga akong talent pagdating sa pagluluto." Mas lalong naningkit ang mga mata niya habang sinasabi iyon.

Mukhang palakaibigan talaga siguro itong si Kylie kaya niya ako inalok ng gano'n. Sa kalagitnaan ng aming pagkain ay ibinalita ko sa kanya na nakita ko si Kieran na roon natulog sa unit niya.

"May LQ kasi kami!" Walang preno niyang utas.

"Gano'n kasi ang ugali no'n kapag may tampo sa akin. Hindi ako nire-reply-an sa text at hindi sumasagot ng tawag."

Hindi na lang ako nag-follow up question pa. Baka kasi mamaya ay masabihan pa niya ako na echusera sa buhay nila ni Kieran.

***

Biyernes na ngayon, may gig ulit mamayang gabi sina Kieran. Hindi ko alam kung nagkabati na sila ni Kylie. Napapaisip tuloy ako kung naaapektuhan kaya ang performance nila on-stage sa tuwing may LQ silang dalawa.

Naalimpungatan ako ng gising nang may marinig akong ilang katok sa aking pinto. Wala namang pasabi si Hannah na bibisitahin niya ako kaya nagtataka ako kung sino 'yong bisita ko.

Pagkabukas ko ng pinto ay natanaw ko si Kylie na matamis ang ngiti. Nakasuot siya ng puting sleeveless blouse at itim na pantalon.

"Hi,Scarlet! Namalengke nga pala ako kanina. Aayain sana kitang magluto sa bahay," magiliw na alok ni Kylie. Kahit na nakakaramdam ako ng hiya dahil sa ekpresyon niya ay nahirapan tuloy akong tumanggi sa kanya.

"Okay, sige. Maliligo lang ako saglit," pagpayag ko.

Pagkatapos kong magbihis ay dumiretso na ako sa unit ni Kylie. Nagsuot lang ako ng daster. Medyo mainit na kasi ang panahon dahil summer na rin. Napahanga ako sa fully furnished na unit niya. Mukhang mamahalin 'yong tiles ng sahig. Halos kumpleto rin siya sa mga appliances at airconditioned din ito.

"Bumili ako ng manok kanina sa palengke. Adobo na lang siguro ang lutuin natin para mabilis. Medyo nagugutom na rin ako." Napahawak pa siya sa kanyang tiyan.

Nagpaalam muna siya na magpapalit ng damit sa kwarto niya. Pagkatapos kong hiwain lahat ng ingredients ay naghanap ako ng itlog sa loob ng ref. Inilaga ko muna 'yong apat na itlog sa kaserola.

Pagbalik ni Kylie ay may tangan siyang ilang piraso ng damit. Spaghetti strap 'yong style no'ng isang sando at 'yong tatlo naman ay pawang mga sleeveless blouse.

"Napadami kasi 'yong bili ko sa mall noong isang araw. Sa'yo na lang 'to,Scarlet!" I got tongue tied from what I heard. Masyado na kasi akong nao-overwhelm sa kabaitan niya sa akin.

"Nakakahiya naman, Kylie," tanging nasabi ko sa kanya.

"Sus! Okay lang 'yon. Basta sarapan mo 'yong luto mo d'yan ah!" sambit niya.

Pinanood ni Kylie 'yong paraan ng pagluluto ko ng adobo. Mukhang nagustuhan naman niya iyong kinalabasan ng niluto ko.

"Hay, ito talaga 'yong mga gusto ko, 'yong mga lutong bahay!" nasisiyahan pa niyang sabi.

"Nami-miss ko na kasi 'yong luto ni Mama sa probinsya. Minsan pinagluluto rin naman ako ni Kieran," dugtong pa ni Kylie.

Kumuha na siya ng isang mangkok na kanin, dalawang plato, mga kutsara at tinidor. Tinulungan ko na rin siya na maghain.

"Ikaw, Scarlet saan ang probinsya mo?" kurysoso niyang tanong habang sumusbo ng kanin.

"Bulacan lang ako."

"Ah, buti at malapit lang mabibisita mo 'yong pamilya mo kapag off mo. Iyong family ko kasi nasa Cebu."

Ngayon ko naisip na naho-homesick siguro itong si Kylie kaya ganito na lang ang pagtrato niya sa akin. Siguro gusto niya lang talaga ng may makaka-bonding dito sa unit niya.

Marami kaming napag-usapan tungkol sa mga pamilya namin habang magkasabay na kumakain. Nalaman ko na anim pala silang magkakapatid at pangalawa siyang anak. Nakipagsapalaran siya rito sa Maynila dahil hindi na siya kayang pag-aralin ng mga magulang niya sa kolehiyo.

"Kaya mataas ang pangarap ko. Kaya ikaw, Scarlet huwag kang magbo-boyfriend ng mahirap." Napaawang ang bibig ko dahil sa narinig.

"Hindi ka mabubusog ng pagmamahal na 'yan. Since, pareho tayong breadwinner dapat matuto na tayo. I-prioritize natin na maabot 'yong mga pangarap natin bago ang ibang bagay." Natigalgal ako dahil sa sinabi niya. Bigla ko kasing naisip si Kieran.

"Kylie, di ba boyfriend mo si Kieran?" Napatigil siya saglit.

"Oo, mag two years na kami actually. Pero alam niya kung ano ang priority ko. Mahirap lang kami pareho. Kailangan naming magsumikap sa buhay. Kung dito lang namin iaasa sa pagbabanda ang ikabubuhay namin,hay naku wala kaming mararating!" seryoso niya pang saad.

"Pangarap ko talagang makapasok sa music industry. May na-meet akong tao na may kaibigang may-ari ng isang recording company. Ginagawan niya ng paraan para makapag-audition ako. Sana naman ay palarin na ako rito, Scarlet! Ang tagal ko ng hinihintay ang break na ito!"

Meant To BeWhere stories live. Discover now