TU 1 🔧 - Baked Scallops

89 14 37
                                    




"HON, DITO TAYO." Malawak ang ngiti ni Marble na iginiya si Golda papunta sa pavilion.

Napatutop sa bibig si Golda at namilog ang mga mata nang makita ang kabuuan ng siyudad. "Wow! Ang ganda rito, hon!"

"Siyempre! Mahalaga ang araw na ito sa atin, eh."

Mula sa pagkatitig niya sa kumukuti-kutitap na mga maliliit na liwanag na masisilayan sa mababang parte na kinaroroonan nila, ibinaling niya sa kasingkinang na mga mata ng binata.

"Happy First Anniversary, hon!" puno ng galak ang mga wikang iyon ni Marble. Nakabibighani ang bawat pagbitaw nito ng salita dahil lumilitaw rin ang pares ng biloy sa pisngi. "Here, my gift for you!"

Mula sa pagtuon niya sa mga mata nito ay ibinaling niya sa puting sobre na hawak-hawak nito.

"Ano ito?" kunot-noong tanong niya, kasabay ng hindi maipaliwanag na pananabik.

"Buksan mo kasi! Paano mo malalaman?" sarkastikong tugon naman ni Marble. Hindi pa rin mapuknat ang ngiti nito sa labi.

Namamasa ang kamay ni Golda dahil sa magkahalong tuwa at pananabik. Dahan-dahan niyang binuksan ang kalahati sa short bond paper na sukat ng puting sobre na tinalian pa ng lasong pula at ginto na may glitters ang gilid. Magkapatong ang disenyo nitong hinati pa sa gitna. Kumislap ang mga mata niya nang mabuksan ito. Tumambad ang iba't ibang mga larawan nila ni Marble sa iba't ibang lugar na napuntahan nila—partikular ang mga roadtrip nila dahil ito ang nakahiligan nila—ang pagpunta sa malalayo at hindi mataong mga lugar gaya ng bukid o 'di kaya nama'y hindi komersyal na dagat. Purong abot-langit ang tuwa ang maaaninag sa lahat ng kuhang litrato nila. May nakasulat nitong "HAPPY 1ST ANNIVERSARY HONEY Q! I LUV U VERY MUCH!" Kaagad na nag-init ang sulok ng mga mata niya sa nasilayang sorpresa ng nobyo.

"Hon, thank you so much! Happy First Anniversary!" Dagli niyang niyakap nang mahigpit ang nobyo. Kaaya-aya ang pabango nitong masculine and classy. "Salamat dito sa collage na ginawa mo!" Di-maiwasang nagsipatakan ang mga luha sa polo ng nobyong kayakap.

Kumalas si Marble sa pagkakayakap at pinahid ang mga luha niya. "O, umiiyak ka. Hindi ka ba masaya?"

"Hindi masaya... sobrang saya. Hindi ko 'to inexpect."

"Alam ko naman ang gusto mo, eh. Itago mo 'yan, ha? Remembrance natin iyan."

Sunod-sunod na tango ang kanyang ginawa bilang tugon.

Pumunta sila sa gilid na bahagi ng pavilion at ipinatong ang mga braso sa balustre nito. Malaya nilang tinanaw ang maliwanag at payapang siyudad. Ramdam nila ang malamig na simoy ng hangin na banayad na humalik sa kanilang mga balat. Dinig din nila ang tinig ng tila naglalambing na mga kuliglig mula sa madilim, mapuno at mabulaklak na paligid. Maging ang katamtamang melodiya ng romantikong musika buhat sa di-kalayuang dining area ng hilltop restaurant na kinaroroonan nila ay nahagip din ng kanilang pandinig.

"Eh, ano namang gift mo sa akin, hon? Pabirong tanong ng binata sa kanya.

Bigla siyang napatda sa kanyang kinatatayuan. Wala nga pala siyang naihandang regalo.

"Hon, sorry!" Napakagat siya sa kanyang kuko. "Hindi ako naka-ready."

Malutong itong tumawa. Kinuha ang kanyang kanang kamay at masuyong pinisil. "Okay lang, hon! Your presence and love are enough for tonight!" Saka hinalikan ang kanyang kamay.

Mas lalong bumuhos ang kanyang luha dahil kailanman ay hindi pumalya si Marble na magbigay sa kanya ng ano-anong regalo tuwing monthsary nila. Ang pagdurusang naranasan niya noon kay Hemler ay salungat sa naramdaman niya ngayong kaligayahan, kasama ang bagong kasintahang si Marble.

