5: Heʼs Right

31 9 27
                                    

5

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

5.

"LOLA!" sigaw ko at mahigpit na hinawakan sa balikat ang matandang babae. Mabilis ko lang siyang nahabol dahil sa matanda na nga siya at mabagal na kumilos. Nakita ko sa gilid ng mga mata ko na palapit na rin sila Damiel.

"Siya na ba ang sinasabi mo?" Agad na tanong ni Damiel. Tumango lang ako at ibinalik ang tingin sa matandang babae.

"Ano ba talaga ang nangyayari at kanina pa kayo banggit nang banggit sa matandang iyan?" usosiyo ni Wax.

"Alam mo, pʼre? Pumunta ka na lang muna roon. Oh, ito ang pera, maglaro ka na lang ulit," iritang sabi ni Yno at binigyan ng pera si Wax. Nagtataka namang sumunod si Wax sa utos ni Yno habang pinagtutulakan pa siya palayo.

"Lola, ako po iyong binentahan mo ng gayuma. Gusto ko lang po sanang humingi ng tulong sa inyo," magalang kong pagkausap sa matanda.

"Anong tulong? Wala akong maitutulong sa iyo! Hindi kita kilala," pagsusungit nito sa akin at pilit na tinatanggal ang kamay kong mahigpit ang hawak sa kanyang balikat.

"Lola naman, kailangan po talaga namin ang tulong niʼyo." Si Damiel.

"Ano ba ang kailangan niʼyo? Hindi ba epektibo ang gayuma na nabili ninyo? Ito at bibigyan ko kayo ng bago!" muli nitong pagsusungit.

"Hindi po. Hindi po! Ang totoo ay gusto po naming humingi ng tulong sa iyo kung paano matanggal ang epekto ng gayuma," puno ng desperasiyong pakikiusap ko.

"Abaʼy wala na ako riyan! Problema nʼyo na iyan! Ang mahirap kasi sa inyo ay magde-desisyon kayo nang hindi muna iniisip kung ano ang puwedeng maging kahahantungan ng pagiging padalos-dalos nʼyo."

Iniyuko ko lang ang aking ulo dahil na rin sa kahihiyan dahil tama siya, hindi ko pinag-isipan muna bago ko gawin kaya ito tuloy, namumroblema ako ngayon.

"Kayo lang mismo ang makakahanap ng solusyon sa mga problema ninyo. Ang tadhana niʼyo na ang bahala."

"Pero hindi ba kayo naman ang nagbenta ng gayuma kaya dapat alam niʼyo rin po kung paano at ano ang puwedeng magpawala ng epekto niyon," muli akong nagsalita dahil gusto ko na talagang matapos na ito.

"Binenta lang din iyan sa akin tapos ay ibinenta ko rin sa iyo. Malay ko bang epektibo pala iyang gayuma," masungit niyang sagot saka ako inirapan at inalis ang kamay kong nakahawak sa balikat niya.

"Bakit ka naman po tumakbo nang makita niʼyo ako kanina?" muli kong tanong.

"Manghuhula ako, hija. Alam ko na nagkaroon ka ng problema sa gayumang iyon at dahil wala akong ideya na epektibo pala ang gayuma ay wala akong magagawa para matulungan ka." At doon ay tuluyan na siyang umalis.

"ANO at para kayong namatayan?" Natatawang si Wax habang nagpapalit palit ng tingin sa aming tatlo. Hindi namin siya pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad.

Napatingin ako sa gawi ni Yno at sa mukha niya, palihim akong tumawa dahil sa itsura niya. Walang bago sa mukha niya tulad pa rin ng dati na parang halos araw-araw pinagsakluban ng langit at lupa.

Napansin kong nakatingin na silang tatlo sa akin kaya natigil ako sa pagtawa. Nakaisip naman ako ng kalokohan kaya nagbalik ako ng tingin kay Yno at ngumiti ng nakakaloko. Tinaasan ako ni Yno ng kilay dahil hindi ko tinatanggal ako tingin ko sa kaniya.

"Yno, alam mo ba na ang pangit mo?" panloloko ko sa lalake.

Ngumiti naman pabalik si Yno at nagsalita, "Hindi, ang alam ko kasi ikaw iyon," pang-aasar niya pabalik.

At doon sa sinabi niya ay napikon ako at biglang nagsalubong ang mga kilay ko. "Edi wow! Hindi ka sana i-crushback ng crush mo," pikon kong sabi rito.

Mas lumawak naman ang ngiti niyang nakakaloko kaya mas lalo akong nainis. "Ayos lang dahil alam ko namang hindi mo ako ic-crushback," pagmamayabang niyang sabi at hinawi ang nalaglag niyang bangs.

Nabura ang pagkapikon sa mukha ko at natameme ako. Nag-iwas ako ng tingin at hindi na nagsalita dahil hindi ko na rin alam ang sasabihin ko. Rinig ko naman ang tawa ni Yno, tawang tawa siya

Napatingin ako sa gawi ni Damiel at Wax na ngayon ay masama ang tingin kay Yno––hindi si Wax lang pala ang masama ang tingin kay Yno.

Dahil si Damiel ay sa akin nakatingin ng masama. Nag-iwas ako ng tingin at binilisan ang paglalakad pero ramdam ko na hinabol ako ng lakad ni Damiel hanggang sa magkapantay na kami.

"Ano naʼng plano mo? Paano na ang mga kaibigan ko? Habang buhay na lang ba silang makukulong sa pagmamahal sa iyo?" bigla niyang sabi gamit ang malamig na tono. "Ayos lang sana kung hindi ko sila kaibigan, pero hindi. Ayaw kong mag-away at magkaproblema sila nang dahil lang sa iyo. Ayaw kong masira ang pagkakaibigan namin nang dahil lang sa iyo."

Hindi ako makatingin sa kaniya kaya sa paa ko lang ako nakatingin.

"Nakita mo naman kung ano ang epekto ng gayuma mo sa kanila, hindi ba? Halos araw-araw silang nagtatalo nang dahil lang sa iyo. Ayaw kong mas magkainitan sila at umabot sa puntong pati pagkakaibigan nila ay kalimutan nila."

Hindi ako makapagsalita kaya mas minabuti ko na lang na manahimik.

"Tatanungin kita." At doon ay nag-angat ako ng tingin sa kaniya kahit na nahihiya. Hindi ako nagsalita at hinantay lang sa sasabihin niya. "Kung nagtagumpay ka na magayuma ako? Magiging masaya ka ba na minahal ka na pabalik ng taong minamahal mo?" Seryoso ang tingin na tanong niya.

Gusto ko sanang sumagot at magdahilan pero hindi ko na lang ginawa.

"Magiging masaya ka ba kahit alam mo ang totoo na hindi ka niya tunay na mahal? Na minahal ka lang niya dahil ginayuma mo siya?" Natigilan ako sa tanong niyang iyon.

Tama siya. Magiging masaya nga ba talaga ako?

//

143「iLikeu」Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon