Napatakbo naman siya sa loob para hindi masakal ng lamig. Nang nakaupo siya sa mga serpentinang upuan ay napayakap siya sa armrest para mawala ang ginaw sa balat niya. Paano kaya nakabuga ng ganoong nakakamatay na lamig ang lalake? Mga kalahating oras pa yata ang lumipas bago tuluyang nawala ang ginaw. Iyon pa lang siya nakapagpatuloy ng pagsusulat sa libro. Sayang din kasi ang oras. Marami pa siyang pahinang matatapos. Mga alas-nuwebe ng gabi siya nagpasyang umuwi. Wala na sa upuan nito sa si Marciel pero doon pa rin ang kaunting lamig sa opisina. Baka nga kanina pa ito umalis. Dumiretso siya sa boarding house niya at pagdating doon ay may isang napakalaking flower arrangement na bumungad sa kanya sa sala.



"Ngayon-ngayon din lang 'yan dumating, Patty. Para raw sa 'yo," sabi ni Gng. Sanchez. Tinuro din ng ginang ang isang malaking thermos ng sabaw. Binuksan niya at doon ang mainit na corn and clam chowder. Mukhang masarap.



"Kanino raw galing?" tanong niya.



"Marceil raw."



Sakto rin dahil may natanggap siyang text mula kay Marciel. "Ubusin mo 'yong sabaw. Makakatulong 'yan kontra lamig."



Ah may nakokonsensiya pala kaya pinadalhan siya ng bulaklak at sabaw.



"Bakit may bulaklak? Sino may patay?" tanong ng paparating na si Maritess.



Napabungisngis siya dahil parang pangpatay nga talaga ang bulaklak. May stand kasi. Kulang na lang ribonette na may salitang Condolence.  Pangsementeryo talaga ang taste ni Marciel.



Pinagtulungan nilang ubosin lahat ang sabaw. Binigyan nga niya si Krang-krang ngunit ayaw ng aso. Hindi naman niya alam kung ano ang gagawin sa bulaklak. Mukhang hindi kasi kakasya sa maliit nilang kuwarto. Iniwan niya sa baba at kinaumagahan ay napasadlak ang mukha niya nang nakitang nakatumba na at lasog-lasog. Alam na niya kung sino ang salarin.



"Krang-krang naman eh!" sabi niya sa aso na nilalaro ni Jenny. Binigyan niya ito ng masamang tingin bago pinulot ang mga bulaklak. Ilalagay niya ang mga ito sa bote dahil galing kaya kay Marciel 'to kaya espesyal.



Nagbihis siya para makapunta ng Recto. Holiday ngayon kaya doon siya magbababad. Alas-otso nang umalis siya ng boarding house. May nadaanan nga siyang isang murang neck pillow sa isang stall kaya bumili siya para ibigay sa amo para tuluyan na nitong makalimutan ang sigmat sa pag-ayos niya ng mesa nito na hindi nagpaalam.



Hindi pa nga nakabukas si Mang Kanor nang dumating siya kaya sinususian niya ang maliit na pintuan para makapasok siya dahil binigyan siya ng duplicate ni Marciel. Plano niyang maglinis. Inumpisahan niya sa opisina bago dumiretso sa aklatan. Pinindot niya lahat ng switch ng ilaw kaya bumusilak ang buong aklatan. Nalaman niyang naka-wood panel pala ang mga dingding. Winawalis niya ang sahig na gawa sa baldosang Vigan nang may nakitang isang pindutan ng ilaw sa isang estante na hindi niya naipindot. Pinindot niya dahil gusto niyang sobrang mailaw ang lugar para hindi malungkot. Para kasing tahanan ng lagim dahil madilim at halos itim lahat. Pero walang kandelabra na umilaw, bagkus umatras ang estante at nag-slide pakaliwa. Bumungad sa kanya ang isang makitid na hagdan pababa na mukhang isang tao lang ang kakasya. May mapusyaw na ilaw naman sa duluhan kaya makikita naman niya ang apakan. Hindi niya matukoy kung gaano kalapad ang opisinang ito. Mukhang maraming pasanga-sangang silid. Kung papababa na ito, ibig sabihin, ang gatero na ng Recto ang ka-level ng silid sa ilalim ng hagdan.

ANG NAWAWALANG PINTUAN SA RECTO   (published by Bookware Publishing Corporation)Where stories live. Discover now