heart's desire

39 3 30
                                    

Hindi ako iiyak. Hinding-hindi ako iiyak.

Mariin kong idinampi ang aking mga daliri mula sa namumuong luha na nagbabadya nang tumakas sa aking mga mata. Ayaw ko rin na makipagsabayan at gumaya sa ulan na ngayo'y malayang dinadamdam ang kaniyang sandali.

Sa gabing ito, hindi kasali sa intensiyon ko ang maging malumbay lalong-lalo na't ipinagdiriwang ko ngayon ang aking ika-labing walong kaarawan. Inaasahan ko rin na dadating ang nag-iisa kong panauhin, si Cyrus, ang lalaking palihim kong hinahangaan.

Napayakap na lamang ako sa aking sarili dahil sa lamig na dala ng panahon. Napatingin ako sa salamin at nakita ko ang aking repleksiyon-nakasuot ng isang gown na hindi ko naman tipong suotin. Sa kabila ng pisikal kong nararamdaman, walang habas din ang pagsulyap ko sa aking cellphone at taimtim na naghihintay kung may pinadala na ba siyang mensahe para sa akin, ngunit wala akong natanggap simula pa noong huli niyang tugon-kaninang alas sais ng gabi, at mag-aalas nuwebe na ngayon.

Huminga ako nang malalim at pilit na isinasantabi ang mga negatibong konklusyon na kasalukuyang nananalatay sa aking isipan. Hindi ko rin maiwasan ang sarili na balikan na lamang ang nakaraang dalawang buwan-kung saan iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon kami ng interaksyon ni Cyrus sa isa't isa, at iyon din ang unang pagkakataon na nakatanggap ako ng words of affirmation sa kanya. Binanggit niyang maganda . . . maganda ang suot kong damit.

Nang sandaling iyon, inakala kong ako ang tinutukoy niyang maganda, 'yong damit ko lang pala. Hindi naman siguro niya ako napaghahalataan na ambisyosa sa sandaling iyon, 'di ba?

Bukod sa words of affirmation, taglay niya rin ang ibang love languages-acts of service, gift giving, physical touch at quality time. Nakakahiya man na banggitin pero naaalala ko sa kanya ang unang lalaking nagpakilala sa akin sa tunay na kahulugan ng pag-ibig.

Nagmistula akong baliw dahil bigla akong napangiti mula sa mga alaalang pumapasok sa aking isipan. Napa-iling na lamang ako at tumayo mula sa aking upuan. Nilibot ko ang buong sala na pinagsikapan kong lagyan ng dekorasyon kanina.

Kung tutuosin, ngayon lang ako nagkaroon ng gana na maghanda sa aking kaarawan. Noong nakaraang taon nang mag-isa na akong tumira, wala na akong pakialam sa kaarawan ko. Ang tanging rason lang kung bakit ako naghahanda ngayon ay dahil may kasama ako na ipagdiwang ito.

Agad akong napalingon sa direksiyon kung saan ko iniwan ang aking cellphone dahil umaalingawngaw ang tunog nito. Umaliwalas ang aking mukha at dali-dali akong nagtungo sa mesa.

Napawi ang ngiti ko nang makita ang pangalan ng aking ina sa Caller ID . . . akala ko si Cyrus na.

Huminga ako nang malalim bago sagutin ang tawag. "Hello, Ma!"

"Beverly, anak. Happy 18th Birthday! Pasensya na ngayon lang ako nakatawag, mahina ang signal dito dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan," paliwanag niya sa kabilang linya.

"Ayos lang, Ma. Naiintindihan ko dahil umuulan din dito ngayon."

"Sa November 1 na kayo makakauwi ng Ate mo 'di ba?"

"Opo."

"Saktong-sakto sa araw na 'yan ipagdiriwang din natin ang kaarawan mo. Isabay natin sa All Saint's Day."

"Aysus! Huwag na. Dagdag gastusin lang 'yan. Kontento na ako kahit hindi na magdiwang basta makauwi lang ako."

"Anong kontento? Kahit tapos na ang kaarawan mo, ipagdiriwang pa rin natin 'yan. Hindi ba sabi mo gusto mong makaranas ng Debut Party kung saan magkakaroon ka ng 18 dances, 18 roses, 18 treasures, 18 bills . . . kahit anong 18 pa 'yan."

Napangisi ako mula sa tugon ng aking ina. Sariwa pa sa aking isipan kung gaano ako ka-ambisyosa noong bata pa. Ngunit sa edad ko ngayon, hindi na ako nag-aambisyon sa mga bagay na walang kasiguradohan kung maaabot ko ba.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 09, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Heart's DesireWhere stories live. Discover now