Lord, maraming salamat sa buhay ni Marble! lihim niyang panalangin.

"Ano ba? Mas lalo yata kitang napaiyak," usal ni Marble na ikinatawa niya. "Halika na, kakain na tayo! Hindi pwedeng purong love-love lang tayo, dapat magkalaman din ang ating mga tiyan," prangkang dagdag pa nito.

Bahagyang inawang nito ang braso upang umabresyete siya. Binaybay nila ang hagdan pababa patungo sa main restaurant. Marahan ang ginawa nilang pagbaba sa bawat baitang ng hagdanan, kagaya ng marahang pagdama nila sa bawat segundo ng gabi ng kanilang anibersaryo. Tila ayaw na niya itong matapos. Katamtaman ang dinig nilang musika hanggang naging papalakas nang papalapit na sila sa lamesa. Nakaiibig ang kantang "I Could Not Ask for More" ni Edwin Mccain. Nanindig ang kanyang balahibo sa naramdamang kilig.

Nang makapasok sila ay magiliw na binati sila ng receptionist. Nang nahagip ng kanyang paningin ang kumpol ng dilaw na bulaklak sa isang mesa; ngunit binale-wala niya iyon at baka pag-aari ng ibang kustomer. Namilog ang kanyang mga mata nang doon ang kanilang punta.

"Hon, flowers for you!" Malapad ang ngiti ni Marble na ibinigay sa kanya ang bouquet of yellow carnation. Paborito niya kasi iyon.

Muli na namang pinasadahan ng luha ang kanyang bilugang pisngi. "Thank you so much, hon!" Inamoy-inamoy niya ang marikit na mga bulaklak na yakap-yakap niya.

Inatras ng nobyo ang silya para paupuin siya, saka ito umikot at pumwesto sa tapat niya. Nasa sulok na bahagi sila, kung saan ay natatanaw pa rin nila ang kagandahang ng lungsod kapag gabi.

"Ano ka ba, hon? Maliit na bagay ang mga iyan, kompara sa halaga mong mas mahal pa kaysa ginto."

"Hindi nga ako nagkakamali sa pagsagot sa iyo," madamdamin niyang tugon.

Nang bigang may tumikhim sa kanilang harapan na nagpatigil sa kanilang seryosong usapan. "Excuse me, maam, sir, here's the menu po." Ibinigay sa kanila ng waitress ang dalawang brochure.

Sinuklian naman nila ng pasasalamat at pangngiti ang waitress, pagkatapos ay napailing at ngumiting tumingin sa isa't isa. Pinagsaluhan nila ang masasarap na sari-saring pagkaing nakahain sa mesa matapos ng dalawampung minuto. Nagkaagawan pa sila sa huling piraso ng baked scallops at sabay na nagkatitigan.

"Sige, hon, sa 'yo na yan," nakatawang saad niya.

"Hindi, hon. Sa 'yo na 'yan." Diretsong nilagay sa kanyang pinggan ang mainit-init pang baked scallop na nabalot ng tunaw na mantikilya.

Diretsong sinipsip at sinimot niya ang laman na nakadikit sa shell, sanhi ng pagkalat ng mantikikya sa gilid ng kanyang bibig. Napatakip sa bibig na tumawa si Marble.

"Oh, bakit?"

"Ang butter, kumalat sa bibig mo, oh."

Ramdam niya ang pamumula ng pisngi at tainga niya. Maagap naman na pinahid ni Marble gamit ang kulay bughaw na table napkin.

Pagkatapos ng masagang kainan ay tumungo sila sa hardin na may dalawang duyang gawa sa kahoy. Nakabitin ang mga iyon sa malaking puno ng mangga. Kaagad nila itong inokupa.

"Hon, thank you so much for tonight!"

"Don't mention it, hon. Anything for you!"

"I love you, my Marble."

"I love you more, my Golda."

Sabay-sabay silang naghawak-kamay at tumingala sa itaas na hitik na hitik sa mga bituin. Pupunuin nila ng masasayang alaala ang kanilang pagmamahalan gaya ng bilang ng mga bituin sa kalawakan.

***

A/N: This is dedicated to _sadistrin . Thank you for your unending support, nette! <3

TUNE UPTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon