Abisa

14 2 0
                                        

"MAGHAHANDA na agad ako at uuwi, 'Nay. Ite-text ko na lang po ang supervisor namin para makapagpaalam ako na uuwi riyan."

Tanging tango ang sagot ko sa bilin ng aking ina na mag-iingat ako sa biyahe kahit pa hindi niya naman ako nakikita.

Nanatili akong nakaupo sa kama, nakatungo at mariin ang pagkakapikit habang pinapakinggan ang hikbi niya sa kabilang linya.

Alas siyete diyes na ng umaga at kauuwi ko lang mula sa walong oras na duty sa trabaho. Kahihiga ko pa lamang sa kama nang makatanggap ng tawag sa cell phone. Agad akong napabangon nang mabungaran ng aking tenga ang hikbi ni nanay.

Napakabigat ng aking dibdib na para 'yong dinambahan matapos marinig ang balita mula kay nanay. Nagmamalibis na ang luha sa aking mga mata ngunit hindi ko magawang ilabas iyon nang tuluyan. Pumapatak ngunit parang nakikiramdam at hindi tuluyang bumubuhos. Ayokong marinig ng aking ina ang pagkawasak ng aking puso. Gusto kong maging malakas para sa kanya.

"Sino hong kasama ninyo diyan sa punerarya?"

"Ang Tiyo Andrew mo. Ikaw na lamang ang mag-asikaso ng birth certificate ng tatay mo pagkarating mo, ha? Parang hindi ko kakayanin na asikasuhin iyon, anak," humihikbing ani nanay.

Mariin akong napapikit. May kung ano'ng napupunit sa kaibuturan ng puso ko. Nauubusan ng buhay at hindi ko alam kung mapupunan pa dahil sa pagkawala ni tatay.

"Sila Benji ho?" tanong ko na para bang walang iniindang sakit.

"Tatawagan ko pa ulit ang kapatid mong iyon. Hindi niya sinagot kanina. Baka kako natutulog pa. Day off yata niyon."

"Dadaanan ko na lang ho kung hindi ninyo pa rin makontak."

"Mabuti pa nga."

"Sila Ate Trina ho?"

"Ang Ate Trina mo naman at Kuya Reynan ay ba-biyahe na rin kapag naipagpaalam na sa teacher ang mga bata na liliban muna sa eskwela."

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko. "May mga bibilhin ho ba ako?" Hindi ko alam kung paano ko pa nagagawang magsalita ng puno ng kahinahunan. Gayong gusto ko ng sumigaw dahil sa maya't mayang pagkirot ng puso ko.

"Siguro'y 'yong mga biscuit na nasa lata, anak. Mga candy at kapeng barako. Hindi na ako magbibilin kay Benji at baka makalimutan lang niyon. Alam mo naman ang kapatid mong iyon."

Dahil yata palaging puyat ay masyadong nagiging makakalimutin ang batang iyon. Pareho kaming nagta-trabaho sa isang bpo company pero magkaiba kami ng apartment na tinutuluyan dito sa Laguna. Habang ang pamilya nila Ate Trina ay sa Manila. May negosyo sila roon.

"Sige na ho, 'Nay. Ako na ho ang bahala sa mga 'yon."

"O, sige na, anak. Gumayak ka na, ha, para makauwi ka na agad. Tatawagan ko rin ulit sila Trina. Kailangan ko kayo rito."

"Opo, 'Nay."

Pagkaputol ng linya ay isang malalim na buntong-hininga muli ang aking pinakawalan. Ngunit hindi niyon naalis ang bigat na nararamdaman sa dibdib ko.

Pagkababang pagkababa ng aking kamay na may hawak na cell phone sa aking kandungan ay siyang pagpatak din ng mga luha mula sa aking mga mata.

Napangibit ako at napahikbi. Ilang ulit na pinukpok ang aking dibdib dahil para akong tatakasan ng aking hininga. Para bang ang ilang minutong pagpipigil na mailuha ang sakit na nararamdaman habang kausap si Nanay ay mas pinarami lamang ang kirot dito.

Ilang minuto akong nanatiling nakaupo sa aking kama at ibinubuhos ang mga luhang hindi ko alam kung saan nanggagaling habang sa isip ay paulit-ulit na tumatakbo ang masasayang alaala kasama ang aking ama.

AbisaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon