Ang kapal ng alikabok sa silid. Inuna niya ang Chippendale na sofa. Hinampas niya ng hinampas para magkaliparan ang alikabok. Kinuha niya ang walis tingting sa taas at inabot ang mga bahay-gagamba. Ni-scrub niya rin ang sahig. Mukhang kukulangin ang isang araw sa kakalinis ng lugar na ito at nakaramdam siya ng pagod at takot sa kakatulak at kakabuhat ng mga furniture.



Dina-dust niya ang isang aparador nang may nakita siyang isang pindutan. Pinindot niya at umatras na naman ang aparador at nagpakita ng maiksing hallway. Pumasok siya doon at nasindak sa kung ano ang nakita sa pahabang silid -mga paintings ng mga taong namamatay o pinapatay. Karamihan dugo, mga sakit, mga aksidente, mga nahihirapang mukha, mga naghihingalo.. Napakapa naman siya ng dibdib habang hinuhulaan kung paano ba dapat siya mamamatay. Napatutok ang mata niya sa isang painting na parang natatakpan ng totoong dugo. Tinaas niya ang kamay para siguraduhing dugo nga ang nahuhulog sa kwadro ngunit tinigil niya ang sarili nang isang dangkal na lang ang layo ng mga daliri. Natakot siya at baka totoo. Tiningnan na lang niya ang parte na hindi namantsahan ng nangingitim na pulang likido. Mukhang sa dark ages ito pininta dahil nakaroba ang mga babaeng nag-iiyakan.



Nilibot niya ang mga mata at ang pinakanakakatakot pala ay ang mga mapuputlang mukha ng mga taong malapit ng mamatay dahil sa isang nakakahawang sakit. Pakiramdam niya kapag lumapit siya ay mahahawaan din siya ng sakit ng mga ito. Nakakadiri pa ang isang Renaissance painting kung saan ang lalakeng malapit nang mamatay ay nakipagtalik pa sa isang babae na nakikipagtalik din sa isang lalake pa na may tinatalikan ding isang babae pa. Walang katapusang nagtatalik at napansin niya na simula sa mamamatay ay mukhang may mga sakit na rin ang mga katabi nito at ang sa pinakahuling linya ay malulusog pa at siguradong magkakasakit din.



Nilipat niya ang mga mata dahil hindi niya kaya ang nakikita. Doon siya lumiko sa hilera ng mga biblical depictions ng mga patay. Tumayo siya sa harap ng mga depictions ng ten plague of Egypt. Doon ang mga anghel ng kamatayan na sumasalot sa Ehipto.



Hinimas-himas niya ang mga nakatayong balahibo sa braso nang nakita niya ang last plague kung saan nagkakamatayan lahat ng mga panganay na lalake ng mga Egyptians. Doon ang mga anghel ng kamatayan na bumibisita sa mga bahay-bahay. Nakaramdam siya ng panglalamig dahil nandoon ang itsura ng mga bata. Naalala niya ang namatay nilang panganay, ang kanyang kuya John noong siyam na taong gulang siya. Nalunod kasi nang nag-swimming sila sa ilog. Naalala niya kung paano silang lahat naghiyawan sa pait nang nakita ang walang buhay na mukha ng kanyang kapatid. Ang ina niya noon parang mabaliw sa hinagpis.



"Nandito ka pala," isang boses ang pumukaw sa pagmuni-muni niya.



Hindi na niya kailangang lumingon para malamang nasa likod niya si Marciel.



"Binilhan kita ng cassava cake."



Wala siyang sagot. Hindi naman nagsalita muli ang lalake. Nagtataka siguro kung bakit tahimik siya. Inakbayan siya nito at giniya palabas ng silid, papunta sa labas. Dumiretso sila sa aklatan sa taas at sa lamesa binuksan ang malaking kahon ng cassava cake. Wala siyang gana pero binawasan niya rin dahil ayaw naman niyang i-offend ang lalake. Malaki ang tulong nito sa pag-aaral niya kaya dapat marunong din dapat siyang magpakita ng utang na loob.

ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO   (published by Bookware Publishing Corporation)Where stories live. Discover now