I

11 0 0
                                    

Panahon:

♦ Kasalukuyan

Tagpo:
"Apartment" sa lungsod sa Rizal, sa isang komunidad na masasabing "middle class". Maraming bagong bahay dito, nakatayo sa mga loteng nabili sa murang presyo noong unang bahagi ng 1950 at ngayo'y nagkakahalaga na nang malaki sa pamilihan ng lupa. Tahimik dito, malayo sa daanan na pampasaherong sasakyan, mapuno at mahalamang hindi katulad ng ibang subdibisyon. Aspaltado ang malilinis na kalsada at may ilaw na mercury ang mga poste. Karaniwan nang ang naninirahan dito ay mga empleado ng gobyerno.

Sa sala at sa komedor ng apartment na ari ni Mrs. Calderon mangyayari ang dula. Isa sa apat na pinto, malaki-laki rin ang apartment na ito, putiang pinta, yari sa mahuhusay na materyales, at sa unang malas pa lamang ay mahihinuha nang inilalaan sa mga makapagbabayad ng mataas. May pinto sa may sala, kanan, kaharap ng gate, at sa kaliwa, sa may kusina. Luma na ngunit maayos pa ang mga kasangkapan parang inilipat mula sa isang lumang bahay. Sa sala ay may isang set ng upuan na nakatuntong sa isang alpombrang bumabagay sa pulang sahig; sa likod nito, kabinet ng mga libro na kinapapatungan ng isang flower vase, isang nakakwadrong retrato ng isang nakangiting dalaga na napaliligiran ng maliit at animo'y naglalarong mga piguring duwende at isang lampshade. May telebisyon sa sulok, malapit sa nakukurtinahang bintanang salamin.

Sa dingding na binarnidang plywood, nakasabit ang isang pares ng nairolyong pinturang Hapones: mga lumilipad na tagak sa ibabaw ng maiitim at payat na tangkay at mga dahon ng kawayan. Sa gitna, likuran, may hagdanang paakyat sa mga silid-tulugan, puti ang mga barandilya nito at sa itaas palapag, sa ding-ding, ay nakasabit ang isang pandekorasyong seramiko na kinatitikan, na mga letrang Gotiko, ng mga salitang GOD BLESS OUR HOME.

Sa silid-tulugan, kaliwa ay may isang mesang paayon ang ayos at napapaligiran ng anim na silyang may matataas na sandalan. May kabinet sa likod ng mesa-lalagyan ng mga plato, kubyertos, mga itinatanging kasangkapan na ang paggamit ay karaniwan nang inilalaan ng mga may-bahay sa mga espesyal na okasyon... Nandito rin ang ilang de-latang pagkain at mga boteng gamot. Nakapatong sa kabinet ang isang bentilador. Di kalayuan sa mesa, malapit sa lababo, ay may isang repriheradora. Sa kabuuan, maayos at masinop ang apartment.

May mga alas-otso na ng gabi. Bukas ang ilaw sa sala. Nakaupo si Ben sa sopa, taas ang pinagsaklit na paa at tila yogang nagbabasa ng isang magasin. Nakakorto siya at iskiper na puti. Mahahaba ang kanyang biyas at sa katabaa'y may pagkabalingkinitan pa. Mahaba ang kanyang buhok, tulad ng uso sa mga tin-edyer ngayon, at may kakisigan siya.

Bukas din ang daylight sa silid-tulugan. Nakaupo si Regina sa kabisera ng mesa at umiinom ng kape. Sa kabilang dulo, nagpupunas ng kutsara ang kapatid niyang si Ana. Magkahawig sila, bagama't maraming salit na puting buhok si Regina. Nakaputi siyang damit-pambahay, tila isang roba na itinali sa harap, hanggang siko ang maluwang na manggas at hanggang sakong ang laylayan. Nakapusod siya, laylay ang ilalim ng mga mata, larawan ng isang babaing pinatigas ng mga hirap na pinagdaanan. Nakabulaklaking pambahay si Ana, may pagkamasayahin ang mukha, nguni't ngayo'y tila nag-aalala.

ANA : (habang nagpupunas) Kumusta ang hiningi mong bakasyon, Regina?

REGINA: (ibig magmalaki, nguni't walang sigla) Binigyan ako, puwede ba nila akong hindi bigyan.

ANA : Dapat naman. Sa buong pagtuturo mo'y ngayon ka pa lang magbabakasyon, ano?

REGINA: Ikalawa na ito. Noong mamatay ang ama nina Aida, saka ngayon. Pupuwede akong hindi pumasok kahit ilang buwan pa suguro, kahit isang taon. Marami akong naiipong bakasyon.

ANA : Biro mo namang mahigit na dalawampung taon ka na yatang nagtuturo. Noong dalaga ka pa, hindi ba? Pwede ka nang magretiro.

REGINA: (sasandal) Sayang naman kung hindi ko matatapos ang aking serbisyo. Pero hindi ako papasok hangga't hindi gumagaling si Aida.

ANA : Kung sabagay, kaya ko naman siyang alagaan. (Aayusin ang salansan ng kutsara). Ano nga pala ang sabi-sabihan sa eskwela? Siguro'y alam nila ang nangyayari?

REGINA: (pauyam) Alam. Pero ano ba ang maaasahan mo sa mga walang prinsipyong tao?

ANA : Sinabi mong tuloy rin ang demanda?

REGINA: (tatayo, lalakad sa repriheradora upang kumuha ng inumin) Oo. Bakit hindi ko itutuloy? Kahit ano pa nga ang kanilang sabihin. Dapat nga raw magdemanda, sobra naman daw talaga ang ginawa kay Aida, pero...

ANA : Nakapag-aral si Aida doon. Kilala siguro nila.

REGINA: (habang pabalik sa kabisera, dala ang baso ng inumin) ang dipirensiya nga lang daw, "mayor" itong kalaban ko. Ano sa akin kung "mayor"? ngayon ba't "mayor" siya'y libre na ang kanyang anak? Wala raw mangyayari. Iba raw ang malakas ang nasa poder. Baka raw lalo pa tayong perwisyuhin. kababata pa'y wala nang prinsipyo! Mga bagong tapos pa ng kolehiyo, mabuti pa iyong " assistant principal" namin, matapang. Ang sabi'y "Ituloy mo, Mrs. Calderon, 'you should really teach those people a lesson."

ANA : (galit) Ituloy mo nga. Regina, nang madala. Sobra nang talaga ang anak ng "mayor" na iyan! Ang kailangan talaga riyan ay bitay. (Tatayo, ililigpit sa isang lalagyan ang mga kutsara, pahablot na dadampot ng isang basahan.) Tutal, bitay din siguro ang ibibigay sa lalaking iyan. (Tatayo si Regina, tila nag-iisip na maglalakad-lakad sa sala. Mapapansin niya si Ben na ngayo'y nakadapa at nagkukuyakoy ang paa sa hanging nagbabasa).

REGINA: Napakain mo na'ng aso, Ben?

BEN : (pagak ang boses, di iaalis ang tingin sa binabasa) Opo.

REGINA: (susulyap sa itaas ng hagdan, pagkuwa'y babalik sa komedor.) Bakit ba naghahanap ng kordon si Tony, ha, Ana?

ANA : (nagpupunas-punas sa may lababo): Maikli ang kordon ng ilaw niyang inililipat sa kuwarto namin.

REGINA: Pabibilhin ko na lang siya ng isa pa bukas. Kailangan niya iyon sa pag-aaral, malabo ang kanyang mata.

...

MOSES , MOSES Where stories live. Discover now