REGINA: Nakaraan na iyon, Tony.

TONY: Hindi pa ba kayo nadadala? Hanggang ngayon ba’y naniniwala pa kayo?

REGINA: Ano ang silbi ng aking itinuturo kung hindi ako maniniwala? Kaya kong magretiro anumang araw ngayon pero nagtuturo pa rin ako – siguro’y sa nais kong makatulong sa paglikha ng mabubuting mamamayan. Ituturo mo sa kanila ang katarungan ngunit ikaw na mismo ang hindi naniniwala rito. Bubuo ka ng mahuhusay na mamamayan nguni’t ikaw mismo ay hindi modelong mamamayan. Naniniwala ako, Tony. At maghihintay ako.

TONY: Mahuhulog kayo sa pampang! (Mula sa itaas, bababa si Ana. Nasa mukha niya ang kawalang malamang gawin).

ANA: (sa hagdan pa lamang): Ninenerbiyos na naman si Aida, Regina. Nanlalamig mula pa kanina. Parang takot na takot. Nakabili na ba ng gamot?

REGINA: (maaalala): Ang gamot nga pala. Sino ang bibili?

ANA: Akala ko ba’y si Tony?

(Iiling-iling na papanhik si Tony).

REGINA: Hindi ba puwedeng ipagpabukas na ang pagbili? Ano’ng oras na ba?

ANA: Mag-aalas-onse na siguro. Mayroon namang botika riyang hindi nagsasara. Kailangan ni Aida, Regina. Hindi siya mapapahinga kapag hindi nakainom. Maaring makasama pa sa kanya. Sa linggo kamo’y pupunta rito ang doktor.

REGINA: Gabi na, Ana.

ANA: (nagpapaubaya): Nasa iyo iyan, Regina. Pero si Aida- (Mananaog si Tony). Eto na si Tony.

TONY: (patungo sa pinto) Lalakad na ako.

ANA: Alam mo ang pupuntahan mong botika?

REGINA: Magtaksi ka na.

ANA: Umuwi ka kaagad. Kailangan ni Aida iyan.

REGINA: (pagkalabas ni Tony, parang gaping-gapi) Kinakabahan ako, Ana.

ANA: Sa pagkakapunta rito ni “Mayor”? intindihin mo iyon?

REGINA: Kay Tony, Ana. Ibang-iba na siya ngayon. Ang mga pinagsasabi niya! (Mapapakumpas lamang si Ana. Mananaog si Ben).

BEN: Umalis na ang kuya?

REGINA: Oo. Bakit?

BEN: (parang takot) May dala siyang baril.

REGINA: Baril?

BEN: Huwag ko raw sasabihin sa inyo. Sa malaking kahon sa ilalim ng kama niya kinuha.

REGINA: (hindi makapaniwala) Saan kukuha ng baril iyon?

BEN: Baril, Inay? Kitang-kita ko.

REGINA: (sasapuhin ang mukha) Diyos ko, ano kaya ang kanyang gagawin?

(Tatayo nguni’t tutop ang ulong mapapaupo). Sundan mo kaya,Ben. Sundan mo kaya, Ana. (Lalabas si Ben).

ANA: Siguro naglalalabas ng gabi iyan.

REGINA: Anong ginagawa?

BEN: Hinahanap ang anak ng”mayor”. Hindi ko na siya nakikitang nag-aaral kung gabi. Baka hindi na siya maging “scholar” sa susunod na semestre.

REGINA: (galit) Nalalaman mo pala’y hindi mo sinasabi?

BEN: Kung isasama ako ng kuya’y sasama ako.

ReGINA: Ang aking mga anak! Ang aking mga anak! (Sandaling mananatili si Ben sa harap ng Ina, naaawang nakatingin dito, tila nagsisisi sa sinabi. Pagkaraa’y malungkot siyang papanhik. Papatayin ni Ana ang ilaw sa komedor).

ANA: (papalapit kay Regina) Hindi mo sila masisisi, Regina, lalo pa nga’t pagkaraang marinig ang pinagsanib ng alkalde at ng konsehal. Ang hustisya’y hustisya lamang, kung madali itong naibibigay at naibibigay nang pantay-pantay. Papanhik na ako. (Sa hagdan) Pumanhik ka na rin. Iwan mo nang bukas iyang ilaw. (Aakyat ng ilang baitang) Halina, Regina. Matulog ka na, ikaw nga ang pagod. (Tutuloy nang umakyat si Ana. Sa itaas, maririnig ang bilin niya, “Ben, abangan mong pagdating ng kuya mo”).

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 01, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

MOSES , MOSES Where stories live. Discover now