"Tinawag mo kong... Felicity."

Bigla na lang pumasok sa utak ko 'yong napanaginipan ko kanina.

'Yong bata sa panaginip ko. Tinawag niya rin akong Felicity.

Pero sabagay. Ano bang masama doon eh iyon naman talaga pangalan ko?

"TG!"

Nagulat ako nang may bigla na lang humawak sa magkabila kong balikat at sa paglingon ko sa may gilid ko, biglang nanlaki ang mata ko nang bigla na lang akong bigyan ng mahigpit na yakap ni Kaizer Buenavista.

"Sobrang pinag-alala mo ako," mahinang bulong niya sa akin saka ko naramdaman na mas humigpit sa akin 'yong yakap niya sa akin. "Alam mo bang takot na takot ako sa ginawa mo huh?"

Kahit na medyo malamig 'yong semento na kinauupuan ko ngayon, bigla na lang uminit 'yong pakiramdam ko sa mga sinabi ni Kaizer.

Pero imbes na barahin ko siya gaya ng madalas kong ginagawa sa mga "nakakakilig" niyang mala-Wattpad author line, bigla ko na lang ginantihan 'yong yakap niya sa akin saka ko biglang naramdaman 'yong panginginig ng buong katawan ko at umiyak sa balikat niya.

Baliw na nga talaga ako. Bigla na lang akong umiiyak ng walang dahilan.

Pero maya-maya lang, naging mas malinaw 'yong alaala ko kung paano ba nagkaganito ang sitwasyon ko at paano ako napunta sa ilalim ng stage ng auditorium. At matapos no'n mas lalo pang lumakas 'yong iyak ko.

"Ang sakit ng paa ko."

"Alam ko."

"Tapos nahulog yata ako."

"Alam ko."

Para akong bata na nagsusumbong sa nanay niya sa ginagawa ko ngayon. Pero wala na akong pakialam.

"Tapos takot na takot ako."

"Alam ko."

"Tapos akala ko mamatay na ako kanina."

"Alam ko."

"Tapos akala ko kanina may amnesia na ako."

"Huh?"

"Paano na lang 'pag nagka-amnesia ako? Nakakatakot! Baka makalimutan ko 'yong mga kwento sa mga paborito kong love team sa mga binabasa ko!"

Hindi na sumagot si Kaizer sa sinabi ko saka niya ako binatawan at pinaharap sa kanya.

"Mas nakakatakot, paano na lang ako kung nagka-amnesia ako? Paano ako makakauwi eh 'di ba nga may amnesia ako? Hindi ko na matatandaan daan ko pauwi!"

"TG-"

"Takot na takot ako kanina! Hirap na nga ako makatanda ng mga bagay-bagay tapos magkaka-amnesia pa ako? Paano na lang ako? Ano ng mangyayari sa akin? Sa mga anime na pinapanood ko? Sa mga libro na binabasa ko?"

Matagal na napatingin sa mukha ko si Kaizer saka siya biglang tumawa.

Alam mo 'yon? 'Yong tawa na parang wala ng bukas?

"Baliw ka talaga!" natatawa pang sabi niya. "Naaksidente ka na't lahat-lahat pero nagawa mo pa talagang magpatawa!"

"Hoy! Hindi ako nagpapatawa ah! Seryoso ako kanina na naisip ko talaga na nagka-amnesia ako!"

My Tag Boyfriend (Season 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon