Kalamidad

19 0 0
                                        

A/N: 

Iba talaga kapag pinukaw ang isang tao gaya ko. Sana ay magustuhan niyo ang aking gawa. Isang maliit na kuwento base sa niwika ng isang ginoo sa kaniyang minamahal. 


----------------------------------------------------------------------------


Isang kang kidlat na may dalang kulog; sa dilim ng gabi ay ika'y agaw-pansin.

Makinang ang iyong kulay labag sa karimlan ng gabi. Walang babala, at biglaang lulupigin ang mundo.

Kalabog mo'y gumagalantang ng diwa, na tila'y 'di na nakakahinga ang tao sa lakas at lalim ng iyong tagok.

Kahit anong subok kong hulaan ang iyong susunod na yanig, lubos ang aking gulat. 'Di kita mahulaan. 'Di kita makuha. Tunay akong naiiwang nakatulala sa tuwing ika'y kumikislap.

Minsa'y may baong ulan; maging malakas at walang tigil na pagbuhos ng tubig galing sa langit, o kaya ito'y pagpatak na mahina. May ilang beses na hangin tila'y makapangyarihan ang kasama sa iyong pagsapit sa mundo.

Walang makakapigil sa'yo.

Walang nagpapatigil sa'yo.

Kinakatakutan ka ng mga tao. Sila'y nagsisipag-takbuhan sa kaligtasan ng kanilang mga tahanan. Panay takip sa kanilang mga tenga't nagsi-tago sa ilalim ng mga mesa. Mga bata'y pinagbabalaan na 'wag lumayo sa kanilang mga bahay, o sila ay magdusa sa mga kahihinatnan ng iyong pagdating.

Kinaiinisan ka ng mga tao. Kaya nila ang ulan, ngunit marinig lang nila ang iyong kulog ay lubos ang kanilang pag si-simangot at tuluyan kang sinusumpa. Winawasak mo ang kanilang mga plano, pamumuhay, masilayan lang ang iyong diklap.

At may mga taong tanggap ang iyong katauhan; andiyan ka at kaya nilang tiisin ang iyong mga balaksila. Iba naman ay tinatanaw ka lamang sa malayo, nagtataka kung kailan ang iyong paglisan.

Sa nabibilang daliri ay may mga taong tila'y pinag-aaralan ka. Inaalam kung ano ang iyong mga ginagawa; nais kang intindihin.

At, sa kabila ng iyong malupit na pagkadalo, ay ako'y napahanga.

Wala kang pakialam kung ang iyong tinig ay nakakasakit o walang sibil sa mundong 'di ka tanggap at tinatanggap; kasama sa iyong mga salita ay aksyon na 'di maunawaan ng mga tao kung kaya't lalo kang iniiwasan.

Sapagkat sa iyong tinig ay may halong katotohanan. At sa tuwing kumikilos ka ay unti-unting gumuguho ang pundasyon ng sirang pag-iisip ng mga tao, na parang sinampal ka sa mukha na wala kang malay.

Walang magawa kundi matulala.

Walang magawa kundi mapahanga.

Ang iyong mga kidlat ay nagdudulot ng liwanag sa walang saysay na aking pinanggagalingan. Minumulat mo ang aking mga mata sa paligid ko tila'y may bahid ng kasamaan. Na kahit lubog ito sa damdamin, sa isang madaling sandali ay nagiging klarado ang mundo.

Sa tuwing ika'y dumadating ay walang magawa kundi mapaluhod sa iyong puwersa. At kahit alam kong nakakatakot lumapit sa iyong pagkatao ay handa akong manganib.

Baka nga isipin ng mga tao na ako ay tunay na nasiraan na ng ulo; humahabol sa isang kalamidad.

Ngunit, 'di nila maiintindihan ang 'di karaniwang kariktan ng isang bagyo. At 'di nila mauunawaan ang dahan-dahang pagsikat ng araw sa makulimlim na lugar. Ang maranasan ang pagbubukod ng mga ulap, at ang pagsilip ng bahaghari matapos ang isang unos.

Kung gaano ka kabangis ay kasing lambot ng iyong puso at kadalisayan ng iyong pagkatao ang siyang katangian nakikita sa'yo. Na kung malalagpasan lang nila ang sigwada ay makakakita sila ng kakaibang tanawin.

Sa ilalim ng ulan ramdam ko'y muling isinilang ang aking kaluluwa. Ang aking pagkatao. Bagaman ako'y tinangay ng hangin ay alam kong 'di ako malalayo sa iyong mga karunungan.

Sa'yo, ako'y nabighani.

Sa'yo, ako'y napa-ibig.

Isang guwang tao na nadalala lamang sa mga bagay-bagay na, kung tutuusin, ay walang layunin para sa'king pagkatao.

Ako'y hibang sa'yong pagkatao.

Bigla ka na lang dumating sa aking buhay. 'Di ko na namalayan na habang sumisikat ang araw, may mga ulap na dahan-dahang pumapasok sa langit. At sa huling sandali ko lang napagtanto makulimlim na ang langit; bilang ang patak at nagsi-buhos ang ulan.

Ang mga kalamidad ay natural na pangyayari sa mga tao. Kahit anong dasal, anong pagpuri sa mga Diyos ay kung siya'y nagsabi na ito'y mangyayari ay ito ay matutupad.

Hindi maiiwasan.

Hindi matatakasan.

Ngunit, natatapos din ang kalamidad. Ito'y titigil, at bibigay-daan sa araw. Kahit basang-basa na ang aking paligid, lumalabas ang tamis na kabangunhan ng lupa. Malamig ang hangin at ramdam ng lahat na tapos na.

Tapos na.

Isa kang kalamidad, walang nakaka-alam kung kailan ikaw ay matatapos.

Isa kang kalamidad, walang batid sa'yong paglakas at paghina.

Isa kang kalamidad, na balang araw mawawala din. 

KalamidadCerita yang buat anda obses. Terokai sekarang