Episode 2: Unang Sulyap

Magsimula sa umpisa
                                    

"Ilang beses na tayong umaakyat dito sa itaas pero naman nagagalit sa atin diba," ang tugon ko at noong naghahanda ako para umakyat at napahinto ako dahil may tao sa naturang barko. Hindi ko inaasahan na mayroong bibisita dito dahil halos ilang araw na rin itong palutang lutang dito sa karagatan.

"Hoy Soju, umuwi na tayo. Baka mahuli pa tayo ng mga taong iyan," ang paghila sa akin ni Ringo.

"Ang sabi ng mga matatanda doon sa ating isla ay mas malalaki raw ang ulo ng mga taong nasa ibabaw ng lupa kaysa atin. Nais ko lang makita kung totoo nga ito," ang bulong ko sabay sampa sa barko.

"Gago, sira ka talaga! Bumaba na tayo! Mahirap na mahuli," ang bulong niya pero sumunod pa rin siya sa akin at pilit akong hinihila pabalik

Nagkubli kami sa malalaking haligi ng abandunadong barko at dito ay nakita nga namin ang apat na lalaking paikot ikot at pabalik balik mula sa loob. Sakay sila ng isang maliit na bangka at itinali nila ito sa gilid ng barko upang hindi tangayin. Kitang kita rin namin kung paano hakutin ng mga ito ang mga kagamitan na sana ay para sa akin. "Master, mukhang mayaman ang barko ng mga piratang ito. Maraming mga kayamanan doon sa loob. Kunin na kaya natin ang buong barko at dalhin sa pampang?" tanong ng isang lalaking medyo may edad na. Kausap niya yung pinakabatang lalaking nakatingin sa malayo.

Maya maya ay humarap ito sa kanya. Taglay ng lalaki ang magandang mata, matangos na ilong at mapupulang labi. Matangkad ito at nakasuot ng kakaibang kalasag na animo isang mandirigmang prinsipe. Marahil siya ang tinatawag na "master" o pinuno ng mga ito.

"Nag iisip ka ba talaga? Kailangan lang natin lahat ng mga ginto at alahas diyan sa loob upang maibenta natin. Malaki laking pera ang katumbas niyan at tiyak na makakakuha tayo ng mas dekalibreng sandata," ang sagot nito sabay kuha sa kanyang itak na medyo luma na. Tiningnan pa niya ang sarili sa talim nito at habang nasa ganoong pagtitig siya ay tila nakita rin ang aking repleksyon sa talim nito at agad niya itong napansin at mapatingin sa aming direksyon.

Nagkubli kami ni Ringo. "Jusko yan na nga sinasabi ko. Baka isang Gidlis Hunter ang isang iyan. Umalis na tayo dito," ang bulong nito.

Marahang lumakad palapit sa amin ang lalaki, hawak niya ang kanyang itak na may kakaibang talim. "May tao ba dyan? Lumabas ka na ngayon rin!" ang utos nito sa amin pero nanatili pa rin kaming nakakubli sa malalaking haligi. Kung mag aamok siya ay tiyak na lalaban rin kami at magkakagulo dito sa barko.

"May tao ba dyan?" tanong niya ulit na ngayon ay malapit na siya sa aming pinagtataguan. Halos ilang dangkal na lamang ang pagitan namin sa kanyang kinalalagyan.

Tumingin sa akin si Ringo at humaba ang kanyang kuko, "kapag nakita niya tayo ay bubulagin ko siya papatayin ng pinakamatapang na lason," ang wika niya sa kanyang isipan na malinaw ko namang nauunawaan. Isa itong espesyal na abilidad ng mga tubig ahas na ginagamit namin sa ilalim na tubig, ang mag usap sa pamamagitan ng isipan.

"Sira ka ba? Sa itsura ng isang ito ay parang hindi naman niya kayang pumatay, hayaan na lang natin siya," ang sagot ko naman habang nanlalaki ang mata at nakatitig sa kanya.

"Ah basta, huwag siyang magkakamali!" ang sagot niya habang naghahanda sa pag atake.

"May tao ba dyan? Lumabas ka!" ang wika pa niya at noong malapit na siya sa amin ay bigla siyang tinawag ng kanyang kasamahan dahilan para mawala ang kanyang atensiyon sa aming kinalalagyan.

"Master Yoga, tingnan mo isang sibat na gawa sa purong ginto! Ito ang regalo namin sa iyo!" ang hirit nila, agad namang lumapit ang kanilang pinuno at kinuha ang sibat saka sinura. "Gawa sa mataas ng kalibre ng ginto ang isang ito," ang wika nito samantalang kami naman ay nakahinga na ng maayos.

"Muntik na iyon," ang bulong ni Ringo samantalang ako naman ay nakatanaw pa rin sa lalaki.

Tahimik.

"Hoy, hindi ka man lang kinabahan? Bakit parang wala lang sa iyo? Siguro kung nagkasubuan kanina ay ipagtatanggol mo yung lalaki laban sa akin no? Porket maamo yung mukha at mapula yung labi niya ay nagkakaganyan ka na," ang hirit pa nito.

Water Snake: THE LEGEND OF THE DEEPTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon